Sa loob lamang ng isang oras ay naglahong lahat iyon!” Mula sa malayo ay tumanaw ang mga kapitan, mga pasahero, at mga tripulante ng mga sasakyang pandagat, at lahat ng nabubuhay sa pagdaragat, at tinangisan nila ang nasusunog na lunsod habang minamasdan ang usok na nagmumula roon, “Walang katulad ang katanyagan ng lunsod na iyon!” Nagsabog sila ng abo sa kanilang ulo at nanangis, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang nangyari sa dakilang lunsod! Yumaman ang lahat ng tumigil sa kanyang daungan! Ngunit sa loob lamang ng isang oras ay nawalan ng kabuluhan!” Magalak ka, o langit, sa nangyari sa kanya! Magalak kayo, mga hinirang ng Diyos, mga apostol at mga propeta sapagkat hinatulan na siya ng Diyos dahil sa ginawa niya sa inyo! Isang makapangyarihang anghel ang bumuhat ng isang batong sinlaki ng gilingang-bato. Ubos-lakas niyang inihagis iyon sa dagat, at sinabi, “Ganito ibabagsak ang tanyag na lunsod ng Babilonia, at hindi na siya makikitang muli! Hindi na maririnig sa kanya ang tinig ng mga mang-aawit at ang himig ng mga tugtugan ng alpa, plauta at trumpeta! Wala nang makikita sa kanyang mga dalubhasa at hindi na maririnig ang ingay ng mga gilingan! Wala nang kahit isang ilaw na magliliwanag sa kanya. Hindi na maririnig ang masasayang tinig ng mga ikinakasal. Sapagkat naging makapangyarihan sa buong daigdig ang kanyang mangangalakal at dinaya niya ang lahat ng bansa sa pamamagitan ng pangkukulam.” Pinarusahan siya sapagkat pinadanak niya ang dugo ng mga propeta, mga hinirang, at ng lahat ng pinatay sa sanlibutan.
Basahin Pahayag 18
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Pahayag 18:17-24
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas