Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Roma 9:19-33

Mga Taga-Roma 9:19-33 RTPV05

Sasabihin mo naman sa akin, “Kung gayon, bakit pa sinisisi ng Diyos ang tao? Sino ba ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” Tao ka lamang, sino kang mangangahas na sumagot nang ganoon sa Diyos? Masasabi kaya ng isang hinuhubog sa kanyang manghuhubog, “Bakit ninyo ako ginawang ganito?” Wala bang karapatan ang gumagawa ng palayok na bumuo ng mamahalin o mumurahing sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik? Kaya, kahit nais nang ipakita noon ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin niyang pinagtiisan ang mga taong dapat sana'y parusahan at lipulin. Ginawa niya iyon upang ipakilala ang kanyang walang kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan, na noong una pa'y inihanda na niya para sa kaluwalhatian. Tayo ang mga taong iyon na tinawag niya hindi lamang mula sa mga Judio subalit mula rin sa mga Hentil. Ganito ang sinasabi niya sa aklat ni Oseas, “Ang dating hindi ko bayan ay tatawaging ‘Bayan ko,’ at ang dating hindi ko mahal ay tatawaging ‘Mahal ko.’ At sa mga sinabihang ‘Kayo'y hindi ko bayan,’ sila'y tatawaging mga anak ng Diyos na buháy.” Ito naman ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa Israel, “Kahit na maging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga anak ni Israel, kaunti lamang sa kanila ang maliligtas. Sapagkat mahigpit at mabilis na hahatulan ng Panginoon ang daigdig.” Si Isaias din ang nagsabi, “Kung ang Makapangyarihang Panginoon ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi, tayo sana'y natulad sa Sodoma at Gomorra.” Ano ngayon ang masasabi natin? Ang mga Hentil na hindi nagsikap na maging kalugud-lugod sa Diyos ay pinawalang-sala niya sa pamamagitan ng pananampalataya. Ngunit ang Israel naman, na nagsikap na maging kalugud-lugod sa Diyos sa pamamagitan ng kautusan, ay nabigo. Bakit? Dahil sinikap nilang kalugdan sila ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawa, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya. Natisod sila sa batong katitisuran, tulad ng nasusulat, “Tingnan ninyo, naglalagay ako sa Zion ng batong katitisuran, isang malaking bato na kanilang kadadapaan. Ngunit ang sumasampalataya sa batong ito ay di mabibigo.”