Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak, inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas. Itong aking sasabihin ay bagay na talinhaga, nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga. Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam, nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay. Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim, ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin; mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila. Mayro'n siyang patotoo na kay Jacob itinatag, mayro'n siyang kautusang sa Israel iniatas; ang utos sa ating nuno, dapat nilang ipatupad, ituturong lagi ito, sa kanilang mga anak. Sa lahat ng lahi nila ito'y dapat na iaral, at ang angkang susunod pa ay marapat na turuan. Sa ganito, masusunod nilang lagi yaong utos, ang matatag na pag-asa'y ilalagak nila sa Diyos, at ang dakila niyang gawa'y hindi nila malilimot. Sa kanilang mga nuno, hindi dapat na pumaris, na matigas ang damdaming sa Diyos ay naghimagsik; isang lahing di marunong magtiwala at magtiis, ang pag-asa ay marupok at kulang ang pananalig.
Basahin Mga Awit 78
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mga Awit 78:1-8
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas