Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Pahayag 19:11-21

Pahayag 19:11-21 RTPV05

Pagkaraan nito'y nabuksan ang langit, at nakita ko ang isang kabayong puti. Ang sakay nito'y tinawag na Tapat at Totoo, sapagkat matuwid siyang humatol at makipagdigma. Parang nagliliyab na apoy ang kanyang mga mata, at napuputungan siya ng maraming korona. Nakasulat sa kanyang katawan ang pangalan niya, ngunit siya lamang ang nakakaalam ng kahulugan niyon. Puno ng dugo ang kanyang kasuotan at ang tawag sa kanya ay “Salita ng Diyos.” Sumusunod sa kanya ang mga hukbo ng langit, na nakadamit ng malinis at puting lino at nakasakay rin sa mga kabayong puti. May matalim na tabak na lumabas sa kanyang bibig upang gamitin niyang panlupig sa mga bansa. Mamamahala siya sa mga ito sa pamamagitan ng tungkod na bakal at paaagusin mula sa pisaan ng ubas ang alak ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Nakasulat sa kanyang kasuotan at sa kanyang hita ang ganitong pangalan: “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.” Nakita ko naman ang isang anghel na nakatayo sa araw. Tinawag niya ang mga ibon sa himpapawid, “Halikayo, at magkatipon sa malaking handaan ng Diyos! Kainin ninyo ang laman ng mga hari, ng mga kapitan, ng mga kawal, ng mga kabayo at ng kanilang mga sakay. Kainin din ninyo ang laman ng lahat ng tao, alipin at malaya, hamak at dakila!” At nakita kong nagkatipon ang halimaw at ang mga hari sa lupa, kasama ang kanilang mga hukbo upang kalabanin ang nakasakay sa kabayo at ang hukbo nito. Nabihag ang halimaw, gayundin ang huwad na propeta na gumawa ng mga kababalaghan sa harap ng halimaw upang dayain ang mga taong may tanda ng halimaw at sumamba sa larawan nito. Ang halimaw at ang huwad na propeta ay inihagis nang buháy sa lawa ng apoy na nagliliyab sa asupre. Ang kanilang mga hukbo ay pinatay sa pamamagitan ng tabak na lumabas sa bibig ng nakasakay sa kabayo. Nabusog nang husto ang mga ibon sa pagkain ng kanilang mga bangkay.