Pagharap sa Kawalan ng KasiguruhanHalimbawa
Paghahanap ng Lakas ng Loob Habang Kumakaharap sa Kawalan ng Kasiguruhan
“Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob sapagkat ikaw ang mamumuno sa bayang ito sa pagsakop nila sa lupaing ibibigay ko sa kanila, ayon sa aking pangako sa inyong mga ninuno.” - Josue 1:6
Pag-isipan si Josue nang naghahanda siyang pamunuan ang mga Israelita papasok ng Canaan—isang lugar na sakop ng kanilang mga kaaway. Bagama't ipinangako ng Diyos ang lupaing ito sa kanila, ang lakbayin upang matamo ang pangako ay matagal, mahirap, at puno ng kawalan ng kasiguruhan.
Maaaring ito ang dahilan kung bakit pinaalalahanan ng Diyos si Josue ng: “Sasamahan kita gaya ng pagpatnubay ko kay Moises. Hindi kita iiwan ni hindi pababayaan man. Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob…” Alam ng Diyos ang mga lihim na inaalala ni Josue, kaya't nangusap Siya sa takot na nasa puso ni Josue.
Ang parehong Diyos na nagpatatag kay Josue ay nais ring magpatatag sa'yo. Nauunawaan Niya kung gaano kadaling maparalisa ng takot at kabalisahan ang sinumang napipilitang umalis sa nakasanayan niya tungo sa mga sitwasyong labas sa kanyang kontrol.
Salamat naman, gaano man ang kawalan ng kasiguruhang iyong nararamdaman, ang kahahantungan ng bawat sitwasyon ay alam na ng Diyos. At nangangako ang Diyos na hindi kailanman iiwan ni pababayaan ang mga lumalapit sa Kanya. Ang mga anak Niya ay hindi kailanman nag-iisa. Hindi ka nag-iisa. At ang iyong kinabukasan ay nasa Kanyang mga kamay.
Kaya't, paano mo kakaharapin ang kawalan ng kasiguruhan?
Tanggapin mo ang iyong mga limitasyon, ibaba ang iyong mga inaasahan, at panghawakan ang mga deklarasyon ng Diyos. Sa sunod na 4 na araw, mas masusi nating titingnan ang mga hakbang na ito at tutuklasin kung paano mailalakip ang mga ito sa ating pang-araw-araw na buhay.
Isang Panalangin para sa Pagharap sa Kawalan ng Kasiguruhan:
O Diyos, alam ko na Ikaw ay gumagawa sa lahat ng bagay para sa ikabubuti. Ngunit ngayon, para akong nalulunod sa mga nangyayari sa aking paligid. Tila walang kasiguruhan sa kinabukasan at natataranta ako. Nawa'y tulungan Mo ako. Paalalahanan ako ng Iyong mga pangako. Puspusin ako ng lakas ng loob at bigyan ako ng lakas para sa kasalukuyan at pag-asa para sa hinaharap. Sa mga susunod na ilang araw, gamitin ang Gabay na ito upang mangusap sa aking puso at palakasin ang aking kaluluwa. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang buhay ay tila ba walang kontrol? Sa pabago-bagong mundo na puno ng pampulitikal, pang-ekonomiya at panlipunang kawalan ng kasiguruhan, paano mo paglalabanan ang kabalisahan at takot? Paano ka makakapamuhay nang may lakas ng loob at kakapit sa pag-asa? Sa 5-araw na Gabay na ito, tuklasin ang 3 biblikal na kaparaanan upang masumpungan mo ang lakas ng loob habang kumakaharap ng kawalan ng kasiguruhan, at matutunan kung paanong mailalakip ang mga ito sa iyong pang-araw-araw na gawain.
More