Mga Awit 96
96
Diyos ang Kataas-taasang Hari (1 Cro. 16:23-33)
1Purihin natin si Yahweh, awitan ng bagong awit;
purihin natin si Yahweh, lahat nang nasa daigdig!
2Awitan natin si Yahweh, ngalan niya ay sambahin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
3Kahit saa'y ipahayag na si Yahweh ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.
4Si Yahweh ay tunay na dakila, marapat na papurihan
higit sa sinumang diyos, siya'y dapat na igalang.
5Ang diyos ng sanlibuta'y pawang mga diyus-diyosan;
si Yahweh lang ang maylikha ng buong sangkalangitan.
6Siya'y puspos ng karangalan at ng kaluwalhatian;
ang lakas niya't kagandahan ay sa templo mamamasdan.
7O#Awit 29:1-2. si Yahweh ay purihin ng lahat sa daigdigan!
Purihin ang lakas niya at kanyang kaluwalhatian!
8Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,
dumulog sa kanyang templo't maghandog ng mga alay.
9Kung si Yahweh ay dumating, sa likas niyang kabanalan,
humarap na nanginginig ang lahat sa sanlibutan.
10“Si Yahweh ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“Sanlibuta'y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.”
11Lupa't langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
12Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.
13Si Yahweh ay darating na upang lahat ay hatulan,
at kanyang paghahariin ang sakdal na katarungan.
Kasalukuyang Napili:
Mga Awit 96: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society