Ecclesiastico 33
33
1Hindi mapapahamak kailanman ang may takot sa Panginoon;
sa lahat ng pagsubok siya'y laging maliligtas.
2Ang taong marunong ay di napopoot sa Kautusan,
ngunit ang tumutupad nito nang paimbabaw ay parang bangkang hinampas ng bagyo.
3Ang#Exo. 28:30; Ecc. 45:10. matalinong tao ay nananalig sa Kautusan;
ang tiwala niya dito'y tulad sa tinig ng Panginoon.
4Ihanda mo ang iyong sasabihin kung nais mong ikaw ay pakinggan,
isaayos mo muna ang iyong nalalaman bago ka tumugon.
5Parang gulong ng kariton ang isipan ng mangmang,
parang paikut-ikot na ehe ang kanyang pangangatuwiran.
6Ang kaibigang mapanlibak ay parang kabayong haling,
na kapag sinakyan ninuman ay humahalinghing.
Ang Pagkakaiba-iba ng mga Bagay
7Bakit may araw na itinuturing na higit kaysa iba,
gayong iisa namang araw ang sumisikat sa buong isang taon?
8Sapagkat may mga araw na itinangi ang Panginoon,
nang itatag niya ang mga panahon at mga kapistahan.
9May araw siyang pinagpala at pinabanal,
at mayroon namang itinuring na pangkaraniwan.
10Lahat ng tao ay mula sa alabok;
sa alabok hinugis si Adan.
11Ngunit sa di malirip na karunungan ng Panginoon, wala siyang ginawa na magkatulad;
binigyan niya ang bawat isa ng kanyang tanging kalagayan.
12Mayroon siyang pinagpala at pinadakila,
mayroon siyang hinirang at itinalagang maglingkod sa kanya;
at mayroon namang sinumpa, pinahiya, at pinalayas sa kanilang kinalalagyan.
13Ang putik ay hinuhugisan ng magpapalayok
ayon sa kanyang maibigan.
Gayundin naman, ang tao ay binibigyan ng Diyos ng kani-kaniyang kalagayan,
ayon sa kanyang minamarapat.
14Ang katapat ng masama ay ang mabuti,
ang katapat ng kamatayan ay ang buhay,
at ang katapat ng makasalanan ay ang taong maka-Diyos.
15Ganyan nagmula sa kamay ng Lumikha ang lahat ng bagay:
magkakatambal, ang isang bagay ay kabaligtaran ng ikalawa.
16Ako ang kahuli-hulihang namitas ng ubas,
wari'y namulot lamang ako pagkaraan ng mamimitas.
Ngunit sa awa ng Panginoon, marami pa rin akong nakuha,#16 marami pa rin akong nakuha: o naabutan ko pa ang mga iba.
at napuno ko pa rin ang aking mga pisaan, gaya ng mga naunang namitas.
17Alalahanin ninyong ito'y hindi ko ginawa para sa aking sarili lamang,
kundi alang-alang sa lahat ng naghahangad matuto ng mabuting aral.
18Kaya makinig kayo, mga pinuno ng bayan,
kayo, mga namamahala sa kapulungan, pag-isipan ninyo ito.
Manatiling Malaya
19Habang ikaw ay nabubuhay pa dito sa daigdig,
huwag mong ipagkatiwala ang buhay mo kaninuman, maging sa asawa, anak, o kaibigan.
At huwag mo ring ipamigay na lahat ang iyong ari-arian.
Baka ka magsisi at mapilitang magmakaawa sa ari-ariang iyong ibinigay.
20Habang ikaw ay may hininga,
huwag mong ipailalim ang buhay mo sa iba.
21Mas mabuti na ang mga anak mo ang humingi sa iyo,
kaysa ikaw ang magmakaawa sa kanila.
22Magsikap ka sa lahat mong kabuhayan,
at huwag mong dudungisan ang iyong karangalan.
23At sa wakas ng iyong buhay, kapag ika'y naghihingalo na,
saka mo ipamana ang lahat mong ari-arian.
Tungkol sa mga Alipin
24Ang asno'y dapat bigyan ng kumpay, karga, at latigo;
ang alipin nama'y dapat bigyan ng pagkain, disiplina at trabaho.
25Pagawain mo nang husto ang iyong alipin upang matahimik ang loob mo;
kapag siya'y walang gawain, malamang na makaisip ng paglaya.
26Singkaw at pamatok ang pampasuko sa toro;
parusa ng berdugo ang pansupil sa masamang alipin.
27Pamalagiin mo siyang abala sa gawain;
sapagkat ang walang ginagawa ay nakakaisip ng masama.
28Pagtrabahuhin mo siya, doon siya nakatalaga,
at kung hindi sumunod, tanikalaan mo siya.
29Ngunit huwag kang magmamalabis kaninuman,
at huwag gagawa ng anumang labag sa katarungan.
30Kung mayroon kang alipin, mahalin mo siyang gaya ng iyong sarili,
sapagkat pinaghirapan mo ang salaping ibinili sa kanya.
31Ituring mo siyang parang kapatid,
sapagkat kailangan mo siya gaya ng iyong sarili.
Kung maging malupit ka sa kanya at siya'y lumayas,
saang panig ng daigdig mo siya hahanapin?
Currently Selected:
Ecclesiastico 33: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society