LUCAS 21
21
Ang Handog ng Babaing Balo
(Mc. 12:41-44)
1Siya'y tumingala, at nakita niya ang mayayaman na naglalagay ng kanilang mga handog sa kabang-yaman.
2Nakita rin niya ang isang mahirap na babaing balo na naglalagay ng dalawang kusing.
3At sinabi niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang mahirap na babaing balong ito ay naglagay ng higit kaysa kanilang lahat.
4Sapagkat silang lahat ay naglagay mula sa kanilang kasaganaan, samantalang siya mula sa kanyang kahirapan ay inilagay ang lahat ng kanyang kabuhayan.”
Nagsalita si Jesus tungkol sa Pagkawasak ng Templo
(Mt. 24:1-14; Mc. 13:1-13)
5At habang nagsasalita ang ilan tungkol sa templo, kung paanong ito'y napalamutian ng magagandang bato at ng mga handog ay kanyang sinabi,
6“Tungkol sa mga bagay na ito na inyong nakikita ay darating ang mga araw na walang maiiwan dito ni isang bato sa ibabaw ng kapwa bato, na hindi ibabagsak.”
7Kanilang tinanong siya, “Guro, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? At ano ang magiging tanda kapag malapit nang mangyari ang mga bagay na ito?”
8At sinabi niya, “Mag-ingat kayo na hindi kayo mailigaw, sapagkat marami ang darating sa aking pangalan, na magsasabi, ‘Ako siya!’ at, ‘Malapit na ang panahon!’ Huwag kayong sumunod sa kanila.
9At kapag kayo'y nakarinig ng mga digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong matakot. Sapagkat kailangang mangyari muna ang mga bagay na ito, subalit hindi pa ito ang wakas.”
10Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Babangon ang isang bansa laban sa bansa at ang isang kaharian laban sa kaharian.
11Magkakaroon ng malalakas na lindol, at sa iba't ibang dako ay magkakaroon ng taggutom at mga salot, at magkakaroon ng mga bagay na kakilakilabot, at ng mga dakilang tanda mula sa langit.
12Subalit bago mangyari ang lahat ng mga bagay na ito ay pagbubuhatan nila kayo ng kanilang mga kamay at uusigin. Dadalhin kayo sa mga sinagoga, sa mga bilangguan at ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan.
13Ito ay magiging pagkakataon upang kayo ay magpatotoo.
14Ipasiya#Lu. 12:11, 12 ninyo sa inyong mga puso na huwag humanda na ipagtanggol ang sarili,
15sapagkat bibigyan ko kayo ng salita at karunungan na hindi malalabanan o matututulan man ng lahat ng sumasalungat sa inyo.
16Kayo'y ipagkakanulo maging ng mga magulang at mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at ipapapatay nila ang iba sa inyo.
17Kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan.
18Subalit hindi mawawala sa anumang paraan kahit isang buhok ng inyong ulo.
19Sa inyong pagtitiis ay makakamit ninyo ang inyong mga kaluluwa.
Nagsalita si Jesus tungkol sa Pagbagsak ng Jerusalem
(Mt. 24:15-21; Mc. 13:14-19)
20“Subalit kapag nakita ninyong pinaliligiran ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin nga ninyo na ang kanyang pagkawasak ay malapit na.
21Kaya't ang mga nasa Judea ay dapat tumakas patungo sa mga bundok; at ang mga nasa loob ng lunsod ay lumabas, at ang mga nasa labas ng lupain ay huwag pumasok doon;
22sapagkat#Hos. 9:7 ito ang mga araw ng paghihiganti, upang matupad ang lahat ng mga bagay na nasusulat.
23Kahabag-habag ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon! Sapagkat magkakaroon ng malaking pagdurusa sa ibabaw ng lupa at poot laban sa sambayanang ito.
24Sila'y mabubuwal sa pamamagitan ng talim ng tabak at dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa. Yuyurakan ang Jerusalem ng mga Hentil, hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Hentil.
Ang Pagdating ng Anak ng Tao
(Mt. 24:29-31; Mc. 13:24-27)
25“At#Isa. 13:10; Ez. 32:7; Joel 2:31; Apoc. 6:12, 13 magkakaroon ng mga tanda sa araw, at buwan, at mga bituin, at sa lupa'y magkakaroon ng kahirapan sa mga bansa, na nalilito dahil sa ugong ng dagat at mga daluyong.
26Ang mga tao ay manlulupaypay dahil sa takot, at mangangamba sa mga bagay na darating sa daigdig, sapagkat ang mga kapangyarihan sa mga langit ay mayayanig.
27Pagkatapos#Dan. 7:13; Apoc. 1:7 ay makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa isang ulap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.
28Kapag nagsimulang mangyari ang mga bagay na ito, tumingala kayo at itaas ninyo ang inyong mga ulo, sapagkat malapit na ang katubusan ninyo.”
Ang Aral tungkol sa Puno ng Igos
(Mt. 24:32-35; Mc. 13:28-31)
29At isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga: “Masdan ninyo ang puno ng igos at ang lahat ng mga punungkahoy;
30kapag mayroon na silang mga dahon ay nakikita mismo ninyo at nalalaman na malapit na ang tag-araw.
31Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, nalalaman ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos.
32Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang salinlahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.
33Ang langit at ang lupa ay lilipas, subalit ang aking salita ay hindi lilipas.
Kailangang Magbantay
34“Subalit mag-ingat kayo sa inyong sarili, baka magumon ang inyong mga puso sa katakawan, at kalasingan, at sa mga alalahanin ukol sa buhay na ito, at biglang dumating ang araw na iyon na parang bitag.
35Sapagkat ito ay darating sa lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa.
36Subalit maging handa kayo sa bawat panahon, na nananalanging magkaroon kayo ng lakas upang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang makatayo kayo sa harapan ng Anak ng Tao.”
37Araw-araw#Lu. 19:47 ay nagtuturo siya sa templo; subalit sa gabi ay lumalabas siya at ginugugol ang magdamag sa bundok na tinatawag na Olibo.
38At lahat ng mga tao ay maagang pumaparoon sa kanya sa templo upang pakinggan siya.
Цяпер абрана:
LUCAS 21: ABTAG01
Пазнака
Падзяліцца
Капіяваць
Хочаце, каб вашыя адзнакі былі захаваны на ўсіх вашых прыладах? Зарэгіструйцеся або ўвайдзіце
©Philippine Bible Society, 2001