Nang marinig ni Jesus ang pagkamatay ni Juan, sumakay siya sa isang bangka at pumunta sa isang lugar na walang tao. Ngunit nang mabalitaan naman iyon ng mga tao, sila'y naglakad papalabas sa kani-kanilang bayan at sinundan si Jesus. Pagdating ni Jesus sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming taong iyon. Nahabag siya sa kanila kaya't pinagaling niya ang mga maysakit na dala nila. Nang dapit-hapon na'y lumapit sa kanya ang mga alagad. Sinabi nila, “Malapit na pong lumubog ang araw at ilang ang lugar na ito. Papuntahin na po ninyo sa mga kalapit na nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain.” “Hindi na sila kailangang umalis. Kayo ang magpakain sa kanila,” sabi ni Jesus. Sumagot sila, “Wala po tayong pagkain kundi limang tinapay lamang at dalawang isda.” “Dalhin ninyo rito,” sabi niya. Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao. Kinuha ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamahagi iyon sa mga tao. Nakakain at nabusog ang lahat. Nang ipunin ng mga alagad ang natirang pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing ng tinapay. May limanlibong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata. Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo. Samantala, pinauwi naman niya ang mga tao. Matapos niyang paalisin ang mga ito, mag-isa siyang umakyat sa bundok upang manalangin. Nag-iisa siyang inabutan doon ng gabi. Samantala, ang bangka ay nasa laot na ngunit sinasalpok ito ng mga alon dahil pasalungat ito sa hangin. Nang madaling-araw na'y sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. “Multo!” sigaw nila. Ngunit nagsalita agad si Jesus at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot, ako ito!” Sinabi ni Pedro, “Panginoon, kung talagang ikaw nga iyan, hayaan mong ako'y pumunta sa iyong kinaroroonan diyan sa ibabaw ng tubig.” Sumagot siya, “Halika.” Mula sa bangka ay lumakad si Pedro sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. Ngunit nang mapansin niya na malakas ang hangin, siya'y natakot at nagsimulang lumubog. “Panginoon, sagipin ninyo ako!” sigaw niya. Agad siyang inabot ni Jesus. “Bakit ka nag-alinlangan? Napakaliit ng iyong pananampalataya!” sabi niya kay Pedro. Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin at sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay nga pong kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila. Tumawid sila ng lawa at dumating sila sa baybayin ng Genesaret. Si Jesus ay nakilala ng mga tagaroon at agad nilang ipinamalita ang kanyang pagdating, kaya't dinala ng mga tao ang lahat ng maysakit sa buong lupaing iyon. Hiniling nila kay Jesus na mahawakan man lamang ng mga maysakit ang laylayan ng kanyang damit; at ang lahat ng gumawa nito ay nagsigaling.
Basahin Mateo 14
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mateo 14:13-36
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas