Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 14:13-36

Mateo 14:13-36 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Nang marinig ni Jesus ang pagkamatay ni Juan, sumakay siya sa isang bangka at pumunta sa isang lugar na walang tao. Ngunit nang mabalitaan naman iyon ng mga tao, sila'y naglakad papalabas sa kani-kanilang bayan at sinundan si Jesus. Pagdating ni Jesus sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming taong iyon. Nahabag siya sa kanila kaya't pinagaling niya ang mga maysakit na dala nila. Nang dapit-hapon na'y lumapit sa kanya ang mga alagad. Sinabi nila, “Malapit na pong lumubog ang araw at ilang ang lugar na ito. Papuntahin na po ninyo sa mga kalapit na nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain.” “Hindi na sila kailangang umalis. Kayo ang magpakain sa kanila,” sabi ni Jesus. Sumagot sila, “Wala po tayong pagkain kundi limang tinapay lamang at dalawang isda.” “Dalhin ninyo rito,” sabi niya. Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao. Kinuha ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamahagi iyon sa mga tao. Nakakain at nabusog ang lahat. Nang ipunin ng mga alagad ang natirang pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing ng tinapay. May limanlibong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata. Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo. Samantala, pinauwi naman niya ang mga tao. Matapos niyang paalisin ang mga ito, mag-isa siyang umakyat sa bundok upang manalangin. Nag-iisa siyang inabutan doon ng gabi. Samantala, ang bangka ay nasa laot na ngunit sinasalpok ito ng mga alon dahil pasalungat ito sa hangin. Nang madaling-araw na'y sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. “Multo!” sigaw nila. Ngunit nagsalita agad si Jesus at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot, ako ito!” Sinabi ni Pedro, “Panginoon, kung talagang ikaw nga iyan, hayaan mong ako'y pumunta sa iyong kinaroroonan diyan sa ibabaw ng tubig.” Sumagot siya, “Halika.” Mula sa bangka ay lumakad si Pedro sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. Ngunit nang mapansin niya na malakas ang hangin, siya'y natakot at nagsimulang lumubog. “Panginoon, sagipin ninyo ako!” sigaw niya. Agad siyang inabot ni Jesus. “Bakit ka nag-alinlangan? Napakaliit ng iyong pananampalataya!” sabi niya kay Pedro. Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin at sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay nga pong kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila. Tumawid sila ng lawa at dumating sila sa baybayin ng Genesaret. Si Jesus ay nakilala ng mga tagaroon at agad nilang ipinamalita ang kanyang pagdating, kaya't dinala ng mga tao ang lahat ng maysakit sa buong lupaing iyon. Hiniling nila kay Jesus na mahawakan man lamang ng mga maysakit ang laylayan ng kanyang damit; at ang lahat ng gumawa nito ay nagsigaling.

Mateo 14:13-36 Ang Salita ng Dios (ASND)

