Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Awit 119:11-105

Mga Awit 119:11-105 RTPV05

Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan, upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman. Pupurihin kita, Yahweh, ika'y aking pupurihin; ang lahat ng tuntunin mo ay ituro po sa akin. Ang lahat mong mga utos na sa aki'y ibinigay, palagi kong babanggitin, malakas kong isisigaw. Nagagalak na susundin ko ang iyong kautusan, higit pa sa kagalakang dulot nitong kayamanan. Ako'y laging mag-aaral sa lahat ng tuntunin mo, nang aking maunawaan, pagbubulay-bulayan ko. Sa bigay mong kautusa'y lubos akong nalulugod, iingatan sa puso ko upang iyo'y di malimot. Itong iyong abang lingkod, O Yahweh, nawa'y pagpalain, upang ako ay mabuhay at ang utos mo ang sundin. Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan, kabutihang idudulot sa akin ng iyong aral. Ang buhay ko sa daigdig ay pansamantala lamang, kaya huwag mong ikukubli sa akin ang kautusan. Ang puso ko'y nasasabik, at ang laging hinahangad, ang lahat ng tuntunin mo ay mabatid oras-oras. Ang mga mapagmataas, iyong pinaparusahan; at iyong isinusumpa ang sa utos mo ay laban. Sa ganitong mga tao'y ilayo mo akong ganap, yamang ang iyong kautusan ay siya kong tinutupad. Kahit ako ay usigi't labanan ng pamunuan, itong iyong abang lingkod sa utos mo'y mag-aaral. Ang buo mong kautusan sa akin ay umaaliw, siyang gurong nagpapayo sa lahat kong suliranin. Ako'y gapi't lupasay na sa bunton ng alikabok, sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos. Ang aking mga gawang kamalia'y pinatawad mo, ang tuntunin mo at aral, sa lingkod mo'y ituro. Tulungang maunawaan, iyong mga kautusan, iyong kahanga-hangang gawa, lubos kong pag-aaralan. Damdam ko ba sa sarili, naghahari'y pawang lungkot; sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos. Sa landas na di matuwid, huwag mo akong hahayaan, pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral. Ang pasya ko sa sarili, ako'y maging masunurin, sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling. Itong mga tuntunin mo, O Yahweh, ay sinunod ko; huwag nawang hahayaang mapahiya ang lingkod mo. Ang lahat mong mga utos, ay malugod kong susundin, dahilan sa pang-unawang ibibigay mo sa akin. Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan, at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay. Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod, buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos. Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan, pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam. Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos, higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos. Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay; at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay. Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod, ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot. Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam, sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay! Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin, pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain. Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo, ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako; upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko, yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo. Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan, pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan. Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan, susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay. Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya, yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa. At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin, hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin. Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis, di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig. Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang, sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay. Ang pangako sa lingkod mo, sana'y iyong gunitain, pag-asa ang idinulot ng pangako mo sa akin. Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw, pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin. Labis akong hinahamak nitong mga taong hambog, ngunit di ko sinusuway ang bigay mong mga utos. Bumabalik sa gunita ang payo mo noong araw, ito, Yahweh, sa lingkod mo ang dulot ay kaaliwan. Nag-aapoy ang galit ko sa tuwing nakikita ko, yaong mga masasamang lumalabag sa batas mo. Noong ako'y mapalayo sa sarili kong tahanan, ang awiting nilikha ko ay tungkol sa kautusan. Ang ngalan mo'y nasa isip kung kumagat na ang dilim, Yahweh, aking sinisikap na utos mo'y laging sundin. Nasasalig sa pagsunod ang tunay kong kagalakan, kaya naman sinusunod ko ang iyong kautusan. Ikaw lamang, O Yahweh, ang lahat sa aking buhay, kaya ako'y nangangakong susundin ang kautusan. Taimtim sa aking puso, na ako ay humihiling, sang-ayon sa pangako mo ay mahabag ka sa akin. Tinanong ko ang sarili kung ano ang nararapat, ang tugon sa katanunga'y sundin ko ang iyong batas. Kaya ako'y nagdumali, upang hindi na mabalam, sa hangad kong masunod na ang bigay mong kautusan. Mga taong masasama kahit ako ay gapusin, ang bigay mong mga utos ay di pa rin lilimutin. Gumigising akong lagi pagsapit ng hatinggabi, sa matuwid mong paghatol lagi kitang pinupuri. Tapat akong kaibigan ng sa iyo'y naglilingkod, mga taong buong pusong sa utos mo'y sumusunod. Ang dakilang pag-ibig mo'y laganap sa daigdigan, ituro sa akin, Yahweh, ang banal mong kautusan. Tinupad mo, O Yahweh, ang pangakong binitiwan, kay buti ng ginawa mo sa lingkod mong minamahal. Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman, yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay. Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot, nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod; kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob; sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos. Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan, ngunit buong puso ko ring sinusunod ang iyong aral. Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa, ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa. Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot, pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos. Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan, ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan. Nilikha mo ako, O Yahweh, ako'y iyong iningatan; bigyan ako ng unawa upang batas mo'y malaman. Ang sa iyo'y natatakot, kapag ako ay nakita, matutuwa sa lingkod mong sa iyo ay umaasa. Nababatid ko, O Yahweh, matuwid ang iyong batas, kahit ako'y pagdusahin, nananatili kang tapat. Aliwin mo sana ako niyang pag-ibig mong lubos, katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingkod. Sa akin ay mahabag ka, at ako ay mabubuhay, ang lubos kong kasiyaha'y nasa iyong kautusan. Ang hambog na naninira sa lingkod mo ay hiyain, sa aral mo ako nama'y magbubulay na taimtim. Sa akin ay magsilapit ang sa iyo ay may takot, maging yaong mga tao na alam ang iyong utos. Sana'y lubos kong masunod ang buo mong kautusan, upang hindi mapahiya't tamuhin ko ang tagumpay. Kaluluwa ko'y naghihintay ng iyong pagliligtas; lubos akong nagtiwala sa bigay mong pangungusap. Dahilan sa paghihintay lumamlam na yaring tingin, ito ngayon ang tanong ko: “Kailan mo aaliwin?” Katulad ko'y nangulubot na sisidlang yaring katad, gayon pa man, di ko pa rin nilimot ang iyong batas. Gaano bang katagal pa, ang lingkod mo maghihintay, sa parusang igagawad sa nang-usig kong kaaway? Mga taong mayayabang, mga taong masuwayin, nag-umang ng mga bitag upang ako ay hulihin. Inuusig nila ako, kahit mali ang paratang, sa batas mo'y may tiwala, kaya ako ay tulungan! Halos sila'y magtagumpay na kitlin ang aking buhay, ngunit ang iyong mga utos ay hindi ko nalimutan. Dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako ay lingapin, at ang iyong mga utos ay masikap kong susundin. Ang salita mo, O Yahweh, di kukupas, walang hanggan, matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan. Ang taglay mong katapatan ay hindi na magbabago; ang nilikha mong daigdig, matatag sa kanyang dako. Hanggang ngayon ay matatag, pagkat ikaw ang nag-utos, alipin mo silang lahat at sa iyo'y naglilingkod. Kung ang iyong kautusa'y di bukal ng aking galak, namatay na sana ako sa dinanas na paghihirap. Ang utos mo'y susundin ko, di ito tatalikuran, pagkat dahil sa utos mo, ako ngayo'y nabubuhay. Ang lingkod mo'y iyong-iyo, kaya ako ay iligtas, ang pagsunod sa utos mo ay siya kong sinisikap. Nag-aabang ang masama, upang ako ay mapatay, ngunit ako'y magbubulay sa bigay mong kautusan. Nabatid kong sa daigdig, walang ganap na anuman, ngunit ang iyong mga utos walang hanggan yaong saklaw. O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig, araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip. Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan, kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway. Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit, pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip. Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda, pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira. Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama, ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita. Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin, pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin. O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay, matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay. Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan, kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay. Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay, sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.