Ayon sa nasusulat, “Walang matuwid, wala kahit isa. Walang nakakaunawa, walang naghahanap sa Diyos. Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama. Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.” “Parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan; pananalita nila'y pawang panlilinlang. Ang labi nila'y may kamandag ng ahas.” “Puno ng pagmumura at masasamang salita ang kanilang bibig.” “Sila'y tumatakbo upang pumatay ng kapwa. Parang dinaanan ng salot ang kanilang madaanan, hindi nila alam ang daan ng kapayapaan.” “Hindi sila marunong matakot sa Diyos.” Alam natin na anumang sinasabi ng Kautusan ay sinasabi sa mga nasasakop nito upang walang maidahilan ang sinuman, at dahil dito'y mananagot ang lahat sa Diyos. Walang taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, dahil ang gawain ng Kautusan ay ang ipamukha sa tao na siya'y nagkasala. Ngunit ngayo'y nahayag na kung paano pinapawalang-sala ng Diyos ang tao. Hindi ito sa pamamagitan ng Kautusan; ang Kautusan at ang mga Propeta mismo ang nagpapatotoo tungkol dito. Pinapawalang-sala ng Diyos ang lahat ng sumasampalataya kay Jesu-Cristo, sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa kanya, maging Judio man o Hentil. Sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. Ngunit dahil sa kanyang kagandahang-loob, sila ay pinawalang-sala na niya sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang nagpapalaya sa kanila. Siya ang inialay ng Diyos bilang handog, upang sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Ginawa ito ng Diyos upang patunayang siya'y matuwid. Noong unang panahon, nagtimpi siya at ipinagpaumanhin ang mga kasalanang nagawa ng mga tao. Ngunit ngayon ay tuwirang ipinapakita ng Diyos na siya'y matuwid at siya ang nagpapawalang-sala sa mga sumasampalataya kay Jesus.
Basahin Mga Taga-Roma 3
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mga Taga-Roma 3:10-26
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas