YouVersion Logo
Search Icon

Ecclesiastico 20

20
Wastong Paggamit ng Dila
1May pangaral na hindi napapanahon,
kaya may taong nananahimik kahit siya'y marunong.
2Mabuti pa ang manaway kaysa mag-apoy sa galit.
3Ang tumatanggap ng kamalian ay nakaligtas sa kahihiyan.
4Parang lalaking kapon na nagtatangkang makuha ang pagkababae ng isang dalaga,
ang gumagamit ng dahas upang mapalabas ang matuwid.
5Mayroong taong ipinapalagay na marunong sapagkat siya'y tahimik,
at mayroong kinayayamutan dahil sa kanyang kadaldalan.
6May taong nananahimik sapagkat walang malamang sabihin,
at mayroon namang ayaw magsalita sapagkat hindi pa napapanahon.
7Ang marunong ay naghihintay ng tamang pagkakataon,
ngunit ang hangal ay walang tigil ng kadadaldal.
8Ang mahabang magsalita ay kinaiinipan,
at ang nagmamarunong ay kinaiinisan.#8 Sa ibang manuskrito'y may dagdag na O anong inam ang magsisi kapag tinatama, pagkat maiiwasan mo ang hayag na kasalanan!
Mga Kabalintunaan
9Mayroong kabiguang nauuwi sa mabuti,
at mayroon namang tagumpay na humahantong sa kapahamakan.
10Kung minsan, may pagmamagandang-
loob na di mo papakinabangan,
ngunit mayroon naman na dalawang ulit ang tatanggapin mong ganti.
11May mga bagay na nawawala dahil sa karangalan,
ngunit mula sa abang pinanggalingan, marami ang umaakyat sa tugatog ng tagumpay.
12May nakakabili nang mura,
ngunit nang magsiyasat siya'y pitong doble pala ang bayad niya.
13Magsalita lamang ang marunong, marami na ang natutuwa,
ngunit anumang papuri ang sabihin ng hangal, wala ring maniwala.
14Wala kang papakinabangan sa regalo ng isang hangal
pagkat ang gantimpalang hintay niya'y pitong ulit ng kanyang bigay.
15Bawat munting kaloob niya'y may kasamang panunumbat,
at kung siya'y magsalita, mahihiya ang trumpeta.
Kapag ngayo'y umutang ka, bukas ay sisingilin ka agad niya.
Sinong hindi magagalit sa kanyang kahangalan?
16Lagi niyang hinanakit: “Mga kaibigan ko'y hindi tapat,
mga walang utang na loob, di marunong magpasalamat.
Matapos na pakainin ko, kung anu-ano pa ang isinusumbat!”
17Kaya't siya'y laging kukutyain ng mga tao.#17 Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Pagkat hindi niya tinanggap na may katapatan ang kanyang inaari, at ang hindi niya taglay ay hindi niya pinahahalagahan.
Di Wastong Pangungusap
18Mabuti pang madulas ang paa kaysa madulas ang dila;
ito ang malimit maging sanhi ng pagbagsak ng masamang tao.
19Ang taong may magaspang na ugali ay parang malaswang balita,
lagi na lamang pinag-uusapan ng mga taong masama ang tubo ng dila.
20Walang makikinig sa magandang aral kung galing sa hangal,
sapagkat sinasabi niya iyon nang wala sa lugar.
21Ang taong hindi makagawa ng masama dahil sa karukhaan,
ay di liligaligin ng kanyang budhi pagdating ng gabi.
22May nagpapatiwakal dahil sa maling kahihiyan;
kikitlin niya ang kanyang buhay dahil sa kahangalan.
23May nangangako sa kaibigan dahil lamang sa hiyang tumanggi,
kaya lumilikha siya ng kaaway nang walang tunay na dahilan.
24Isang maitim na batik sa isang tao ang magsinungaling,
ngunit ang ganitong gawain ay mamamalagi sa labi ng mga hangal.
25Mas mabuti pa ang magnanakaw kaysa sa sanay magsinungaling,
subalit kapwa sila hahantong sa kapahamakan.
26Ang pagsisinungaling ay ugaling kasuklam-suklam,
at ang kasiraang-puri ng sinungaling ay panghabang-panahon.
Ang Pagiging Katiwala ng Karunungan
27Ang magaling magsalita higit na sasagana,
at nakukuha ng matalino ang kalooban ng may kapangyarihan.
28Pagbutihin mo ang pagbubungkal nang mag-ani ka nang sagana,
kapag nakuha mo ang kalooban ng may kapangyarihan, patatawarin ka sa iyong mga pagkukulang.
29Kahit sa matalino'y nakakasilaw ang panunuyo at regalo,
nagiging busal na pumipigil sa kanya na magpahayag ng saway.
30Ang karunungang di ginagamit ay tulad ng nakatagong kayamanan;
hindi ito papakinabangan ninuman.
31-32Mabuti pang di hamak ang hangal na nagtatago ng kanyang kamangmangan,
kaysa isang marunong na ayaw gumamit ng kanyang karunungan.#31-32 Mabuti pang…kanyang karunungan: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Ang walang pagod na pagsisikap upang matagpuan ang Panginoon ay higit na mainam kaysa isang taong walang pinapanginoon sa pagpapatakbo ng kanyang sariling buhay.

Currently Selected:

Ecclesiastico 20: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in