Mula kay Pablo na isang alipin ni Jesu-Cristo, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Magandang Balita ng Diyos.
Ang Magandang Balitang ito na ipinangako niya noong una pa man sa pamamagitan ng mga propeta, at sinasabi sa mga Banal na Kasulatan, ay tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Tungkol sa kanyang pagiging tao, siya'y ipinanganak mula sa lahi ni David. At tungkol naman sa Espiritu ng kabanalan, ipinahayag siya bilang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng isang makapangyarihang gawa, ang kanyang muling pagkabuhay. Sa pamamagitan niya, tinanggap namin sa Diyos ang kaloob na maging apostol alang-alang kay Cristo, upang ang mga Hentil ay akayin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya. Kayo'y kabilang sa mga tinawag na maging mga tagasunod ni Jesu-Cristo.
Sa inyong lahat na nasa Roma, mga minamahal ng Diyos at tinawag upang maging banal, sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay balitang-balita sa buong daigdig. Saksi ko ang Diyos, na pinaglilingkuran ko nang buong puso sa pamamagitan ng aking pangangaral ng Magandang Balita tungkol sa kanyang Anak, na lagi ko kayong idinadalangin. Lagi kong hinihiling na loobin nawa niyang ako'y makapunta riyan sa inyo. Nananabik akong makita kayo upang maibahagi sa inyo ang mga kaloob ng Espiritu sa ikatatatag ninyo. Ang ibig kong sabihi'y upang magkatulungan tayo sa ikalalakas ng bawat isa sa atin sa pamamagitan ng ating pananalig sa Diyos.
Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ilang ulit ko nang binalak na pumunta riyan, ngunit laging may nagiging hadlang. Nais kong makahikayat din diyan ng mga sasampalataya kay Cristo, tulad ng nagawa ko na sa ibang mga bansang Hentil. May pananagutan ako sa lahat: sa mga sibilisado at sa mga barbaro, sa marurunong at sa mga mangmang. Kaya nga, nais ko ring ipangaral diyan sa Roma ang Magandang Balita.
Hindi ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego. Sapagkat ipinapakita ng Magandang Balita kung paano ginagawang matuwid ng Diyos ang isang tao; at ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya buhat sa simula hanggang sa wakas. Tulad ng sinasabi sa Kasulatan, “Ang itinuring na matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.”
Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong dahil mismo sa kanilang kasamaan ay hinahadlangan ang katotohanan. Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, dahil iyon ay ipinapahayag sa kanila ng Diyos. Mula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa.