Nakita ninyo ang ginawa ng PANGINOON sa Baal Peor. Pinuksa ng PANGINOON na inyong Diyos ang mga kapwa ninyo Israelita na sumamba kay Baal. Ngunit kayong matatapat sa PANGINOON na inyong Diyos ay buháy pa hanggang ngayon.
Itinuturo ko sa inyo ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay sa akin ng PANGINOON na aking Diyos para inyong sundin pagdating ninyo sa lupaing sasakupin ninyo at titirhan. Sundin ninyo ito nang buong tapat, dahil sa pamamagitan nitoʼy maipapakita ninyo ang inyong kaalaman at pang-unawa sa ibang mga bansa. Kung maririnig nilang lahat ang tuntuning ito, sasabihin nila, “Totoo nga na marunong at may pang-unawa ang mga tao ng makapangyarihang bansang ito.” Wala nang iba pang makapangyarihang bansa na may diyos na malapit sa kanila gaya ng PANGINOON na ating Diyos na malapit sa atin sa mga panahong tumatawag tayo sa kanya. At wala nang iba pang makapangyarihang bansa na may matutuwid na mga utos at tuntunin na katulad ng itinuro ko sa inyo ngayon.
Ngunit mag-ingat kayo! Huwag ninyong kalilimutan ang mga bagay na inyong nakita na ginawa ng PANGINOON. Kailangang manatili ito sa inyong mga puso habang nabubuhay kayo. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo. Alalahanin ninyo ang araw na tumayo kayo sa harap ng PANGINOON na inyong Diyos sa Bundok ng Sinai, kung saan sinabi niya sa akin, “Tipunin mo ang mga mamamayan sa aking harapan para makinig sa aking mga salita upang matuto silang matakot sa akin habang nabubuhay pa sila, at para maituro nila ito sa kanilang mga anak.”
Pagkatapos, lumapit kayo sa akin at tumayo sa ibaba ng bundok habang naglalagablab ito na abot hanggang langit, na binalutan ng kadiliman dahil sa maitim na ulap. Pagkatapos, nagsalita ang PANGINOON mula sa gitna ng apoy. Narinig ninyo ang kanyang boses, ngunit wala kayong nakita. Sinabi niya sa inyo ang mga bagay na gagawin ninyo sa pagtupad ng mga kasunduan niya sa inyo. Ito ay ang Sampung Utos na iniutos niyang sundin ninyo. At isinulat niya ito sa dalawang malalapad na bato. Nang panahong iyon, inutusan ako ng PANGINOON na ituro sa inyo ang mga utos at mga tuntunin na susundin ninyo roon sa lupain na inyong aangkinin at titirhan.
Nang nakipag-usap ang PANGINOON sa inyo sa Bundok ng Sinai mula sa gitna ng apoy, wala kayong nakitang anyo ng PANGINOON. Kaya bantayan ninyo ang inyong mga sarili na hindi ninyo dudungisan ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng paggawa ng anumang anyo o imahen ng diyos-diyosan, lalaki man o babae, hayop na naglalakad o lumilipad, gumagapang o nakatira sa tubig. Huwag kayong maakit sa pagsamba sa mga bagay na nasa langit, sa araw, buwan at mga bituin. Ang mga ito ay inilagay ng PANGINOON na inyong Diyos para sa lahat ng mamamayan sa buong mundo. Alalahanin ninyong kinuha kayo ng PANGINOON sa Ehipto, ang lugar na katulad ng pugon na naglalagablab, para maging mamamayan niya at natatanging pagmamay-ari niya, at ganyan nga kayo ngayon.
Nagalit ang PANGINOON sa akin dahil sa inyo, at isinumpa niya na hindi ako makakatawid sa Jordan at makakapasok sa magandang lupain na ibinigay ng PANGINOON na inyong Diyos bilang inyong mana. Mamamatay ako sa lupaing ito na hindi makakatawid sa Jordan, ngunit matatawid ninyo at masasakop ang masaganang lupaing iyon. Ngunit mag-ingat kayo na hindi ninyo makalimutan ang kasunduang ginawa sa inyo ng PANGINOON na inyong Diyos. Huwag kayong gagawa ng mga diyos-diyosan sa anyo ng anumang bagay, dahil ipinagbabawal ito ng PANGINOON na inyong Diyos. Sapagkat ang PANGINOON na inyong Diyos ay tulad ng isang apoy na naglalagablab kapag naninibugho. Ayaw na ayaw niyang may sinasamba kayong ibang diyos.
Sa bandang huli, kung magkakaanak kayo at magkakaapo, at naninirahan na sa lupaing iyon nang matagal na panahon, huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga diyos-diyosan ng anumang anyo. Masama ito sa paningin ng PANGINOON na inyong Diyos at makakapagpagalit ito sa kanya.
Sa araw na ito, itinuturing kong saksi ang langit at lupa laban sa inyo. Kung hindi ninyo ako susundin, hindi kayo magtatagal sa lupain na inyong sasakupin sa kabila ng Jordan. Maninirahan kayo doon nang sandaling panahon lamang, at pagkatapos ay malilipol kayo nang lubusan. Ikakalat kayo ng PANGINOON sa ibang mga bansa, at kaunti lang ang matitira sa inyo doon sa mga bansa kung saan kayo itataboy ng PANGINOON. At doon na kayo sasamba sa mga diyos na gawa sa kahoy at bato, na hindi nakakakita, nakakarinig, nakakakain o nakakaamoy. Ngunit kung hahanapin ninyo ang PANGINOON na inyong Diyos, makikita ninyo siya, kung hahanapin ninyo siya nang buong puso. Kapag dumating ang kahirapan sa inyo, sa bandang huliʼy manunumbalik kayo sa PANGINOON na inyong Diyos at susundin ninyo siya. Sapagkat mahabagin ang PANGINOON na inyong Diyos, hindi niya kayo pababayaan o lilipulin. Hindi niya kalilimutan ang kasunduang kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno.
PANGINOON
Alalahanin ninyo ang mga nangyari mula nang araw na nilikha ng Diyos ang tao sa mundo hanggang ngayon. Libutin ninyo ang buong mundo kung may makikita kayong kamangha-manghang bagay na nangyari katulad ng mga ito. Mayroon pa bang ibang tao na nabuhay pagkatapos nilang marinig ang boses ng Diyos mula sa apoy, kagaya ninyo? Mayroon pa bang ibang Diyos na nangahas na kunin ang isang grupo ng mga mamamayan mula sa isang bansa para maging kanya sa pamamagitan ng mga pagsubok, himala, mga kamangha-manghang bagay, digmaan o mga makapangyarihang gawa? Subalit iyan ang ginawa ng PANGINOON na inyong Diyos doon sa Ehipto, at kayo mismo ang nakakita nito.
Ipinakita sa inyo ang mga bagay na ito para malaman ninyo na ang PANGINOON ang Diyos, at wala nang iba pa. Ipinarinig niya sa inyo ang kanyang tinig mula sa langit sa pagdisiplina sa inyo. Ipinakita niya sa inyo ang kanyang makapangyarihang apoy dito sa lupa upang makipag-usap sa inyo mula sa apoy na ito. At dahil sa minahal niya ang inyong mga ninuno, pinili niya kayo at inilabas sa Ehipto sa pamamagitan ng kanyang presensya at kapangyarihan. Itinaboy niya ang mga bansang mas makapangyarihan pa sa inyo para madala kayo sa kanilang lupaing ibinigay niya sa inyo bilang inyong mana, katulad ng ginawa niya ngayon.
Kaya alalahanin at isapuso ninyo ang araw na ito na ang PANGINOON ay Diyos sa langit at sa lupa. Wala nang iba pang diyos. Sundin ninyo ang kanyang mga utos at tuntuning ibinigay ko sa inyo ngayon upang walang masamang mangyari sa inyo at sa inyong salinlahi, at para mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinibigay ng PANGINOON na inyong Diyos sa habang panahon.
Pagkatapos, pumili si Moises ng tatlong lungsod sa silangan ng Jordan para makatakas papunta doon ang taong nakapatay ng kanyang kapwa nang hindi sinasadya at hindi plinano. Makakatakas siya papunta sa mga lungsod na ito at hindi siya mapahamak. Ito ang mga lungsod: Bezer na nasa disyerto sa talampas na sakop ng lahi ni Ruben; Ramot sa Gilead para sa lahi ni Gad; at Golan sa Bashan para sa lahi ni Manases.
Ibinigay ni Moises sa mga Israelita ang mga kautusan, katuruan at tuntunin na ito nang lumabas sila sa Ehipto at habang nagkakampo sila sa lambak malapit sa Bet-peor sa silangan ng Jordan. Sakop noon ni Sihon na hari ng mga Amoreo ang lupaing ito, noong naghahari siya sa Hesbon. Siya at ang mga tauhan niya ang tinalo ni Moises at ng mga Israelita nang lumabas sila sa Ehipto. Sinakop nila Moises ang lupain nito at ang lupain ni Haring Og ng Bashan. Sila ang dalawang Amoreo na mga hari sa silangan ng Jordan. Ang kanilang mga lupain na nasakop ng mga Israelita ay mula sa Aroer na nasa itaas na bahagi ng Lambak ng Arnon, papunta sa Bundok ng Sirion na tinatawag ding Hermon, at ang lahat ng lupain sa Kapatagan ng Jordan sa silangan ng Ilog Jordan hanggang sa Dagat na Patay, sa ibabang bahagi ng libis ng Pisga.