Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Pahayag 19:1-10

Pahayag 19:1-10 RTPV05

Pagkatapos nito, narinig ko ang tila sama-samang tinig ng napakaraming tao sa langit na umaawit ng ganito, “Purihin ang Panginoon! Ang kaligtasan, ang karangalan at ang kapangyarihan ay tanging sa Diyos lamang! Matuwid at tama ang kanyang hatol! Hinatulan niya ang reyna ng kahalayan na nagpapasamâ sa mga tao sa lupa sa pamamagitan ng kanyang kahalayan. Pinarusahan siya ng Diyos dahil sa pagpatay niya sa mga lingkod ng Panginoon!” Muli silang umawit, “Purihin ang Panginoon! Walang tigil na tataas ang usok na mula sa nasusunog na lunsod!” Ang dalawampu't apat na pinuno at ang apat na nilalang na buháy ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono. Sabi nila, “Amen! Purihin ang Panginoon!” May nagsalita mula sa trono, “Purihin ninyo ang ating Diyos, kayong lahat na mga lingkod niya, dakila o hamak man, kayong may banal na takot sa kanya!” Pagkatapos ay narinig ko ang parang sama-samang tinig ng napakaraming tao, parang ugong ng malaking talon at dagundong ng mga kulog. Ganito ang sabi ng tinig, “Purihin ang Panginoon! Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Magalak tayo at magsaya! Luwalhatiin natin siya sapagkat nalalapit na ang kasal ng Kordero. Nakahanda na ang kasintahang babae; nabihisan na siya ng malinis at puting-puting lino.” Ang lino ay sagisag ng mabubuting gawa ng mga hinirang ng Diyos. At sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: mapalad ang mga inanyayahan sa kasalan ng Kordero.” Idinugtong pa niya, “Ito ay tunay na mga salita ng Diyos.” Nagpatirapa ako sa kanyang paanan upang sambahin siya, ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag! Ako ma'y alipin ding tulad mo at tulad ng ibang mga mananampalatayang nagpatotoo tungkol kay Jesus. Ang Diyos ang sambahin mo, sapagkat ang katotohanang ipinahayag ni Jesus ay siyang diwa ng lahat ng ipinahayag ng mga propeta!”