Mga Kawikaan 9
9
Ang Karunungan at ang Kahangalan
1Gumawa na ng tahanan itong karunungan,
na itinayo niya sa pitong patibayan.
2Nagpatay siya ng hayop, nagtimpla ng inumin,
ang mesa ay inihanda, punung-puno ng pagkain.
3Katulong ay isinugo sa gitna nitong bayan,
upang lahat ay abutin ng ganitong panawagan:
4“Ang kulang sa kaalaman, dito ngayon ay lumapit.”
Sa mga mangmang ay ganito ang sinambit:
5“Halikayo't inyong kainin ang pagkain ko,
at tunggain ang inuming inilaan ko sa inyo.
6Lisanin ang kamangmangan upang kayo ay mabuhay,
at ang landas ng unawa ang tahakin at daanan.”
7Ang pumupuna sa mapangutya ay nag-aani ng pagdusta,
ang nagtutuwid sa masama'y nagkakamit ng alipusta.
8Punahin mo ang mapangutya at magagalit pa sa iyo,
ngunit payuhan mo ang matalino at iibigin ka nito.
9Matalino'y turuan mo't lalo siyang tatalino,
ang matuwid ay aralan, lalago ang dunong nito.
10Ang#Job 28:28; Awit 111:10; Kaw. 1:7. paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan,
ang pagkilala sa Banal na Diyos ay may dulot na kaalaman.
11Sa pamamagitan ko, hahaba ang iyong mga araw,
dahil sa akin, lalawig ang iyong buhay.
12Kung mayroon kang karunungan, mayroon kang pakinabang,
ngunit ika'y magdurusa kapag siya'y tinanggihan.
13Ang nakakatulad nitong taong mangmang,
babaing magaslaw at walang kahihiyan.
14Lagi siyang naroon sa pinto ng kanyang bahay,
o sa lantad na bahagi ng lansangan nitong bayan.
15Bawat taong nagdaraan na kanyang masulyapan,
ay pilit na tatawagin at kanyang aanyayahan,
16“Lapit dito, kayong lahat na kulang sa kaalaman!”
Kanya namang sinasabi sa mga mangmang,
17“Tubig na ninakaw ay ubod ng tamis,
tinapay na nakaw, masarap na labis.”
18Hindi alam ng biktimang wakas niyo'y kamatayan,
at lahat ng pumasok doo'y naroon na sa libingan.
Kasalukuyang Napili:
Mga Kawikaan 9: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society