Ecclesiastico 19
19
1Kapag ganyan nang ganyan, hindi ka yayaman.
Ang nag-aaksaya ng mumunting bagay, hindi magluluwat at mauubusan.
2Inililigaw ng alak at babae ang matinong lalaki;
at nawawalan ng kahihiyan ang nakikipagtalik sa babaing bayaran.
3Hanggang sa siya'y mapahamak dahil sa kanyang kapusukan,
at ang bangkay niya'y maging pagkain ng mga uod.
4Ang madaling magtiwala ay nagpapakilalang mababaw ang isipan;
at ang gumagawa ng masama ay nagpapahamak sa sarili.
5Ang nalulugod sa masama ay hindi malayong mapaparusahan.
Laban sa Kadaldalan
6Ang umiiwas sa daldalan ay malayo sa kapahamakan.
7Huwag mong sabihin sa iba ang bawat narinig mo,
at hindi ka masasangkot sa maraming gulo.
8Liban na lamang kung ipagkakasala mo ang di pagsasalita.
Huwag mong isisiwalat ang lihim ng iba sa iyong kaibigan o kaaway.
9Sapagkat may makakakita at makakarinig sa iyo,
at hindi magtatagal at kapopootan ka.
10Nakarinig ka ng balita? Sarilinin mo na lamang;
huwag kang matakot, hindi ka sasabog dahil doon.
11Kapag ang hangal ay nakasagap ng anumang balita,
nababalisa siyang parang buntis na hindi mapaanak; sabik na sabik siyang isiwalat iyon sa madla.
12Parang palasong nakatusok sa hita,
ang isang lihim sa dibdib ng hangal.
13Kausapin mo muna ang iyong kaibigan tungkol sa nabalitaan mong ginawa niya; baka naman hindi niya ginawa iyon.
At sakaling ginawa nga niya, ay nang huwag nang maulit pa.
14Kausapin mo ang iyong kapitbahay tungkol sa nabalitaan mong sinabi niya, baka naman hindi niya sinabi iyon.
At sakaling sinabi nga niya, ay nang huwag nang maulit pa.
15Kausapin mo ang iyong kaibigan sa nabalitaan mo tungkol sa kanya; kalimitan ang mga kumakalat na balita ay paninira lamang.
Huwag ka agad maniniwala sa bali-balita.
16Kung minsan, nadudulas ang dila ng tao nang di sinasadya;
sino ba ang di nagkakasala sa pananalita?
17-19Tanungin mo muna ang isang tao bago ka magbanta sa kanya,
sa gayon, matutupad mo ang Kautusan ng Kataas-taasang Diyos nang hindi ka nagagalit.#17-19 Tanungin…nagagalit: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Ang paggalang sa Panginoon ay nagbibigay-daan sa kanyang patawad, at ang karununga'y kinalulugdan niya. Ang kaalaman sa Kautusan ng Panginoon ay aral na nagbibigay-buhay, at ang mga gumagawa ng kalugud-lugod sa kanya ay kakain ng bunga ng kahoy na nagbibigay ng buhay na walang hanggan.
Tunay at Di Tunay na Karunungan
20-21Ang takot sa Panginoon ang kabuuan ng lahat ng Karunungan,
at ang ganap na Karunungan ay pagtupad sa Kautusan.#20-21 at ang…Kautusan: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na At pagkilala sa walang hanggang kapangyarihan ng Panginoon. Kapag sinabi ng alipin sa kanyang amo: “Ayaw ko!” Kahit na sumunod siya pagkatapos, galit pa rin ito sa kanya.
22Hindi tunay na Karunungan ang katalinuhan sa gawang masama,
at walang mabuting ibubunga ang payo ng masasamang tao.
23Mayroong karunungang karumal-dumal,
at mayroon namang nag-aasal hangal dahil sa kanilang kamangmangan.
24Mabuti pa ang kakaunti ang nalalaman ngunit may takot sa Diyos,
kaysa napakarunong ngunit lumalabag sa Kautusan.
25May katalinuhang ginagamit sa paglabag sa katarungan,
at may mga taong nanlilinlang makamtan lamang ang ninanais.
26May taong nakayuko at kunwa'y nagdadalamhati,
ngunit ang totoo'y masama ang binabalak.
27Nakapaling ang mukha at kunwa'y hindi nakakarinig,
ngunit kapag walang nakakapansin, pagsasamantalahan ka.
28Kung sa tingin niya'y hindi ka pa niya kaya ngayon, hindi ka niya gagawan ng anuman;
ngunit sa unang pagkakataon, pagsasamantalahan ka niya.
29Makikilala mo ang isang tao sa kanyang anyo,
at mahahalata agad ang marunong sa una ninyong pagkikita.
30Sa kanyang pananamit nakikilala siya,
sa kanyang pagtawa at sa kanyang paglakad.
Currently Selected:
Ecclesiastico 19: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society