YouVersion Logo
Search Icon

Ecclesiastico 18

18
Ang Kadakilaan ng Diyos
1Ang Diyos na nabubuhay magpakailanman
ang siyang lumikha ng sanlibutan.
2-3Ang Panginoon lamang ang makatarungan.
Walang ibang Diyos liban sa kanya.#2-3 Walang ibang…kanya: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Ang kanyang daliri ang pumapatnubay sa daigdig, ang kanyang kalooban ang sinusunod ng lahat, sapagkat siya ang hari ng sanlibutan, at ang kapangyarihan niya ang maghihiwalay sa banal at di banal.
4Walang makakapaghayag ng mga ginawa ng Panginoon,
at wala ring makakaunawa ng kanyang mga panukala.
5Sinong makakasukat ng kanyang karangalan?
Sinong makakapagsalaysay ng kanyang habag?
6Walang maidadagdag o mababawas sa mga ito ang tao.
Talagang di kayang maabot ng kanyang isipan ang mga kahanga-hangang gawa ng Panginoon.
7Kapag nabaybay niya ang lahat, siya'y nagsisimula pa lamang,
at pagtigil niya'y lito ang kanyang isip.
Ang Kaliitan ng Tao
8Ano ba ang tao, at ano ang kanyang katuturan?
Ano ang halaga ng kabutihan o kasamaang nagagawa niya?
9Tingnan mo na lamang ang haba ng kanyang buhay: Mahaba na ang sandaang taon.#9 Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Ngunit ang kamatayan ng bawat isa ay hindi kayang alamin ng lahat.
10Parang isang patak ng tubig mula sa dagat, o buhangin sa dalampasigan—
ganyan ang buhay ng tao, kung ipaparis sa panahong walang hanggan.
11Kaya naman pinagpapaumanhinan ng Diyos ang mga tao,
at ibinubuhos sa kanila ang kanyang habag.
12Nakikita at nauunawaan niya ang kahabag-habag nilang wakas;
dahil dito'y lalo niyang dinadagdagan ang kanyang pagpapatawad.
13Ang pagkahabag ng tao ay para sa kanyang kapwa lamang,
ngunit kinaaawaan ng Panginoon ang lahat ng may buhay.
Inaakay niya sila sa tumpak na landas, itinutuwid ang kamalian, sinusupil kung kailangan,
tinuturuan, at ibinabalik kapag naliligaw, gaya ng ginagawa ng pastol sa kanyang kawan.
14Kinahahabagan niya ang tumatanggap ng pangaral
at nagsisikap makatupad ng kanyang mga utos.
Paghahanda sa Hinaharap
15Anak, gumawa ka ng mabuti na walang halong panunumbat;
huwag mong bayaang ang kaloob mo'y mabahiran ng masakit na pangungusap.
16Hindi ba ang hamog ay nakakapagpalamig sa init ng araw?
Kung gayo'y higit pa sa kaloob ang magandang salita.
17Ang magandang pangungusap ay higit na mahalaga kaysa isang regalong mamahalin,
at ang dalawang ito ay kapwa ipinagkakaloob ng may tunay na magandang kalooban.
18Ang hangal ay mapanumbat at masungit,
ang bigay na mapait sa kalooban ng nagbigay ay mahapdi sa mata ng binigyan.
19Mag-aral ka muna bago ka magsalita,
at pangalagaan ang sarili bago pa dumapo ang sakit.
20Suriin mo ang sarili bago sumapit ang paglilitis,
at pagdating ng pagsisiyasat, magtatamo ka ng patawad.
21Magpakumbabá bago dapuan ng sakit
at magbalik-loob agad bago malulong sa kasalanan.
22Huwag mong ipagpaliban ang pagtupad ng panata;
huwag mong hintaying mabingit ka pa sa kamatayan bago tuparin iyon.
23Bago ka gumawa ng panata, ihanda mo muna ang sarili;
huwag mong tularan ang tumutukso sa Panginoon.
24Isipin mo: Gusto mo bang magalit siya sa iyo sa oras ng kamatayan?
Kapag hahatulan ka na niya, nais mo bang talikuran ka niya?
25Alalahanin mo ang gutom kapag ikaw ay nasa kasaganaan,
isipin mo ang karukhaan at pangangailangan sa panahong ikaw ay mayaman.
26Gaano karaming pagbabago ang nagaganap sa maghapon?
Ganyan kabilis magbago ang lahat ng bagay sa harap ng Panginoon.
27Ang marunong ay maingat sa lahat ng bagay,
at lalong nangingilag madungisan kapag lumulubha ang panganib na magkasala.
28Ang matalinong tao'y madaling makakilala ng karunungan,
at iginagalang niya ang sinumang nag-aangkin nito.
29Ang nakakaunawa ng mga kasabihan ay maibibilang na rin sa marurunong,
at ang mga pangungusap niya'y magiging batis ng karunungan.#29 Sa ibang manuskrito'y may dagdag naHigit na mainam ang magtiwala sa Panginoon kaysa manatiling ang puso'y walang buhay sa isang patay na pag-asa.
Ang Pagpipigil sa Sarili
30Huwag kang padadala sa masasama mong hilig,
bagkus pigilan mo ang iyong mga pagnanasa.
31Kapag sinunod mo ang iyong masasamang hilig,
pagtatawanan ka ng iyong mga kaaway.
32Huwag kang mawili sa panandaliang aliw
na ang ibinubunga'y ibayong paghihirap.
33Kung wala kang sariling pera, huwag mong asamin ang magarbong pag-aanyaya.
Kapag ang handa mo ay uutangin pa, sa malao't madali'y mamumulubi ka.#33 Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Pagkat naglalagay ka ng patibong laban sa sarili mong buhay.

Currently Selected:

Ecclesiastico 18: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in