Juan 6
6
Ang Pagpapakain sa Limanlibo
(Mt. 14:13-21; Mc. 6:30-44; Lu. 9:10-17)
1Pagkatapos nito, tumawid si Jesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. 2Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang pagpapagaling niya sa mga maysakit. 3Umakyat si Jesus sa bundok kasama ang kanyang mga alagad at naupo roon. 4Noon ay malapit na ang Paskwa ng mga Judio. 5Tumanaw si Jesus at nang makita niyang dumarating ang napakaraming tao, tinanong niya si Felipe, “Saan kaya tayo makakabili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” 6Sinabi niya iyon upang subukin si Felipe, sapagkat alam na niya ang kanyang gagawin.
7Sumagot naman si Felipe, “Kahit na po halagang dalawandaang salaping pilak#7 salaping pilak: Ito ay katumbas ng maghapong sahod ng isang karaniwang manggagawa. ng tinapay ay di sasapat para makakain sila nang tigkakaunti.”
8Sinabi ni Andres na isa sa kanyang mga alagad at kapatid ni Simon Pedro, 9“Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay at dalawang isda. Subalit sasapat kaya ang mga ito?”
10“Paupuin ninyo ang mga tao,” sabi ni Jesus. Madamo sa lugar na iyon. Umupo nga ang lahat, humigit-kumulang sa limanlibo ang mga lalaki. 11Kinuha ni Jesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi iyon sa mga tao. Gayundin ang ginawa niya sa isda. Nakakain ang lahat at nabusog. 12Nang makakain na ang mga tao, sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Ipunin ninyo ang lumabis nang di masayang.” 13Ganoon nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang kaing.
14Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang paparito sa sanlibutan!” 15Nahalata ni Jesus na lalapit ang mga tao at pipilitin siyang gawing hari, kaya't umalis siyang muli at mag-isang umakyat sa bundok.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig
(Mt. 14:22-33; Mc. 6:45-52)
16Nang magtatakip-silim na, ang mga alagad ay pumunta sa tabi ng lawa. 17Sumakay sila sa bangka at naglayag papuntang Capernaum. Madilim na'y wala pa si Jesus. 18Biglang lumakas ang hangin at lumaki ang alon. 19Nang makasagwan na sila nang may lima o anim na kilometro, nakita nila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa bangka, at sila'y natakot. 20Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag na kayong matakot. Ako si Jesus!” 21Tuwang-tuwa nilang pinasakay si Jesus; at kaagad na nakarating ang bangka sa kanilang pupuntahan.
Hinanap ng mga Tao si Jesus
22Alam ng mga taong naiwan sa dalampasigan na iisa lamang ang bangkang naroon. Alam rin nilang si Jesus ay hindi kasama ng mga alagad nang ang mga ito'y sumakay sa bangka dahil ang mga ito lamang ang umalis. Kinabukasan, 23dumating naman ang ilang bangkang galing sa Tiberias at dumaong sa lugar na malapit sa kinainan nila ng tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon. 24Kaya't nang makita nilang wala na roon si Jesus, ni ang kanyang mga alagad, sila'y sumakay sa mga bangka at pumunta sa Capernaum upang hanapin si Jesus.
Si Jesus ang Tinapay na Nagbibigay-buhay
25Nang makita nila si Jesus sa ibayo ng lawa, siya'y tinanong nila, “Guro, kailan pa kayo rito?”
26Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga himalang nakita ninyo, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. 27Huwag#Ecc. 24:19-22. ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan, kundi ang pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang binigyan ng Diyos Ama ng ganitong karapatan.”
28Kaya't siya'y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming matupad ang ipinapagawa ng Diyos?”
29“Ito ang ipinapagawa sa inyo ng Diyos, sumampalataya kayo sa sinugo niya,” tugon ni Jesus.
30“Ano pong himala ang maipapakita ninyo upang sumampalataya kami sa inyo? Ano po ang inyong gagawin? 31Ang#Exo. 16:4, 15; Awit 78:24; Kar. 16:20-21. aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang; ayon sa nasusulat, ‘Sila'y binigyan ni Moises ng tinapay na galing sa langit,’” sabi nila.
32Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit. 33Dahil ang tinapay na galing sa Diyos ang bumabâ mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sangkatauhan.”
34Sumagot sila, “Ginoo, bigyan po ninyo kaming lagi ng tinapay na ito.”
35Sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman. 36Ngunit sinabi ko na sa inyo, nakita na ninyo ako, ngunit hindi pa rin kayo sumampalataya sa akin. 37Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko itataboy kailanman ang sinumang lumalapit sa akin. 38Ako'y bumabâ mula sa langit, hindi upang gawin ang sarili kong kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin. 39At ito ang kanyang kalooban: ang huwag kong hayaang mapahamak ang kahit sinuman sa mga ibinigay niya sa akin, kundi ang buhayin ko siyang muli sa huling araw. 40Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat ng kumilala at sumampalataya sa Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila'y muli kong bubuhayin sa huling araw.”
41Nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sa sinabi niyang, “Ako ang tinapay na bumabâ mula sa langit.” 42Sinabi nila, “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kanyang ama't ina. Paano niya masasabi ngayong, ‘Bumabâ ako mula sa langit’?” 43Kaya't sinabi ni Jesus, “Tigilan ninyo ang inyong bulung-bulungan. 44Walang makakalapit sa akin malibang akayin siya sa akin ng Ama na nagsugo sa akin. At ang lalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw. 45Nasusulat#Isa. 54:13. sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo sa kanya ay lalapit sa akin. 46Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; ang nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama. 47Pakatandaan ninyo: ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan. 48Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay. 49Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila'y nasa ilang, ngunit sila'y namatay. 50Narito ang tinapay na bumabâ mula sa langit upang ang sinumang kumain nito ay hindi na mamatay. 51Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumabâ mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay ay ang aking katawan na ibibigay ko upang mabuhay ang sangkatauhan.”
52Dahil dito'y nagkaroon ng mainitang pagtatalu-talo ang mga Judio, “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang makain natin?”
53Sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. 54Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. 55Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. 56Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya. 57Buháy ang Ama na nagsugo sa akin at ako'y nabubuhay dahil sa kanya. Gayundin naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. 58Ito ang tinapay na bumabâ mula sa langit. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga ninuno sa ilang; namatay sila kahit na kumain niyon. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”
59Sinabi ito ni Jesus sa sinagoga habang siya'y nagtuturo sa Capernaum.
Mga Salita Tungkol sa Buhay na Walang Hanggan
60Narinig ito ng kanyang mga alagad at marami sa kanila ang nagsabi, “Mabigat na pananalita ito; sino ang makakaunawa nito?”
61Alam ni Jesus na nagbubulung-bulungan ang kanyang mga alagad tungkol dito; kaya't sinabi niya, “Dahil ba rito'y tatalikuran na ninyo ako? 62Gaano pa kaya kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao papunta sa dati niyang kinaroroonan? 63Ang#Kar. 9:13-18. Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng tao. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritung nagbibigay-buhay. 64Ngunit may ilan sa inyong hindi nananalig sa akin.” Alam na ni Jesus buhat pa noong una kung sinu-sino ang hindi mananalig sa kanya, at kung sino ang magkakanulo sa kanya. 65Idinugtong pa niya, “Iyan ang dahilan kaya ko sinabi sa inyo na walang makakalapit sa akin malibang ito'y loobin ng Ama.”
66Mula noo'y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na sumama sa kanya. 67Tinanong ni Jesus ang Labindalawa, “Kayo naman, gusto rin ba ninyong umalis?”
68Sumagot#Mt. 16:16; Mc. 8:29; Lu. 9:20. si Simon Pedro, “Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. 69Naniniwala kami at ngayo'y natitiyak namin na kayo nga ang Banal na mula sa Diyos.”
70Sumagot si Jesus, “Hindi ba't ako ang humirang sa inyong Labindalawa? Sa kabila nito'y diyablo ang isa sa inyo!” 71Ang tinutukoy niya'y si Judas na anak ni Simon Iscariote, sapagkat si Judas na kabilang sa Labindalawa, ang siyang magkakanulo sa kanya.
© 2005 Philippine Bible Society