Mga Awit 94
94
Diyos ang Siyang Huhusga sa Lahat
1Karapatang magparusa, O Yahweh, ay taglay mo,
ipakita mo ngayon ang karapatang ganito;
2Tumayo ka at sa lupa'y igawad ang iyong hatol,
ang hambog ay hatulan mo ng parusang nauukol.
3Hanggang kailan kaya, Yahweh, magagalak ang masama?
Hanggang kailan ibabantog ang kanilang mga gawa?
4Gaano bang katagal pa ang masama'y maghahambog,
upang sila'y magmalaki sa kanilang gawang buktot?
5Kanila ngang nililipol itong mga hinirang mo,
Yahweh, inaapi nila mga taong tinubos mo.
6Ang mga ulila, balo't mamamayan ng ibang bansa,
pinapatay nila ito at kanilang pinupuksa.
7Madalas na sinasabi, “Hindi kami pansin ni Yahweh,
hindi kami nakikita ni pansin ng Diyos ni Jacob.”
8Unawain ninyo, bayan, kayong kulang ang isipan;
hanggang kailan pa durunong kayong mga taong mangmang?
9Itong Diyos na lumikha nitong ating mata't tainga,
akala ba ninyo'y bingi at ni hindi makakita?
10Sa lahat ng mga bansa di ba siya ang hahatol?
Di ba siya'ng guro nila pagkat siya ang marunong?
11Batid#1 Cor. 3:20. ni Yahweh mga plano nating baluktot,
katulad lang ng hininga, madaling malagot.
12Mapalad ang mga taong tumatanggap ng pangaral,
silang sa iyo'y tumatanggap ng turo sa kautusan.
13Pagkat sila'y magdaranas ng kapahingahan,
hanggang yaong masasama'y mahulog sa kanilang hukay.
14Mga lingkod ni Yahweh ay hindi niya iiwanan,
itong mga hirang niya'y hindi niya tatalikdan;
15mababalik sa matuwid ang ganap na katarungan,
diwang ito ang susundin ng tapat ang pamumuhay.
16Sino kaya'ng kakampi ko sa pagbaka sa masama?
Sino ngayon ang babaka sa masama nilang gawa?
17O Yahweh, kung ako nga ay hindi mo tinulungan,
akin sanang kaluluwa'y naroon na sa libingan.
18Kapag aking nagunitang, “Ang paa ko'y dumudulas,”
dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako'y tumatatag.
19Kapag ako ay ginugulo ng maraming suliranin,
ang wagas na pag-ibig mo ang umaaliw sa akin.
20Sa iyo ba ay papanig mga hukom na masama,
na ang laging kapasyaha'y ang hatol na hindi tama?
21Sama-sama silang lagi't ang matuwid ang kalaban,
ang hatol sa walang sala ay hatol na kamatayan.
22Ngunit ikaw, O Yahweh, ang sa aki'y nagtatanggol.
Ikaw na aking Diyos ang matibay na kanlungan.
23Sa masamang gawa nila ay Diyos ang gaganti,
lilipulin niyang lahat, pagkat sila'y di mabuti;
ang wawasak sa kanila ay ang Diyos na si Yahweh.
Kasalukuyang Napili:
Mga Awit 94: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society