Nang mabalitaan iyon ni Jesus, sumakay siya sa isang bangka at pumunta sa isang tahimik na lugar. Nang malaman ng mga tao mula sa ibaʼt ibang bayan na nakaalis na si Jesus, lumakad sila patungo sa lugar na pupuntahan niya. Kaya nang bumaba si Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila at pinagaling niya ang mga may sakit sa kanila. Nang gumagabi na, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Nasa ilang na lugar po tayo at dumidilim na. Paalisin nʼyo na po ang mga tao para makapunta sila sa mga nayon at nang makabili ng pagkain nila.” Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi na nila kailangang umalis. Kayo ang magpakain sa kanila.” Sumagot sila, “Mayroon lang po tayong limang tinapay at dalawang isda.” “Dalhin ninyo ang mga ito sa akin,” ang sabi ni Jesus. Inutusan niya ang mga tao na maupo sa damuhan. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang tinapay at ibinigay sa mga tagasunod niya, at ibinigay naman nila ito sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang natirang pagkain, at nakapuno sila ng 12 basket. Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga 5,000, maliban pa sa mga babae at mga bata. Pagkatapos, pinasakay agad ni Jesus sa bangka ang mga tagasunod niya at pinauna sa kabila ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao. Nang makaalis na ang mga tao, umakyat siyang mag-isa sa isang bundok para manalangin. Inabot na siya roon ng gabi. Nang oras na iyon, malayo na ang bangkang sinasakyan ng mga tagasunod niya. Sinasalpok ng malalaking alon ang bangka nila dahil pasalungat ito sa hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Pagkakita ng mga tagasunod na may naglalakad sa tubig, kinilabutan sila. At napasigaw sila ng “Multo!” dahil sa matinding takot. Pero agad na nagsalita si Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob.” Sumagot si Pedro sa kanya, “Panginoon, kung kayo nga iyan, papuntahin nʼyo ako riyan na naglalakad din sa tubig.” “Halika,” sabi ni Jesus. Kaya bumaba si Pedro sa bangka at naglakad sa tubig patungo kay Jesus. Pero nang mapansin niyang malakas ang hangin, natakot siya at unti-unting lumubog. Kaya sumigaw siya, “Panginoon, iligtas nʼyo ako!” Agad naman siyang inabot ni Jesus at sinabi, “Kay liit ng pananampalataya mo. Bakit ka nag-alinlangan?” Pagkasakay nilang dalawa sa bangka, biglang tumigil ang malakas na hangin. At sinamba siya ng mga nasa bangka at sinabi, “Talagang kayo nga po ang Anak ng Dios.” Nang makatawid sila ng lawa, dumaong sila sa bayan ng Genesaret. Nakilala ng mga taga-roon si Jesus at ipinamalita nila sa mga karatig lugar na naroon siya. Kaya dinala ng mga tao kay Jesus ang mga may sakit sa kanila. Nakiusap sila kay Jesus na kung maaari ay pahipuin niya ang mga may sakit kahit man lang sa laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng nakahipo ay gumaling.

Mateo 14:13-36 Ang Biblia (TLAB)

Nang marinig nga ito ni Jesus, ay lumigpit sila mula roon, sa isang daong na nasa isang dakong ilang na bukod: at nang mabalitaan ito ng mga karamihan, ay nangaglakad sila na sumunod sa kaniya mula sa mga bayan. At siya'y lumabas, at nakita ang isang malaking karamihan, at nahabag siya sa kanila, at pinagaling niya ang sa kanila'y mga may sakit. At nang nagtatakipsilim na, ay nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Ilang ang dakong ito, at lampas na sa panahon; paalisin mo na ang mga karamihan, upang sila'y magsiparoon sa mga nayon, at sila'y mangakabili ng kanilang makakain. Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi kailangang sila'y magsialis; bigyan ninyo sila ng makakain. At sinasabi nila sa kaniya, Wala tayo rito kundi limang tinapay at dalawang isda. At sinabi niya, Dalhin ninyo rito sa akin. At ipinagutos niya sa mga karamihan na sila'y magsiupo sa damuhan; at kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, at pagtingala sa langit, ay kaniyang pinagpala, at pinagputolputol at ibinigay ang mga tinapay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga karamihan. At nagsikain silang lahat, at nangabusog: at kanilang pinulot ang lumabis na pinagputolputol, na labingdalawang bakol na puno. At ang mga nagsikain ay may limang libong lalake, bukod pa ang mga babae at ang mga bata. At pagdaka'y pinapagmadali niya ang kaniyang mga alagad na magsilulan sa daong, at magsiuna sa kaniya sa kabilang ibayo, hanggang pinayayaon niya ang mga karamihan. At pagkatapos na mapayaon niya ang mga karamihan, ay umahon siyang bukod sa bundok upang manalangin: at nang gumabi na, ay siya'y nagiisa doon. Datapuwa't ang daong ay nasa gitna na ng dagat, na hinahampas ng mga alon; sapagka't pasalungat sa hangin. At sa ikaapat na pagpupuyat ng gabi ay naparoon siya sa kanila, na lumalakad sa ibabaw ng dagat. At nang makita siya ng mga alagad na lumalakad sa ibabaw ng dagat, ay nangagulumihanan sila, na nangagsasabi, Multo! at sila'y nagsisigaw dahil sa takot. Datapuwa't pagdaka'y nagsalita sa kanila si Jesus, na nagsasabi, Laksan ninyo ang inyong loob; ako nga: huwag kayong mangatakot. At sumagot sa kaniya si Pedro, at nagsabi, Panginoon, kung ikaw nga, ay papariyanin mo ako sa iyo sa ibabaw ng tubig. At sinabi niya, Halika. At lumunsad si Pedro sa daong, at lumakad sa ibabaw ng tubig upang pumaroon kay Jesus. Datapuwa't pagkakita niyang malakas ang hangin, ay natakot siya, at nang siya'y malulubog, ay sumigaw, na nagsasabi, Panginoon, iligtas mo ako. At pagdaka'y iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya, at sa kaniya'y sinabi, Oh ikaw na kakaunti ang pananampalataya, bakit ka nagalinglangan? At pagkalulan nila sa daong, ay humimpil ang hangin. At ang mga nasa daong ay nagsisamba sa kaniya, na nangagsasabi, Tunay na ikaw ang Anak ng Dios. At nang makatawid na sila, ay narating nila ang lupa ng Genezaret. At nang siya'y makilala ng mga tao sa dakong yaon, ay nangagpabalita sila sa palibotlibot ng buong lupaing yaon, at sa kaniya'y dinala ang lahat ng mga may sakit; At ipinamamanhik nila sa kaniya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kaniyang damit: at ang lahat ng nangagsihipo ay pawang nagsigaling.

Mateo 14:13-36 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)

Nang marinig ni Jesus ang pagkamatay ni Juan, sumakay siya sa isang bangka at pumunta sa isang lugar na walang tao. Ngunit nang mabalitaan naman iyon ng mga tao, sila'y naglakad papalabas sa kani-kanilang bayan at sinundan si Jesus. Pagdating ni Jesus sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming taong iyon. Nahabag siya sa kanila kaya't pinagaling niya ang mga maysakit na dala nila. Nang dapit-hapon na'y lumapit sa kanya ang mga alagad. Sinabi nila, “Malapit na pong lumubog ang araw at ilang ang lugar na ito. Papuntahin na po ninyo sa mga kalapit na nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain.” “Hindi na sila kailangang umalis. Kayo ang magpakain sa kanila,” sabi ni Jesus. Sumagot sila, “Wala po tayong pagkain kundi limang tinapay lamang at dalawang isda.” “Dalhin ninyo rito,” sabi niya. Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao. Kinuha ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamahagi iyon sa mga tao. Nakakain at nabusog ang lahat. Nang ipunin ng mga alagad ang natirang pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing ng tinapay. May limanlibong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata. Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo. Samantala, pinauwi naman niya ang mga tao. Matapos niyang paalisin ang mga ito, mag-isa siyang umakyat sa bundok upang manalangin. Nag-iisa siyang inabutan doon ng gabi. Samantala, ang bangka ay nasa laot na ngunit sinasalpok ito ng mga alon dahil pasalungat ito sa hangin. Nang madaling-araw na'y sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. “Multo!” sigaw nila. Ngunit nagsalita agad si Jesus at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot, ako ito!” Sinabi ni Pedro, “Panginoon, kung talagang ikaw nga iyan, hayaan mong ako'y pumunta sa iyong kinaroroonan diyan sa ibabaw ng tubig.” Sumagot siya, “Halika.” Mula sa bangka ay lumakad si Pedro sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. Ngunit nang mapansin niya na malakas ang hangin, siya'y natakot at nagsimulang lumubog. “Panginoon, sagipin ninyo ako!” sigaw niya. Agad siyang inabot ni Jesus. “Bakit ka nag-alinlangan? Napakaliit ng iyong pananampalataya!” sabi niya kay Pedro. Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin at sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay nga pong kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila. Tumawid sila ng lawa at dumating sila sa baybayin ng Genesaret. Si Jesus ay nakilala ng mga tagaroon at agad nilang ipinamalita ang kanyang pagdating, kaya't dinala ng mga tao ang lahat ng maysakit sa buong lupaing iyon. Hiniling nila kay Jesus na mahawakan man lamang ng mga maysakit ang laylayan ng kanyang damit; at ang lahat ng gumawa nito ay nagsigaling.

Mateo 14:13-36 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)