Ecclesiastico 32
32
Asal sa Handaan
1Kapag ikaw ay nangangabisera sa isang handaan,
huwag mong ipagmamayabang iyon;
makiisa ka sa kilos ng ibang panauhin.
At tingnan mo muna kung maayos na ang lahat bago ka maupo.
2Kapag natupad mo na ang mga dapat mong gawin ay maupo ka na,
at makipagsaya sa lahat ng dumalo.
Sa gayon ay tatanggap ka ng papuri dahil sa iyong mahusay na pamamahala.
3Kung ikaw ay nakakatanda, may karapatan kang magsalita,
ngunit huwag kang magpapaliguy-ligoy o aabalahin ang musika.
4At kung may palatuntunan, huwag kang magsalita tungkol sa palabas,
hindi iyon ang pagkakataon upang ipakita ang iyong galing.
5Parang rubi na nakatampok sa isang gintong singsing
ang musika sa oras ng piging.
6Parang batong esmeralda sa isang singsing na ginto,
ang masayang tugtugan sa pagtungga ng masarap na alak.
7Maaari ding magsalita ang kabataan kung kinakailangan,
ngunit dalawang beses lamang at kung siya'y tinatanong.
8Sabihin ang ibig ipahayag sa maikling pangungusap lamang;
ipakita mong ikaw ay maraming nalalaman ngunit hindi masalita.
9Huwag kang pangahas kung ang mga kasama mo'y nakakataas sa iyo,
at huwag kang maingay kapag may ibang nagsasalita.#9 huwag kang maingay kapag may ibang nagsasalita: Ganito ang nasa tekstong Griego. Sa tekstong Hebreo'y huwag kang tanong nang tanong sa kanila, baka sila'y mainis sa iyo.
10Katulad ng kidlat na nauuna sa kulog,
ang kagandahang-asal ng isang tao ay nababalita na bago pa siya makilala.
11Sa oras nang uwian, mamaalam ka na agad,
at huwag ka nang magtatagal pa sa iyong pag-alis.
Tumuloy ka na agad sa iyong tahanan.
12Doon ka maaaring maglibang ayon sa gusto mo,
huwag ka lang magkasala sa pagmamayabang.
13Higit sa lahat, magpasalamat ka sa dakilang Lumikha,
na nagkaloob sa iyo ng kanyang mga pagpapala.
Ang Paggalang sa Diyos
14Ang may paggalang sa Panginoon ay napasusupil sa kanya,
at ang gumigising nang maaga upang manalangin ay pinagpapala niya.
15Naliligayahang sumunod sa Kautusan ang nagsisikap makaunawa nito,
ngunit ito'y nagiging balakid sa taong hipokrito.
16Nakapagpapasya nang wasto ang may paggalang sa Panginoon,
at ang mabubuti nilang gawa ay nagliliwanag na parang ilaw.
17Ang makasalana'y di tumatanggap ng pangaral,
at binibigyan ng dahilan ang anumang naisin niya.
18Laging nakikinig sa paalala ang taong matino,
wala namang nakakapigil sa lapastangan at palalo.#18 lapastangan at palalo: Ganito ang nasa tekstong Griego. Sa tekstong Hebreo ay palalo lamang.
19Huwag kang gagawa ng anuman na di muna pinag-isipang mabuti,
at nang hindi mo pagsisihan sa bandang huli.
20Huwag kang lalakad sa mapanganib na daan,
at ingatan mong huwag matalisod sa mabatong landas.
21Huwag kang masyadong magtitiwala sa daang maaliwalas,#21 Huwag kang…maaliwalas: Ganito ang nasa tekstong Hebreo. Sa tekstong Griego ay Lagi mong bantayan ang iyong mga anak.
22sa halip, tingnan mong mabuti ang iyong binabagtas.
23Anuman ang ginagawa mo'y lagi kang mag-iingat,
iyon ang tunay na pagsunod sa mga kautusan.
24Ang naniniwala sa Kautusan ay sumusunod sa mga ipinag-uutos nito;
ang nagtitiwala sa Panginoon ay hindi mapapasama.
Currently Selected:
Ecclesiastico 32: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society