Kaya nga, sino ka mang humahatol sa iba, wala kang maidadahilan. Sapagkat sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng ganoon. Nalalaman nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa ng mga iyon. Akala mo ba'y makakaiwas ka sa parusa ng Diyos kung hahatulan mo ang mga gumagawa ng masasamang gawaing ginagawa mo rin naman? O baka naman gusto mo pang hamakin ang Diyos dahil siya ay napakabait, mapagpigil at mapagpaumanhin! Hindi mo ba alam na napakabuti ng Diyos kaya binibigyan ka niya ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan? Ngunit sa katigasan ng iyong ulo at di pagsisisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo sa araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatuwirang paghatol ng Diyos. Sapagkat igagawad niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong patuloy na gumagawa ng mabuti, naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang kamatayan. Ngunit matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan. Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego. Ngunit karangalan, kapurihan at kapayapaan naman ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego sapagkat walang itinatangi ang Diyos.
Basahin Mga Taga-Roma 2
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mga Taga-Roma 2:1-11
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas