Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Roma 15:1-13

Mga Taga-Roma 15:1-13 RTPV05

Tayong malalakas sa pananampalataya, tulungan natin ang mga mahihina sa pananampalataya. Huwag ang pansariling kasiyahan lamang ang ating iisipin. Sikapin nating lahat na itaguyod ang kapakanan ng ating kapwa para sa ikalalakas ng kanyang pananampalataya. Sapagkat maging si Cristo man ay hindi naghangad ng sariling kasiyahan subalit nagpaubaya; tulad ng nasusulat, “Ako ang nakaranas, paghamak sa iyong pangalan.” Anumang naisulat noon ay isinulat para sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakasan ng loob mula sa kasulatan, magkaroon tayo ng pag-asa. Ipagkaloob nawa ng Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng katatagan at lakas ng loob, na kayo'y mamuhay nang may pagkakaisa kay Cristo Jesus, upang sa gayon, nagkakaisa kayong magpupuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Cristo, tanggapin ninyo ang isa't isa upang mapapurihan ang Diyos. Sinasabi ko sa inyo, si Cristo'y naglingkod sa mga Judio upang patunayang ang Diyos ay tapat, at tumutupad sa mga pangako niya sa kanilang mga ninuno, at upang ang mga Hentil naman ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag. Tulad ng nasusulat, “Kaya't sa gitna ng mga Hentil, ika'y aking pupurihin, ang karangalan mo'y aking aawitin, ang iyong pangalan, aking sasambahin.” Sinabi rin, “Magalak kayo mga Hentil, kasama ng kanyang bayan!” At muling sinabi, “Magpuri kayo sa Panginoon, kayong mga Hentil, lahat ng bansa ay magpuri sa kanya!” Idinagdag pa ni Isaias, “May isisilang sa angkan ni Jesse, upang ito'y maghari sa mga Hentil; siya ang kanilang magiging pag-asa.” Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya