Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Kawikaan 5

5
Babala Laban sa Pangangalunya
1Aking anak, karununga'y pakinggan mong mabuti,
pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi.
2Sa gayo'y magagawa mo ang mabuting pagpapasya,
at ang bawat sabihin mo'y kaalaman ang ibabadya.
3Pagkat labi ng haliparot ay sintamis nitong pulot,
at ang kanyang mga halik, kasiyahan nga ang dulot.
4Ngunit pagkatapos mong magpasasa sa alindog,
hapdi, kirot ang kapalit ng kaunti niyang lugod.
5Ang kanyang mga hakbang ay tungo sa kamatayan,
daigdig ng mga patay, ang landas na hahantungan.
6Pagkat di niya siniyasat daang patungo sa buhay,
ang daan niya'y liku-liko, ni hindi niya ito nalalaman.
7Kaya nga, aking anak, sa akin ay makinig,
huwag lilimutin, salita ng aking bibig.
8Lumayo ka sa babaing masama ang pamumuhay,
ni huwag kang lalapit sa pinto ng kanyang bahay.
9Baka dangal mo'y sirain at angkinin pa ng iba,
sa kamay ng masasama ay mamatay kang maaga.
10Ang yaman mo'y uubusin ng taong di mo kilala,
mga pinagpaguran mo, makikinabang ay iba.
11Kung magkagayon, wakas mo ay anong saklap,
walang matitira sa iyo kundi buto't balat.
12Dito mo nga maiisip:
“Dangan kasi'y di ko pansin ang kanilang pagtutuwid,
puso ko ay nagmatigas, sinunod ang aking hilig.
13Ang tinig ng aking guro ay hindi ko dininig,
sa kanilang katuruan, inilayo ang pakinig.
14At ngayon ay narito ang abâ kong kalagayan,
isang kahihiyan sa ating lipunan.”
15Ang dapat ay maging tapat sa asawang minamahal,
at ang tangi mong pag-ibig, iukol sa kanya lamang.
16Kung ika'y magkaanak sa babaing di asawa,
walang buting idudulot, manapa nga ay balisa.
17Anak mo'y dapat lumaki nang ikaw ay matulungan,
upang hindi do'n sa iba iasa ang iyong buhay.
18Kaya nga ba't mahalin mo ang kabiyak ng iyong buhay,
ang ligaya ay lasapin sa mabango niyang kandungan.
19Mabait siya at mahinhin, babaing kaakit-akit,
ligaya mo'y nasa kanya sa pitak ng kanyang dibdib.
20Sa ibang babae ay huwag ka sanang paaakit,
ni huwag mong papansinin makamandag niyang halik.
21Ang paningin ni Yahweh sa tao'y di iniaalis,
laging nakasubaybay, bawat oras, bawat saglit.
22Kasamaan ng isang tao ay bitag na nakaumang,
siya ang magdurusa sa sariling kasalanan.
23Pagkat walang pagpipigil, siya ay mamamatay
at dahil sa kamangmangan, hantungan niya'y sa libingan.

Kasalukuyang Napili:

Mga Kawikaan 5: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in