Genesis 21
21
Ang Kapanganakan ni Isaac
1Pinagpala ni Yahweh si Sara at tinupad ang kanyang pangako. 2Ayon#Heb. 11:11. sa panahong sinabi ng Diyos, si Sara nga ay nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki, kahit matanda na noon si Abraham. 3Isaac ang ipinangalan ni Abraham sa kanyang anak. 4Ayon#Gen. 17:12; Gw. 7:8. sa utos ng Diyos, tinuli ni Abraham ang bata walong araw pagkasilang nito. 5Isandaang taon na si Abraham nang ipanganak si Isaac. 6Sinabi ni Sara, “Nakakatawa ang ginawang ito sa akin ng Diyos at sinumang makarinig nito'y tiyak na matatawa rin.” 7At sinabi pa niya, “Sa edad na iyon ni Abraham, sinong makakapagsabi sa kanyang ako'y mag-aalaga pa ng bata? Gayunman, nabigyan ko pa rin siya ng anak kahit siya'y matanda na.”
8Lumaki ang bata, at nang ito'y awatin, naghanda nang malaking salu-salo si Abraham.
Pinalayas si Hagar at si Ismael
9Minsan, nakikipaglaro kay Isaac si Ismael, ang anak ni Abraham kay Hagar na taga-Egipto. 10Nang#Ga. 4:29-30. makita ito ni Sara, sinabi niya kay Abraham, “Palayasin mo ang aliping iyan at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng aliping iyan ay hindi dapat makibahagi sa mamanahin ng anak kong si Isaac!” 11Labis itong ikinalungkot ni Abraham sapagkat anak din niya si Ismael. 12Ngunit#Ro. 9:7; Heb. 11:18. sinabi ng Diyos kay Abraham, “Huwag kang mag-alala tungkol sa mag-ina. Sundin mo na ang gusto ni Sara, sapagkat kay Isaac magmumula ang lahing sinabi ko sa iyo. 13Ngunit ang anak mong iyan kay Hagar ay magkakaanak din ng marami, at sila'y magiging isang bansa, dahil anak mo rin naman si Ismael.”
14Madaling araw pa lamang, ang mag-ina'y ipinaghanda na ni Abraham ng baong pagkain at inumin. Ipinapasan ni Abraham ang mga ito kay Hagar at ang mag-ina ay kanyang pinaalis. Nagpagala-gala sila sa ilang ng Beer-seba. 15Nang maubos na ang dalang tubig, iniwan ni Hagar ang kanyang anak sa lilim ng isang mababang punongkahoy, 16at naupo nang may sandaang metro mula sa kinaroroonan ng bata. Sabi niya sa sarili, “Di ko matitiis na makitang mamatay ang aking anak.” Samantalang nakaupo siyang nag-iisip, umiiyak naman ang bata.#16 umiiyak naman ang bata: Sa ibang manuskrito'y umiiyak si Hagar.
17Narinig ng Diyos ang iyak ng bata, at nagsalita mula sa langit ang anghel ng Diyos, “Hagar, anong bumabagabag sa iyo? Huwag kang matakot. Naririnig ng Diyos ang iyak ng iyong anak. 18Lapitan mo siya at patahanin. Gagawin kong isang dakilang bansa ang kanyang lahi.” 19Pinagliwanag ng Diyos ang paningin ni Hagar at nakita nito ang isang balon. Pinuno niya ng tubig ang dalang sisidlan at pinainom ang bata. 20Hindi nga pinabayaan ng Diyos si Ismael; ito'y lumaki sa ilang ng Paran at naging mahusay na mangangaso. 21Ikinuha siya ng kanyang ina ng mapapangasawa mula sa lupain ng Egipto.
Ang Kasunduan nina Abraham at Abimelec
22Nang#Gen. 26:26. panahong iyon, isinama ni Haring Abimelec si Picol, pinuno ng hukbo, at sila'y nagpunta kay Abraham. Sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Sa lahat ng gawain mo'y pinagpapala ka ng Diyos. 23Isumpa mo ngayon sa harap ng Diyos na hindi mo ako dadayain pati na ang aking lahi. Kung paanong ako'y naging tapat sa iyo, ipangako mo rin namang magiging tapat ka sa akin at sa lupaing ito na tinitirhan mo ngayon.”
24“Nangangako ako,” tugon naman ni Abraham.
25Ngunit nagreklamo si Abraham kay Abimelec tungkol sa isang balon na inagaw ng mga alipin ng hari. 26Sumagot si Abimelec, “Hindi ko nalalaman iyon. Bakit ngayon mo lamang sinabi sa akin?” 27Nagkasundo ang dalawa, at binigyan ni Abraham si Abimelec ng ilang tupa't baka. 28Ibinukod ni Abraham ang pitong tupa ng kanyang kawan. 29“Anong kahulugan nito?” tanong ni Abimelec.
30Sumagot si Abraham, “Ito'y para sa iyo, bilang pagsang-ayon mo na akin ang balong ito.” 31Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Beer-seba,#31 BEER-SEBA: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito ay “sumpaan”. sapagkat doon ay nanumpa sila sa isa't isa.
32Matapos ang sumpaang iyon, bumalik na sa lupain ng mga Filisteo si Abimelec at si Picol na pinuno ng kanyang hukbo. 33Pagkaalis nila'y nagtanim naman si Abraham ng punong tamarisko sa Beer-seba at sumamba kay Yahweh, ang Diyos na Walang Hanggan. 34Mahabang panahong nanirahan si Abraham sa lupain ng mga Filisteo.
© 2005 Philippine Bible Society