Bibliya Para Sa Mga BataHalimbawa
Inihahandog ng Bibliya Para sa mga Bata Ang Unang Pasko ng Pagkabuhay
Isinulat ni Edward Duncan Hughes
May isang babae na nakatayo sa tabi ng burol. Malungkot ang kanyang mga mata at nakatingin sa isang nakasisindak na tagpo. Ang buhay ng kanyang Anak ay unti-unting nagwawakas. Ang ina ay si Maria, at siya ay nakatayo kung saan si Hesus ay ipinako sa krus.
Paano nangyari ang lahat ng ito? Bakit ganito ang pagwawakas ng magandang buhay ni Hesus? Bakit niloob ng Diyos na ang Kanyang Anak ay ipako sa krus at doon mamatay? Nagkamali ba si Hesus sa kanyang pagkatao? Nabigo ba ang Diyos?
Hindi! Ang Diyos ay hindi nabigo! At si Hesus ay hindi nagkamali. Alam ni Hesus na Siya ay ilalagay sa kamatayan ng mga tao. Kahit noong Siya ay sanggol pa lamang, sinabi ng matandang si Simeon na kalungkutan ang hinaharap ni Maria.
Bago namatay si Hesus, isang babae ang nagbuhos ng napakamahal na pabango sa Kanyang mga paa. “Siya ay nag-aksaya ng pera,” ang puna ng mga alagad. “Mabuti ang kanyang hangad,” sabi ni Hesus. “Ito ay kanyang ginawa para sa aking libing.” Hindi pangkaraniwang pahayag!
Matapos nito, si Hudas, isa sa 12 alagad, ay sumang-ayon na ipagkanulo si Hesus sa mga punong pari para sa 30 piraso ng pilak.
Sa kapistahan ng Paskwa, kasama ni Hesus ang mga alagad sa Kanyang huling hapunan. Sinabi ni Hesus ang mga kahanga-hangang bagay tungkol sa Diyos at ang pangako sa mga taong umiibig sa Diyos.
Pagkatapos, si Hesus ay nagbigay ng tinapay at isang kopa para ibahagi sa lahat. Ito ay upang ipaalala sa kanila na inialay ni Hesus ang Kanyang katawan at dugo bilang kapatawaran sa kasalanan.
Pagkatapos ay sinabi ni Hesus na Siya ay ikakaila ng Kanyang mga kaibigan. “Hindi kita iiwan,” ang sabi ni Pedro. “Bago tumilaok ang manok, ako ay iyong ikakaila,” sabi ni Hesus.
Nang gabing iyon, si Hesus ay nanalangin sa Hardin ng Gethsemane. Ang mga kasamang alagad ay nakatulog. “O aking Ama,” dalangin ni Hesus, “Alisin mo sa akin ang paghihirap na ito, ngunit hindi ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang masunod.”
Biglang dumating ang maraming tao kasama si Hudas. Hindi naglaban si Hesus, ngunit tinaga ni Pedro ang tainga ng isang lalaki. Hinipo ni Hesus ang tainga ng alipin at ang sugat ay kaagad naghilom.
Dinala ng mga tao si Hesus sa bahay ng punong pari. Doon, hinusgahan ng mga lider na si Hesus ay dapat mamatay. Sa hindi kalayuan, kasama ni Pedro ang mga ibang Hudyo, at nagpapainit sa isang siga.
Si Pedro ay pinagmasdan ng mga tao at sinabi, “Kasama ka ni Hesus!” Ngunit ito ay ikinaila ni Pedro ng tatlong beses, na naayon sa sinabi ni Hesus.
Biglang tumilaok ang manok. Ito ay parang tinig ng Diyos kay Pedro. Naalala ni Pedro ang sinabi ni Hesus na siya ay kanyang ikakaila. Umiyak si Pedro ng buong pait.
Si Hudas ay nagsisi. Alam niya na walang kasalanan si Hesus. Kanyang binalik ang 30 piraso ng pilak, ngunit ayaw na itong tanggapin muli ng mga pari.
Inihagis ni Hudas ang mga pilak, umalis ng templo, at siya'y nagbigti.
Dinala ng mga pari si Hesus kay Pilato, ang gobernador ng Roma. Sabi ni Pilato, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.” Ngunit ipinagsigawan ng mga tao, “Ipako sa krus! Ipako sa krus!”
Ipinasya ni Pilato ng pagbigyan ang mga tao, at si Hesus ay hinatulang mamatay. Sinuntok ng mga kawal si Hesus, dinuraan at nilatigo. Kumuha sila ng sangang matinik, ginawa itong korona at inilagay kay Hesus. Pagkatapos, Siya ay pinako sa krus.
Alam ni Hesus na siya ay mamatay sa ganoong paraan. Alam niya rin na ito ang magbibigay ng kapatawaran sa mga taong makasalanan kung sila ay magtitiwala sa Kanya. May dalawang kriminal na kasamang ipinako sa krus. Ang isa ay naniwala kay Hesus, at siya ay pumunta sa paraiso habang ang isa ay hindi naniwala.
Matapos ang mahabang oras ng pagdurusa, sinabi ni Hesus, “Naganap na!”, at Siya ay namatay. Si Hesus ay inilibing ng Kanyang mga kaibigan.
Ang libingan ay binantayang mabuti ng mga kawal. Nilagyan ng batong panakip upang walang sinumang makapasok at makalabas.
Kung ito ang magiging katapusan ng kuwento, ito ay nakakalungkot. Ngunit ang Diyos ay kay buti buti. Si Hesus ay hindi nanatiling nakahimlay.
Madilim-dilim pa ng unang araw ng sanlinggo, nakita ng mga alagad na naigulong na ang batong nakatakip sa libingan. Nang sila ay sumilip sa loob, wala na si Hesus sa Kanyang himlayan.
Isang babae ang nanatiling lumuluha sa tabi ng libingan. Ngunit si Hesus ay nagpakita sa kanya! Ang babae ay masayang tumakbo papunta sa mga alagad habang sinasambit “Buhay si Hesus. Siya ay nagbalik mula sa pagkakahimlay!”
Nagpakita si Hesus sa Kanyang mga alagad, at ipinakita ang sugat sa Kanyang mga kamay. Si Hesus ay buhay! Kanyang pinatawad ang pagkakaila ni Pedro at iniutos sa Kanyang mga alagad na ipamalita sa lahat ang tungkol sa Kanya. At si Hesus ay bumalik sa langit kung saan Siya nagmula noong unang kapaskuhan.
Ang Wakas
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Paano nagsimula ang lahat ng ito? Saan tayo nanggaling? Bakit may napakaraming paghihirap sa mundo? Mayroon bang pag-asa? Mayroon bang buhay pagkatapos ng kamatayan? Hanapin ang mga sagot habang binabasa mo ang tunay na kasaysayan ng mundo.
More
Nais naming pasalamatan ang Bibliya para sa mga Bata sa pagbibigay ng plano na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: http://www.bibleforchildren.org