Deuteronomio 4:3-49
Deuteronomio 4:3-49 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)
Nakita ninyo ang ginawa ni Yahweh sa Baal-peor; nilipol niya ang lahat ng sumamba kay Baal, ngunit kayong nanatiling tapat kay Yahweh na inyong Diyos ay buháy pa hanggang ngayon. “Ngayon nga'y itinuturo ko sa inyo ang mga batas at tuntunin na ito gaya ng ipinag-utos sa akin ni Yahweh na ating Diyos. Sundin ninyo ang mga ito sa lupaing malapit na ninyong sakupin at tirhan. Unawain ninyo ito at sunding mabuti. Sa gayon makikita ng ibang bansa ang inyong karunungan at pang-unawa. Kaya't masasabi nila: ‘Ang dakilang bansang ito'y matalino at may malawak na pagkaunawa.’ “Sinong diyos ng ibang bansa ang handang tumulong anumang oras liban kay Yahweh? Aling bansa ang may makatarungang tuntunin at kautusan tulad ng ibinigay ko sa inyo ngayon? Ngunit mag-ingat kayo. Huwag ninyong kakalimutan o babale-walain ang mga bagay na inyong nasaksihan, habang kayo'y nabubuhay. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo. Huwag ninyong kalilimutan ang sinabi ni Yahweh nang kayo'y nasa harap ng Bundok ng Sinai: ‘Tipunin mo sa harapan ko ang buong bayan. Ituturo ko sa kanila ang aking mga utos upang magkaroon sila ng takot sa akin habang sila'y nabubuhay; ituturo naman nila ito sa kanilang mga anak.’ “At kayo'y nagtipon sa paanan ng bundok; ito'y naglagablab nang abot sa langit. Pagkatapos, nabalot ito ng ulap at kadiliman. Mula sa gitna ng apoy, nagsalita sa inyo si Yahweh; narinig ninyo ang kanyang tinig ngunit hindi ninyo siya nakita. Ipinahayag niya ang mga tuntunin ng kasunduang ginawa niya sa inyo, ang sampung utos na isinulat niya sa dalawang tapyas ng bato. Noon, iniutos niya sa akin na ituro sa inyo ang mga tuntunin na inyong susundin sa lupaing sasakupin ninyo. “Nang kayo'y kausapin ni Yahweh mula sa apoy sa Sinai, wala kayong nakitang anyo, kaya mag-ingat kayong mabuti. Huwag kayong gagawa ng anumang larawan upang sambahin, maging kawangis ng tao, hayop sa ibabaw ng lupa, ibon, ng anumang gumagapang o ng anumang isda. Huwag ninyong sasambahin ang araw, buwan, bituin o alinmang bagay sa kalawakan na nilalang ni Yahweh para sa tao. Iniligtas kayo ni Yahweh mula sa napakainit na pugon ng pagkaalipin sa Egipto upang maging kanyang bayang hinirang. Nagalit sa akin si Yahweh dahil sa inyo, at isinumpa niyang hindi ako makakarating sa masaganang lupaing ibibigay niya sa inyo. Hindi ninyo ako makakasama sa kabila ng Jordan. Dito na ako mamamatay ngunit kayo'y magpapatuloy upang sakupin ang lupaing iyon. Mag-ingat kayo. Huwag na huwag ninyong kalilimutan ang kasunduan ninyo ni Yahweh. Huwag kayong gagawa ng anumang larawan upang sambahin, gaya ng ipinagbawal niya sa inyo. Sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay tulad ng naglalagablab na apoy at siya ay mapanibughuing Diyos. “Kahit gaano katagal ang abutin ninyo roon, kahit kayo'y magkaanak at magkaapo, huwag kayong gagawa ng mga larawan upang sambahin sapagkat magagalit sa inyo si Yahweh na inyong Diyos. Masama ito sa kanyang paningin. Saksi ang langit at ang lupa na kapag nilabag ninyo ang utos na ito, hindi kayo magtatagal sa lupaing iyon sa kabila ng Jordan sapagkat malilipol kayo nang lubusan. Paghihiwa-hiwalayin kayo ni Yahweh sa iba't ibang bansa at kaunti lamang ang matitira sa inyo. At sa lugar na pagtatapunan sa inyo ay maglilingkod kayo sa mga diyus-diyosang kahoy at bato na gawa ng mga tao. Sila'y hindi nakakakita, nakakarinig, nakakaamoy ni nakakakain. Gayunman, matatagpuan ninyong muli si Yahweh kung siya'y buong puso ninyong hahanapin. Kapag nangyari na ang lahat ng ito, at kayo'y nasa matinding kahirapan, manunumbalik na kayo kay Yahweh at maglilingkod sa kanya. Siya ay mahabagin. Hindi niya kayo pababayaang malipol sapagkat hindi niya kakalimutan ang kanyang kasunduan sa inyong mga ninuno. “Ipagtanong ninyo kahit saan at kahit kanino kung may naganap nang tulad nito. May nasaksihan o nabalitaan na ba kayong gaya nito mula nang likhain ng Diyos ang daigdig? Maliban sa inyo, mayroon pa bang ibang sambayanan na nakarinig sa tinig ng isang diyos mula sa haliging apoy, at nanatiling buháy? Sino bang diyos ang nagtangkang maglabas ng isang buong lahi mula sa isang bansa upang maging kanya sa pamamagitan ng tagisan ng kapangyarihan, ng kababalaghan, ng digmaan, at ng makapangyarihang mga gawa, tulad ng ginawa sa Egipto ni Yahweh na inyong Diyos? Ang mga pangyayaring ito'y ipinakita niya sa inyo upang maniwala kayo na si Yahweh ay Diyos, at wala ng iba liban sa kanya. Mula sa langit, nagsalita siya sa inyo upang kayo'y turuan. At dito sa lupa nagsalita siya mula sa apoy. At dahil sa pag-ibig niya sa inyong mga ninuno, pinili niya kayo, at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ay inilabas kayo sa Egipto. Pinuksa niya ang mga bansang mas malaki at mas makapangyarihan kaysa inyo upang makapanirahan kayo sa lupaing ibinigay niya sa inyo ngayon. Dahil dito, tandaan ninyo at huwag kalilimutan na sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos liban kay Yahweh. Kaya nga, dapat ninyong sundin ang kanyang mga utos at tuntuning sinasabi ko sa inyo ngayon. Sa ganoon, pagpapalain kayo at ang lahing susunod sa inyo. Magtatagal kayo habang panahon sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.” Pagkatapos, pumili si Moises ng tatlong lunsod sa kabila ng Jordan upang maging kanlungan ng sinumang makapatay nang di sinasadya. Kapag ito'y nakapasok sa alinman sa mga lunsod na iyon, ligtas na ito sa paghihiganti ng mga kamag-anak ng namatay. Ito ang mga lunsod na ibinukod niya: ang Bezer sa mataas na kapatagan sa ilang para sa lipi ni Ruben; ang Ramot sa Gilead para sa lipi ni Gad, at ang Golan sa Bashan para sa lipi ni Manases. Ito ang kautusang ibinigay ni Moises sa mga Israelita, mga batas at tuntuning ipinahayag niya nang sila'y lumabas sa Egipto. Sila noon ay nasa silangan ng Jordan sa libis ng Beth-peor, sakop ni Haring Sihon ng mga Amoreo. Si Haring Sihon ay nagapi nga nina Moises nang sila'y umalis sa Egipto. Sinakop nila ang lupain nito, pati ang lupain ni Haring Og. Ang dalawang haring ito ng mga Amoreo ang sumakop sa silangang bahagi ng Ilog Jordan. Ang lupaing nasakop nila noon ay mula sa Aroer, sa tabi ng Ilog Arnon hanggang Bundok ng Zion o Hermon, sakop din ang buong Araba sa silangan ng Jordan, hanggang sa baybayin ng Dagat na Patay sa paanan ng Bundok ng Pisga.
Deuteronomio 4:3-49 Ang Salita ng Dios (ASND)
Nakita ninyo ang ginawa ng PANGINOON sa Baal Peor. Pinatay ng PANGINOON na inyong Dios ang mga kapwa ninyo Israelita na sumamba kay Baal. Pero kayo na matapat sa PANGINOON na inyong Dios ay buhay pa hanggang ngayon. “Itinuturo ko sa inyo ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay sa akin ng PANGINOON na aking Dios para inyong sundin pagdating ninyo sa lupaing pupuntahan ninyo at titirhan. Sundin ninyo ito nang buong tapat, dahil sa pamamagitan nitoʼy maipapakita ninyo ang inyong kaalaman at pang-unawa sa ibang mga bansa. Kung maririnig nilang lahat ang tuntuning ito, sasabihin nila, ‘Totoo nga na marunong at may pang-unawa ang mga tao ng makapangyarihang bansang ito.’ Wala nang iba pang makapangyarihang bansa na may dios na malapit sa kanila gaya ng PANGINOON na ating Dios na malapit sa atin sa mga panahong tumatawag tayo sa kanya. At wala nang iba pang makapangyarihang bansa na may mga utos at tuntunin na katulad ng itinuro ko sa inyo ngayon. Pero mag-ingat kayo! Huwag ninyong kalilimutan ang mga bagay na inyong nakita na ginawa ng PANGINOON. Kailangang manatili ito sa inyong mga puso habang nabubuhay kayo. Sabihin ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo. Alalahanin ninyo ang araw na tumayo kayo sa harap ng PANGINOON na inyong Dios sa Bundok ng Sinai, kung saan sinabi niya sa akin, ‘Tipunin mo ang mga mamamayan sa aking presensya para makinig sa aking mga salita upang matuto silang gumalang sa akin habang nabubuhay pa sila, at para maituro nila ito sa kanilang mga anak.’ Pagkatapos, lumapit kayo sa akin at tumayo sa ibaba ng bundok habang naglalagablab ito na abot hanggang langit, na binalutan ng kadiliman dahil sa maitim na ulap. Pagkatapos, nagsalita ang PANGINOON mula sa gitna ng apoy. Narinig ninyo ang kanyang boses, pero wala kayong nakita. Sinabi niya sa inyo ang mga bagay na gagawin ninyo sa pagtupad ng mga kasunduan niya sa inyo. Ito ay ang Sampung Utos na iniutos niyang sundin ninyo. At isinulat niya ito sa dalawang malalapad na bato. Nang panahong iyon, inutusan ako ng PANGINOON na ituro sa inyo ang mga utos at mga tuntunin na susundin ninyo roon sa lupain na inyong aangkinin at titirhan. “Nang nakipag-usap ang PANGINOON sa inyo sa Bundok ng Sinai mula sa gitna ng apoy, wala kayong nakitang anyo ng PANGINOON. Kaya bantayan ninyo ang inyong mga sarili na hindi ninyo dudungisan ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng paggawa ng anumang anyo o imahen ng dios-diosan – lalaki man o babae, hayop na lumalakad o lumilipad, gumagapang o nakatira sa tubig. Huwag kayong maakit sa pagsamba sa mga bagay na nasa langit – sa araw, buwan at mga bituin. Ang mga ito ay inilagay ng PANGINOON na inyong Dios para sa lahat ng mamamayan sa buong mundo. Alalahanin ninyo na kinuha kayo ng PANGINOON sa Egipto, ang lugar na katulad ng pugon na naglalagablab, para maging mamamayan niya, at ganyan kayo ngayon. “Nagalit ang PANGINOON sa akin dahil sa inyo, at isinumpa niya na hindi ako makakatawid sa Jordan at makakapasok sa magandang lupain na ibinigay ng PANGINOON na inyong Dios bilang inyong mana. Mamamatay ako sa lupaing ito na hindi makakatawid sa Jordan, pero matatawid ninyo at masasakop ang masaganang lupaing iyon. Ngunit mag-ingat kayo na hindi ninyo makalimutan ang kasunduang ginawa sa inyo ng PANGINOON na inyong Dios. Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan sa anyo ng anumang bagay, dahil ipinagbabawal ito ng PANGINOON na inyong Dios, at ayaw na ayaw niyang may sinasamba kayong ibang dios. Parang apoy na nakakatupok kapag nagparusa ang PANGINOON na inyong Dios. “Sa bandang huli, kung magkakaanak kayo at magkakaapo, at naninirahan na sa lupaing iyon nang matagal na panahon, huwag ninyong dudumihan ang inyong sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga dios-diosan ng anumang anyo. Masama ito sa paningin ng PANGINOON na inyong Dios at makakapagpagalit ito sa kanya. “Sa araw na ito, itinuturing kong saksi ang langit at lupa laban sa inyo. Kung hindi ninyo ako susundin, hindi kayo magtatagal sa lupain na inyong mamanahin sa kabila ng Jordan. Maninirahan kayo roon sa sandaling panahon lang, at pagkatapos ay malilipol kayo ng lubusan. Pangangalatin kayo ng PANGINOON sa ibang mga bansa, at kaunti lang ang matitira sa inyo roon sa mga bansa kung saan kayo itataboy ng PANGINOON. At doon na kayo sasamba sa mga dios na gawa sa kahoy at bato, na hindi nakakakita, nakakarinig, nakakakain o nakakaamoy. Ngunit kung hahanapin ninyo ang PANGINOON na inyong Dios, makikita ninyo siya, kung hahanapin ninyo siya nang buong puso. Kapag dumating ang kahirapan sa inyo, sa bandang huliʼy manunumbalik kayo sa PANGINOON na inyong Dios at susundin ninyo siya. Sapagkat maawain ang PANGINOON na inyong Dios, hindi niya kayo pababayaan o lilipulin. Hindi niya kalilimutan ang kasunduang kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno. “Alalahanin ninyo ang mga nangyari mula nang araw na nilikha ng Dios ang tao sa mundo hanggang ngayon. Libutin ninyo ang buong mundo kung may makikita kayong kamangha-manghang bagay na nangyari katulad ng mga ito. Mayroon pa bang ibang tao na nabuhay pagkatapos nilang marinig ang boses ng Dios mula sa apoy, kagaya ninyo? Mayroon pa bang ibang Dios na nangahas na kunin ang isang grupo ng mga mamamayan mula sa isang bansa para maging kanya sa pamamagitan ng mga pagsubok, himala, mga kamangha-manghang bagay, digmaan o mga makapangyarihang gawa? Pero iyan ang ginawa ng PANGINOON na inyong Dios doon sa Egipto, at kayo mismo ang nakakita nito. Ipinakita sa inyo ang mga bagay na ito para malaman ninyo na ang PANGINOON ang Dios, at wala nang iba pa. Ipinarinig niya sa inyo ang kanyang boses mula sa langit sa pagdisiplina sa inyo. Ipinakita niya sa inyo ang kanyang makapangyarihang apoy dito sa lupa para makipag-usap sa inyo mula sa apoy na ito. At dahil sa minahal niya ang inyong mga ninuno, pinili niya kayo at inilabas sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang presensya at kapangyarihan. Itinaboy niya ang mga bansang mas makapangyarihan pa sa inyo para madala kayo sa kanilang lupain, ibinigay niya ito sa inyo bilang inyong mana, katulad ng ginawa niya ngayon. “Kaya kilalanin ninyo ang araw na ito at itanim sa inyong mga puso na ang PANGINOON ay Dios sa langit at sa lupa, at wala nang iba pang dios. Sundin ninyo ang kanyang mga utos at tuntunin na ibinigay ko sa inyo ngayon para walang masamang mangyari sa inyo at sa inyong salinlahi, upang mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinibigay ng PANGINOON na inyong Dios magpakailanman.” Pagkatapos, pumili si Moises ng tatlong lungsod sa silangan ng Jordan para makatakas papunta roon ang taong nakapatay ng kanyang kapwa nang hindi sinasadya at hindi plinano. Makakatakas siya papunta sa mga lungsod na ito para hindi siya mapahamak. Ito ang mga lungsod: Bezer na nasa disyerto sa talampas na sakop ng lahi ni Reuben; Ramot sa Gilead para sa lahi ni Gad; at Golan para sa lahi ni Manase. Ibinigay ni Moises sa mga Israelita ang mga kautusan, katuruan at tuntunin na ito nang lumabas sila sa Egipto at habang nagkakampo sila sa lambak malapit sa Bet Peor sa silangan ng Jordan. Sakop noon ni Sihon na hari ng mga Amoreo ang lupaing ito, noong naghahari siya sa Heshbon. Siya at ang mga tauhan niya ang tinalo ni Moises at ng mga Israelita nang lumabas sila sa Egipto. Sinakop nila Moises ang lupain nito at ang lupain ni Haring Og ng Bashan. Sila ang dalawang Amoreo na mga hari sa silangan ng Jordan. Ang kanilang mga lupain na nasakop ng mga Israelita ay mula sa Aroer na nasa itaas na bahagi ng Lambak ng Arnon, papunta sa Bundok ng Sirion na tinatawag ding Hermon, at ang lahat ng lupain sa Lambak ng Jordan sa silangan ng Ilog ng Jordan hanggang sa Dagat na Patay, sa ibabang bahagi ng libis ng Pisga.
Deuteronomio 4:3-49 Ang Biblia (TLAB)
Nakita ng inyong mga mata ang ginawa ng Panginoon tungkol kay Baal-peor, sapagka't lahat ng mga tao na sumunod kay Baal-peor, ay nilipol ng Panginoon mong Dios sa gitna mo. Nguni't kayong umayon sa Panginoon ninyong Dios ay nangabubuhay pa ang bawa't isa sa inyo sa araw na ito. Narito, aking tinuruan kayo ng mga palatuntunan at ng mga kahatulan, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon kong Dios upang inyong gawing gayon sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang ariin. Ingatan nga ninyo at inyong isagawa; sapagka't ito ang inyong karunungan at ang inyong kaalaman sa paningin ng mga tao, na makakarinig ng mga palatuntunang ito, at magsasabi, Tunay na ang dakilang bansang ito ay isang pantas at maalam na bayan. Sapagka't anong dakilang bansa nga ang may dios na napakalapit sa kanila, na gaya ng Panginoon nating Dios kailan man tayo'y tumawag sa kaniya? At anong dakilang bansa nga, ang may mga palatuntunan at mga kahatulang napaka-tuwid na gaya ng buong kautusang ito, na aking inilalagda sa harap ninyo sa araw na ito? Magingat ka lamang sa iyong sarili, at ingatan mo ang iyong kaluluwa ng buong sikap, baka iyong malimutan ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata, at baka mangahiwalay sa iyong puso ang lahat ng araw ng iyong buhay; kundi iyong ipakilala sa iyong mga anak at sa mga anak ng iyong mga anak; Yaong araw na ikaw ay tumayo sa harap ng Panginoon mong Dios sa Horeb, nang sabihin sa akin ng Panginoon, Papagpisanin mo sa akin ang bayan, at aking iparirinig sa kanila ang aking mga salita, upang sila'y magaral na matakot sa akin sa lahat ng araw na kanilang ikabubuhay sa ibabaw ng lupa, at upang kanilang maituro sa kanilang mga anak. At kayo'y lumapit at tumayo sa ibaba ng bundok; at ang bundok ay nagningas sa apoy hanggang sa kaibuturan ng langit, sangpu ng kadiliman, ulap, at salisalimuot na kadiliman. At ang Panginoo'y nagsalita sa inyo mula sa gitna ng apoy; inyong narinig ang tinig ng mga salita, nguni't wala kayong anyong nakita; ang inyo lamang narinig ay isang tinig. At kaniyang ipinahayag sa inyo ang kaniyang tipan, na kaniyang iniutos sa inyong ganapin, sa makatuwid baga'y ang sangpung utos; at kaniyang isinulat sa dalawang tapyas na bato. At iniutos sa akin ng Panginoon nang panahong yaon, na turuan ko kayo ng mga palatuntunan at mga kahatulan, upang inyong mangagawa sa lupaing inyong paroroonan upang ariin. Ingatan nga ninyong mabuti ang inyong sarili; sapagka't wala kayong nakitang anomang anyo nang araw na magsalita ang Panginoon sa inyo sa Horeb mula sa gitna ng apoy: Baka kayo'y mangagpakasama, at kayo'y gumawa sa inyo ng isang larawang inanyuan na kawangis ng alin mang larawan, na kahawig ng lalake o babae, Na kahawig ng anomang hayop na nasa lupa, na kahawig ng anomang ibong may pakpak na lumilipad sa himpapawid, Na kahawig ng anomang bagay na umuusad sa lupa, na kahawig ng anomang isda na nasa tubig sa ilalim ng lupa: At baka iyong itingin ang iyong mga mata sa langit, at kung iyong makita ang araw at ang buwan, at ang mga bituin, sangpu ng buong natatanaw sa langit, ay mabuyo ka at iyong sambahin, at paglingkuran, na binahagi ng Panginoon ninyong Dios sa lahat ng mga bayan na nasa silong ng buong langit. Nguni't kinuha kayo ng Panginoon, at hinango kayo sa hurnong bakal, sa Egipto, upang kayo'y maging sa kaniya'y isang bayang mana, gaya sa araw na ito. Bukod dito'y nagalit sa akin ang Panginoon dahil sa inyo, at sumumpa na ako'y hindi tatawid sa Jordan, at hindi ako papasok sa mabuting lupaing yaon, na ibinigay ng Panginoon mong Dios sa iyo na pinakamana: Kundi ako'y nararapat mamatay sa lupaing ito, ako'y hindi nararapat tumawid sa Jordan: nguni't kayo'y tatawid, at inyong aariin ang mabuting lupaing yaon. Mangagingat nga kayo, baka inyong malimutan ang tipan ng Panginoon ninyong Dios, na kaniyang pinagtibay sa inyo, at kayo'y gumawa ng larawang inanyuan na kahawig ng anomang bagay na ipinagbawal sa iyo ng Panginoon mong Dios. Sapagka't ang Panginoon mong Dios ay isang apoy na mamumugnaw, mapanibughuing Dios nga. Pagka ikaw ay nagkaanak at nagkaanak ang inyong mga anak, at nagluwat kayo ng malaon sa lupaing yaon, at nagpakasama kayo, at gumawa kayo ng larawang inanyuan na kahawig ng anomang bagay, at gumawa kayo ng masama sa paningin ng Panginoon mong Dios, upang mungkahiin ninyo siya sa kagalitan: Ay aking tinatawag ang langit at ang lupa upang sumaksi laban sa inyo sa araw na ito, na kayo'y malilipol na madali na walang pagsala sa lupain na inyong tinutungo ng pagdadaan sa Jordan, upang ariin: hindi ninyo mapatatagal doon ang inyong mga araw, kundi kayo'y lubos na malilipol. At pangangalatin kayo ng Panginoon sa mga bayan, at kayo'y malalabing kaunti sa bilang sa gitna ng mga bansa, na pagdadalhan sa inyo ng Panginoon. At doo'y maglilingkod kayo sa mga dios, na yari ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato na hindi nangakakakita, ni nangakakarinig, ni nangakakakain, ni nangakakaamoy. Nguni't mula roon ay iyong hahanapin ang Panginoon mong Dios, at iyong masusumpungan, kung iyong hahanapin siya ng buo mong puso at ng buo mong kaluluwa. Pagka ikaw ay nasa kapighatian, at ang lahat ng mga bagay na ito ay dumating sa iyo sa mga huling araw, ay magbabalik loob ka sa Panginoon mong Dios, at iyong didinggin ang kaniyang tinig. Sapagka't ang Panginoon mong Dios ay maawaing Dios; hindi ka niya pababayaan, ni lilipulin ka niya ni kalilimutan ang tipan sa iyong mga magulang na kaniyang isinumpa sa kanila. Sapagka't ipagtanong mo nga sa mga araw na nagdaan, na nangauna sa iyo, mula nang araw na lalangin ng Dios ang tao sa ibabaw ng lupa, at mula sa isang hangganan ng langit hanggang sa kabila, kung nagkaroon ng gaya ng dakilang bagay na ito, o may narinig na gaya nito? Narinig ba kaya kailan man ng mga tao ang tinig ng Dios na nagsalita sa gitna ng apoy, gaya ng narinig mo, at nabuhay? O may Dios kaya na nagsikap na yumaon at sumakop ng isang bansa sa gitna ng ibang bansa, sa pamamagitan ng mga tukso, ng mga tanda, at ng mga kababalaghan, at ng pagbabaka, at ng makapangyarihang kamay, at ng unat na bisig, at ng mga malaking kakilabutan ayon sa lahat na ginawa ng Panginoon mong Dios sa iyo sa Egipto, sa harap ng iyong mga mata? Sa iyo ipinakita ito, upang iyong makilala na ang Panginoon ay siyang Dios; wala nang iba liban sa kaniya. Mula sa langit ay ipinarinig niya sa iyo ang kaniyang tinig, upang kaniyang turuan ka; at sa ibabaw ng lupa ay kaniyang ipinakita sa iyo ang kaniyang dakilang apoy, at iyong narinig ang kaniyang mga salita sa gitna ng apoy. At sapagka't kaniyang inibig ang iyong mga magulang, kaya kaniyang pinili ang kaniyang binhi pagkatapos nila, at inilabas ka niya sa Egipto ng kaniyang pagharap, ng kaniyang dakilang kapangyarihan; Upang palayasin sa harap mo ang mga bansang lalong malalaki at lalong makapangyarihan kay sa iyo, upang ikaw ay kaniyang papasukin, na ibigay sa iyo na pinakamana ang kanilang lupain, gaya sa araw na ito. Talastasin mo nga sa araw na ito at isapuso mo, na ang Panginoon ay siyang Dios sa itaas sa langit at sa ibaba sa lupa; wala nang iba pa. At iyong iingatan ang kaniyang mga palatuntunan at ang kaniyang mga utos, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, upang ikabuti mo, at ng iyong mga anak pagkamatay mo, at upang iyong mapalaon ang iyong mga araw sa ibabaw ng lupaing yaon, na ibinigay sa iyo magpakailan man ng Panginoon mong Dios. Nang magkagayo'y inihiwalay ni Moises ang tatlong bayan sa dako roon ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw; Upang ang nakamatay ng tao ay tumakas doon, na nakamatay sa kaniyang kapuwa na hindi sinasadya, at hindi niya kinapopootan nang panahong nakaraan; at sa pagtakas sa isa sa mga bayang ito ay mabuhay siya: Sa makatuwid baga'y sa Beser, sa ilang, sa kapatagang lupa, na ukol sa mga Rubenita; at sa Ramoth sa Galaad, na ukol sa mga Gadita; at sa Golan sa Basan, na ukol sa mga Manasita. At ito ang kautusang sinalaysay ni Moises sa harap ng mga anak ni Israel: Ito ang mga patotoo, at ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na sinalita ni Moises sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa Egipto; Sa dako pa roon ng Jordan, sa libis na nasa tapat ng Beth-peor, sa lupain ni Sehon na hari ng mga Amorrheo na tumatahan sa Hesbon, na siyang sinaktan ni Moises at ng mga anak ni Israel, nang sila'y umalis sa Egipto; At kanilang sinakop ang kaniyang lupain na pinakaari, at ang lupain ni Og na hari sa Basan, ang dalawang hari ng mga Amorrheo, na nangasa dako pa roon ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw; Mula sa Aroer na nasa hangganan ng libis ng Arnon, hanggang sa bundok ng Sion (na siya ring Hermon), At ang buong Araba sa dako roon ng Jordan sa dakong silanganan, hanggang sa dagat ng Araba sa ibaba ng gulod ng Pisga.
Deuteronomio 4:3-49 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)
Nakita ninyo ang ginawa ni Yahweh sa Baal-peor; nilipol niya ang lahat ng sumamba kay Baal, ngunit kayong nanatiling tapat kay Yahweh na inyong Diyos ay buháy pa hanggang ngayon. “Ngayon nga'y itinuturo ko sa inyo ang mga batas at tuntunin na ito gaya ng ipinag-utos sa akin ni Yahweh na ating Diyos. Sundin ninyo ang mga ito sa lupaing malapit na ninyong sakupin at tirhan. Unawain ninyo ito at sunding mabuti. Sa gayon makikita ng ibang bansa ang inyong karunungan at pang-unawa. Kaya't masasabi nila: ‘Ang dakilang bansang ito'y matalino at may malawak na pagkaunawa.’ “Sinong diyos ng ibang bansa ang handang tumulong anumang oras liban kay Yahweh? Aling bansa ang may makatarungang tuntunin at kautusan tulad ng ibinigay ko sa inyo ngayon? Ngunit mag-ingat kayo. Huwag ninyong kakalimutan o babale-walain ang mga bagay na inyong nasaksihan, habang kayo'y nabubuhay. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo. Huwag ninyong kalilimutan ang sinabi ni Yahweh nang kayo'y nasa harap ng Bundok ng Sinai: ‘Tipunin mo sa harapan ko ang buong bayan. Ituturo ko sa kanila ang aking mga utos upang magkaroon sila ng takot sa akin habang sila'y nabubuhay; ituturo naman nila ito sa kanilang mga anak.’ “At kayo'y nagtipon sa paanan ng bundok; ito'y naglagablab nang abot sa langit. Pagkatapos, nabalot ito ng ulap at kadiliman. Mula sa gitna ng apoy, nagsalita sa inyo si Yahweh; narinig ninyo ang kanyang tinig ngunit hindi ninyo siya nakita. Ipinahayag niya ang mga tuntunin ng kasunduang ginawa niya sa inyo, ang sampung utos na isinulat niya sa dalawang tapyas ng bato. Noon, iniutos niya sa akin na ituro sa inyo ang mga tuntunin na inyong susundin sa lupaing sasakupin ninyo. “Nang kayo'y kausapin ni Yahweh mula sa apoy sa Sinai, wala kayong nakitang anyo, kaya mag-ingat kayong mabuti. Huwag kayong gagawa ng anumang larawan upang sambahin, maging kawangis ng tao, hayop sa ibabaw ng lupa, ibon, ng anumang gumagapang o ng anumang isda. Huwag ninyong sasambahin ang araw, buwan, bituin o alinmang bagay sa kalawakan na nilalang ni Yahweh para sa tao. Iniligtas kayo ni Yahweh mula sa napakainit na pugon ng pagkaalipin sa Egipto upang maging kanyang bayang hinirang. Nagalit sa akin si Yahweh dahil sa inyo, at isinumpa niyang hindi ako makakarating sa masaganang lupaing ibibigay niya sa inyo. Hindi ninyo ako makakasama sa kabila ng Jordan. Dito na ako mamamatay ngunit kayo'y magpapatuloy upang sakupin ang lupaing iyon. Mag-ingat kayo. Huwag na huwag ninyong kalilimutan ang kasunduan ninyo ni Yahweh. Huwag kayong gagawa ng anumang larawan upang sambahin, gaya ng ipinagbawal niya sa inyo. Sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay tulad ng naglalagablab na apoy at siya ay mapanibughuing Diyos. “Kahit gaano katagal ang abutin ninyo roon, kahit kayo'y magkaanak at magkaapo, huwag kayong gagawa ng mga larawan upang sambahin sapagkat magagalit sa inyo si Yahweh na inyong Diyos. Masama ito sa kanyang paningin. Saksi ang langit at ang lupa na kapag nilabag ninyo ang utos na ito, hindi kayo magtatagal sa lupaing iyon sa kabila ng Jordan sapagkat malilipol kayo nang lubusan. Paghihiwa-hiwalayin kayo ni Yahweh sa iba't ibang bansa at kaunti lamang ang matitira sa inyo. At sa lugar na pagtatapunan sa inyo ay maglilingkod kayo sa mga diyus-diyosang kahoy at bato na gawa ng mga tao. Sila'y hindi nakakakita, nakakarinig, nakakaamoy ni nakakakain. Gayunman, matatagpuan ninyong muli si Yahweh kung siya'y buong puso ninyong hahanapin. Kapag nangyari na ang lahat ng ito, at kayo'y nasa matinding kahirapan, manunumbalik na kayo kay Yahweh at maglilingkod sa kanya. Siya ay mahabagin. Hindi niya kayo pababayaang malipol sapagkat hindi niya kakalimutan ang kanyang kasunduan sa inyong mga ninuno. “Ipagtanong ninyo kahit saan at kahit kanino kung may naganap nang tulad nito. May nasaksihan o nabalitaan na ba kayong gaya nito mula nang likhain ng Diyos ang daigdig? Maliban sa inyo, mayroon pa bang ibang sambayanan na nakarinig sa tinig ng isang diyos mula sa haliging apoy, at nanatiling buháy? Sino bang diyos ang nagtangkang maglabas ng isang buong lahi mula sa isang bansa upang maging kanya sa pamamagitan ng tagisan ng kapangyarihan, ng kababalaghan, ng digmaan, at ng makapangyarihang mga gawa, tulad ng ginawa sa Egipto ni Yahweh na inyong Diyos? Ang mga pangyayaring ito'y ipinakita niya sa inyo upang maniwala kayo na si Yahweh ay Diyos, at wala ng iba liban sa kanya. Mula sa langit, nagsalita siya sa inyo upang kayo'y turuan. At dito sa lupa nagsalita siya mula sa apoy. At dahil sa pag-ibig niya sa inyong mga ninuno, pinili niya kayo, at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ay inilabas kayo sa Egipto. Pinuksa niya ang mga bansang mas malaki at mas makapangyarihan kaysa inyo upang makapanirahan kayo sa lupaing ibinigay niya sa inyo ngayon. Dahil dito, tandaan ninyo at huwag kalilimutan na sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos liban kay Yahweh. Kaya nga, dapat ninyong sundin ang kanyang mga utos at tuntuning sinasabi ko sa inyo ngayon. Sa ganoon, pagpapalain kayo at ang lahing susunod sa inyo. Magtatagal kayo habang panahon sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.” Pagkatapos, pumili si Moises ng tatlong lunsod sa kabila ng Jordan upang maging kanlungan ng sinumang makapatay nang di sinasadya. Kapag ito'y nakapasok sa alinman sa mga lunsod na iyon, ligtas na ito sa paghihiganti ng mga kamag-anak ng namatay. Ito ang mga lunsod na ibinukod niya: ang Bezer sa mataas na kapatagan sa ilang para sa lipi ni Ruben; ang Ramot sa Gilead para sa lipi ni Gad, at ang Golan sa Bashan para sa lipi ni Manases. Ito ang kautusang ibinigay ni Moises sa mga Israelita, mga batas at tuntuning ipinahayag niya nang sila'y lumabas sa Egipto. Sila noon ay nasa silangan ng Jordan sa libis ng Beth-peor, sakop ni Haring Sihon ng mga Amoreo. Si Haring Sihon ay nagapi nga nina Moises nang sila'y umalis sa Egipto. Sinakop nila ang lupain nito, pati ang lupain ni Haring Og. Ang dalawang haring ito ng mga Amoreo ang sumakop sa silangang bahagi ng Ilog Jordan. Ang lupaing nasakop nila noon ay mula sa Aroer, sa tabi ng Ilog Arnon hanggang Bundok ng Zion o Hermon, sakop din ang buong Araba sa silangan ng Jordan, hanggang sa baybayin ng Dagat na Patay sa paanan ng Bundok ng Pisga.
Deuteronomio 4:3-49 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)
Nakita ng inyong mga mata ang ginawa ng Panginoon tungkol kay Baal-peor; sapagka't lahat ng mga tao na sumunod kay Baal-peor, ay nilipol ng Panginoon mong Dios sa gitna mo. Nguni't kayong umayon sa Panginoon ninyong Dios ay nangabubuhay pa ang bawa't isa sa inyo sa araw na ito. Narito, aking tinuruan kayo ng mga palatuntunan at ng mga kahatulan, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon kong Dios upang inyong gawing gayon sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang ariin. Ingatan nga ninyo at inyong isagawa; sapagka't ito ang inyong karunungan at ang inyong kaalaman sa paningin ng mga tao, na makakarinig ng mga palatuntunang ito, at magsasabi, Tunay na ang dakilang bansang ito ay isang pantas at maalam na bayan. Sapagka't anong dakilang bansa nga ang may dios na napakalapit sa kanila, na gaya ng Panginoon nating Dios kailan man tayo'y tumawag sa kaniya? At anong dakilang bansa nga, ang may mga palatuntunan at mga kahatulang napaka-tuwid na gaya ng buong kautusang ito, na aking inilalagda sa harap ninyo sa araw na ito? Magingat ka lamang sa iyong sarili, at ingatan mo ang iyong kaluluwa ng buong sikap, baka iyong malimutan ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata, at baka mangahiwalay sa iyong puso ang lahat ng araw ng iyong buhay; kundi iyong ipakilala sa iyong mga anak at sa mga anak ng iyong mga anak; Yaong araw na ikaw ay tumayo sa harap ng Panginoon mong Dios sa Horeb, nang sabihin sa akin ng Panginoon, Papagpisanin mo sa akin ang bayan, at aking iparirinig sa kanila ang aking mga salita, upang sila'y magaral na matakot sa akin sa lahat ng araw na kanilang ikabubuhay sa ibabaw ng lupa, at upang kanilang maituro sa kanilang mga anak. At kayo'y lumapit at tumayo sa ibaba ng bundok; at ang bundok ay nagningas sa apoy hanggang sa kaibuturan ng langit, sangpu ng kadiliman, ulap, at salisalimuot na kadiliman. At ang Panginoo'y nagsalita sa inyo mula sa gitna ng apoy; inyong narinig ang tinig ng mga salita, nguni't wala kayong anyong nakita; ang inyo lamang narinig ay isang tinig. At kaniyang ipinahayag sa inyo ang kaniyang tipan, na kaniyang iniutos sa inyong ganapin, sa makatuwid baga'y ang sangpung utos; at kaniyang isinulat sa dalawang tapyas na bato. At iniutos sa akin ng Panginoon nang panahong yaon, na turuan ko kayo ng mga palatuntunan at mga kahatulan, upang inyong mangagawa sa lupaing inyong paroroonan upang ariin. Ingatan nga ninyong mabuti ang inyong sarili; sapagka't wala kayong nakitang anomang anyo nang araw na magsalita ang Panginoon sa inyo sa Horeb mula sa gitna ng apoy: Baka kayo'y mangagpakasama, at kayo'y gumawa sa inyo ng isang larawang inanyuan na kawangis ng alin mang larawan, na kahawig ng lalake o babae, Na kahawig ng anomang hayop na nasa lupa, na kahawig ng anomang ibong may pakpak na lumilipad sa himpapawid, Na kahawig ng anomang bagay na umuusad sa lupa, na kahawig ng anomang isda na nasa tubig sa ilalim ng lupa: At baka iyong itingin ang iyong mga mata sa langit, at kung iyong makita ang araw at ang buwan, at ang mga bituin, sangpu ng buong natatanaw sa langit, ay mabuyo ka at iyong sambahin, at paglingkuran, na binahagi ng Panginoon ninyong Dios sa lahat ng mga bayan na nasa silong ng buong langit. Nguni't kinuha kayo ng Panginoon, at hinango kayo sa hurnong bakal, sa Egipto, upang kayo'y maging sa kaniya'y isang bayang mana, gaya sa araw na ito. Bukod dito'y nagalit sa akin ang Panginoon dahil sa inyo, at sumumpa na ako'y hindi tatawid sa Jordan, at hindi ako papasok sa mabuting lupaing yaon, na ibinigay ng Panginoon mong Dios sa iyo na pinakamana: Kundi ako'y nararapat mamatay sa lupaing ito, ako'y hindi nararapat tumawid sa Jordan: nguni't kayo'y tatawid, at inyong aariin ang mabuting lupaing yaon. Mangagingat nga kayo, baka inyong malimutan ang tipan ng Panginoon ninyong Dios, na kaniyang pinagtibay sa inyo, at kayo'y gumawa ng larawang inanyuan na kahawig ng anomang bagay na ipinagbawal sa iyo ng Panginoon mong Dios. Sapagka't ang Panginoon mong Dios ay isang apoy na mamumugnaw, mapanibughuing Dios nga. Pagka ikaw ay nagkaanak at nagkaanak ang inyong mga anak, at nagluwat kayo ng malaon sa lupaing yaon, at nagpakasama kayo, at gumawa kayo ng larawang inanyuan na kahawig ng anomang bagay, at gumawa kayo ng masama sa paningin ng Panginoon mong Dios, upang mungkahiin ninyo siya sa kagalitan: Ay aking tinatawag ang langit at ang lupa upang sumaksi laban sa inyo sa araw na ito, na kayo'y malilipol na madali na walang pagsala sa lupain na inyong tinutungo ng pagdadaan sa Jordan, upang ariin: hindi ninyo mapatatagal doon ang inyong mga araw, kundi kayo'y lubos na malilipol. At pangangalatin kayo ng Panginoon sa mga bayan, at kayo'y malalabing kaunti sa bilang sa gitna ng mga bansa, na pagdadalhan sa inyo ng Panginoon. At doo'y maglilingkod kayo sa mga dios, na yari ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato na hindi nangakakakita, ni nangakakarinig, ni nangakakakain, ni nangakakaamoy. Nguni't mula roon ay iyong hahanapin ang Panginoon mong Dios, at iyong masusumpungan, kung iyong hahanapin siya ng buo mong puso at ng buo mong kaluluwa. Pagka ikaw ay nasa kapighatian, at ang lahat ng mga bagay na ito ay dumating sa iyo sa mga huling araw, ay magbabalik loob ka sa Panginoon mong Dios, at iyong didinggin ang kaniyang tinig. Sapagka't ang Panginoon mong Dios ay maawaing Dios; hindi ka niya pababayaan, ni lilipulin ka niya ni kalilimutan ang tipan sa iyong mga magulang na kaniyang isinumpa sa kanila. Sapagka't ipagtanong mo nga sa mga araw na nagdaan, na nangauna sa iyo, mula nang araw na lalangin ng Dios ang tao sa ibabaw ng lupa, at mula sa isang hangganan ng langit hanggang sa kabila, kung nagkaroon ng gaya ng dakilang bagay na ito, o may narinig na gaya nito? Narinig ba kaya kailan man ng mga tao ang tinig ng Dios na nagsalita sa gitna ng apoy, gaya ng narinig mo, at nabuhay? O may Dios kaya na nagsikap na yumaon at sumakop ng isang bansa sa gitna ng ibang bansa, sa pamamagitan ng mga tukso, ng mga tanda, at ng mga kababalaghan, at ng pagbabaka, at ng makapangyarihang kamay, at ng unat na bisig, at ng mga malaking kakilabutan ayon sa lahat na ginawa ng Panginoon mong Dios sa iyo sa Egipto, sa harap ng iyong mga mata? Sa iyo ipinakita ito, upang iyong makilala na ang Panginoon ay siyang Dios; wala nang iba liban sa kaniya. Mula sa langit ay ipinarinig niya sa iyo ang kaniyang tinig, upang kaniyang turuan ka; at sa ibabaw ng lupa ay kaniyang ipinakita sa iyo ang kaniyang dakilang apoy, at iyong narinig ang kaniyang mga salita sa gitna ng apoy. At sapagka't kaniyang inibig ang iyong mga magulang, kaya kaniyang pinili ang kaniyang binhi pagkatapos nila, at inilabas ka niya sa Egipto ng kaniyang pagharap, ng kaniyang dakilang kapangyarihan; Upang palayasin sa harap mo ang mga bansang lalong malalaki at lalong makapangyarihan kay sa iyo, upang ikaw ay kaniyang papasukin, na ibigay sa iyo na pinakamana ang kanilang lupain, gaya sa araw na ito. Talastasin mo nga sa araw na ito at isapuso mo, na ang Panginoon ay siyang Dios sa itaas sa langit at sa ibaba sa lupa; wala nang iba pa. At iyong iingatan ang kaniyang mga palatuntunan at ang kaniyang mga utos, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, upang ikabuti mo, at ng iyong mga anak pagkamatay mo, at upang iyong mapalaon ang iyong mga araw sa ibabaw ng lupaing yaon, na ibinigay sa iyo magpakailan man ng Panginoon mong Dios. Nang magkagayo'y inihiwalay ni Moises ang tatlong bayan sa dako roon ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw; Upang ang nakamatay ng tao ay tumakas doon, na nakamatay sa kaniyang kapuwa na hindi sinasadya, at hindi niya kinapopootan nang panahong nakaraan; at sa pagtakas sa isa sa mga bayang ito ay mabuhay siya: Sa makatuwid baga'y sa Beser, sa ilang, sa kapatagang lupa, na ukol sa mga Rubenita; at sa Ramoth sa Galaad, na ukol sa mga Gadita; at sa Golan sa Basan, na ukol sa mga Manasita. At ito ang kautusang sinalaysay ni Moises sa harap ng mga anak ni Israel: Ito ang mga patotoo, at ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na sinalita ni Moises sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa Egipto; Sa dako pa roon ng Jordan, sa libis na nasa tapat ng Beth-peor, sa lupain ni Sehon na hari ng mga Amorrheo na tumatahan sa Hesbon, na siyang sinaktan ni Moises at ng mga anak ni Israel, nang sila'y umalis sa Egipto; At kanilang sinakop ang kaniyang lupain na pinakaari, at ang lupain ni Og na hari sa Basan, ang dalawang hari ng mga Amorrheo, na nangasa dako pa roon ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw; Mula sa Aroer na nasa hangganan ng libis ng Arnon, hanggang sa bundok ng Sion (na siya ring Hermon), At ang buong Araba sa dako roon ng Jordan sa dakong silanganan, hanggang sa dagat ng Araba sa ibaba ng gulod ng Pisga.