II MGA HARI 2
2
Si Elias ay Iniakyat sa Langit
1Nang malapit nang iakyat ng Panginoon si Elias sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo, sina Elias at Eliseo ay magkasamang umalis mula sa Gilgal.
2Sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maghintay ka rito sapagkat sinugo ako ng Panginoon hanggang sa Bethel.” Ngunit sinabi ni Eliseo, “Habang buháy ang Panginoon, at habang ikaw ay nabubuhay, hindi kita iiwan.” Kaya't pumunta sila sa Bethel.
3Ang mga anak ng mga propeta na nasa Bethel ay lumapit kay Eliseo, at sinabi sa kanya, “Nalalaman mo ba na kukunin ngayon ng Panginoon ang iyong panginoon mula sa iyo?” At kanyang sinabi, “Oo, nalalaman ko, manahimik kayo.”
4Sinabi ni Elias sa kanya, “Eliseo, maghintay ka rito; sapagkat sinugo ako ng Panginoon sa Jerico.” Ngunit kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, at habang buháy ka, hindi kita iiwan.” Kaya't sila'y dumating sa Jerico.
5Lumapit kay Eliseo ang mga anak ng mga propeta na nasa Jerico, at nagsipagsabi sa kanya, “Nalalaman mo ba na kukunin ngayon ng Panginoon ang iyong panginoon mula sa iyo?” At siya'y sumagot, “Oo, nalalaman ko; manahimik kayo.”
6At sinabi ni Elias sa kanya, “Maghintay ka rito; sapagkat sinugo ako ng Panginoon sa Jordan.” At kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, at habang buháy ka, hindi kita iiwan.” Kaya't humayo silang dalawa.
7Limampu sa mga anak ng mga propeta ay humayo rin, at tumayo sa tapat nila sa di-kalayuan habang silang dalawa ay nakatayo sa tabi ng Jordan.
8At kinuha ni Elias ang kanyang balabal at tiniklop ito, at hinampas ang tubig, at nahawi ang tubig sa isang panig at sa kabila, hanggang sa ang dalawa ay makatawid sa tuyong lupa.
9Nang#Deut. 21:17 sila'y makatawid, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Hingin mo kung ano ang gagawin ko sa iyo, bago ako kunin sa iyo.” At sinabi ni Eliseo, “Hayaan mong mapasaakin ang dobleng bahagi ng iyong espiritu.”
10Siya ay tumugon, “Ang hinihingi mo ay isang mahirap na bagay; gayunma'y kung makita mo ako habang ako'y kinukuha sa iyo, iyon ay ipagkakaloob sa iyo. Ngunit kung hindi mo ako makita, iyon ay hindi mangyayari.”
11Samantalang sila'y naglalakad at nag-uusap, isang karwaheng apoy at mga kabayong apoy ang naghiwalay sa kanilang dalawa. At si Elias ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo.
12Iyon#2 Ha. 13:14 ay nakita ni Eliseo at siya'y sumigaw, “Ama ko, ama ko! Mga karwahe ng Israel at mga mangangabayo nito!” Ngunit siya'y hindi na niya nakita. Kaya't kanyang hinawakan ang kanyang sariling kasuotan, at pinunit sa dalawang piraso.
13Kinuha niya ang balabal ni Elias na nahulog sa kanya, at siya'y bumalik, at tumayo sa pampang ng Jordan.
14Kanyang kinuha ang balabal ni Elias na nahulog sa kanya, at hinampas ang tubig, na sinasabi, “Nasaan ang Panginoon, ang Diyos ni Elias?” Nang kanyang mahampas ang tubig, ito ay nahawi sa isang panig at sa kabila, at si Eliseo ay tumawid.
Si Elias ay Hinanap Ngunit Hindi Nakita
15At nang makita siya sa may di-kalayuan ng mga anak ng mga propeta na nasa Jerico, ay kanilang sinabi, “Ang espiritu ni Elias ay na kay Eliseo.” Sila'y lumapit upang salubungin siya at nagpatirapa sa lupa sa harapan niya.
16Kanilang sinabi sa kanya, “Tingnan mo, ang iyong mga lingkod ay may limampung malalakas na lalaki. Hayaan mo silang humayo, at hanapin ang inyong panginoon. Baka tinangay siya ng Espiritu ng Panginoon at inihagis sa isang bundok, o sa isang libis.” At kanyang sinabi, “Hindi, huwag mo silang susuguin.”
17Subalit nang kanilang pilitin siya hanggang sa siya'y mapahiya, ay kanyang sinabi, “Suguin sila.” Kaya't sila'y nagsugo ng limampung lalaki, at naghanap sila sa loob ng tatlong araw, ngunit hindi siya natagpuan.
18Nang sila'y bumalik sa kanya, samantalang siya'y naghihintay sa Jerico at kanyang sinabi sa kanila, “Di ba sinabi ko sa inyo, huwag kayong humayo?”
Mga Kababalaghan ni Eliseo
19At sinabi ng mga mamamayan sa lunsod kay Eliseo, “Tingnan mo, ang kinalalagyan ng lunsod na ito ay mabuti, gaya ng nakikita ng aking panginoon, ngunit ang tubig ay masama, at ang lupa ay walang bunga.”
20Sinabi niya, “Dalhan ninyo ako ng isang bagong banga, at lagyan ninyo ng asin.” At kanilang dinala sa kanya.
21At siya'y pumaroon sa bukal ng tubig at hinagisan niya ng asin, at sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Ginawa kong mabuti ang tubig na ito; mula ngayo'y hindi na magkakaroon mula rito ng kamatayan o ng pagkalaglag.’”
22Sa gayo'y bumuti ang tubig hanggang sa araw na ito, ayon sa salita ni Eliseo na kanyang sinabi.
23Mula roo'y pumunta siya sa Bethel; at samantalang siya'y nasa daan, may mga kabataan na dumating mula sa bayan, na sinasabi, “Humayo ka, ikaw na kalbo! Humayo ka, ikaw na kalbo!”
24Nang siya'y lumingon at makita sila, kanyang sinumpa sila sa pangalan ng Panginoon. May lumabas na dalawang osong babae mula sa gubat at nilapa ang apatnapu't dalawang kabataan sa kanila.
25Mula roo'y pumunta siya sa Bundok ng Carmel, at pagkatapos ay bumalik siya sa Samaria.
Currently Selected:
II MGA HARI 2: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001