Mga Kawikaan 19
19
1Mas mabuti ang mahirap na marangal ang pamumuhay,
kaysa taong masalita ngunit walang nalalaman.
2Masugid man kung mangmang, walang mapapakinabang;
ang kawalan ng tiyaga'y magbubulid sa kaguluhan.
3Ipinapahamak ng mangmang ang kanyang sarili,
pagkatapos si Yahweh ang kanyang sinisisi.
4Ang kayamana'y umaakit ng maraming kaibigan,
ngunit ang mahirap ay tinatalikuran ng dating kasamahan.
5Ang bulaang saksi ay tiyak na mapaparusahan,
at ang sinungaling ay wala ring tatakbuhan.
6Marami ang lumalapit sa taong mabait,
at sa taong bukás-palad, lahat ay malapit.
7Kung ang mahirap ay tinatalikuran ng mismong kapatid,
wala na itong magiging kaibigan, kaninuman lumapit.
8Ang nagsisikap matuto, sa sarili ay nagmamahal,
ang nagpapahalaga sa karunungan ay magtatagumpay.
9Ang bulaang saksi ay tiyak na mapaparusahan,
at ang sinungaling ay wala ring tatakbuhan.
10Ang masaganang pamumuhay ay di angkop sa isang mangmang;
gayon din ang alipin, di dapat mamuno sa mga dugong bughaw.
11Ang kahinahunan ay nagpapakilala ng katalinuhan,
ang pagpapatawad sa masamang ginawa sa kanya ay kanyang karangalan.
12Ang poot ng hari ay parang leong umuungal,
ngunit ang kanyang paglingap ay parang hamog sa halaman.
13Ang anak na hangal ay kasawiang-palad ng kanyang ama,
at tila ulang walang tigil ang bibig ng madaldal na asawa.
14Namamana sa magulang ang bahay at kayamanan,
ngunit si Yahweh lang ang nagbibigay ng mabuting maybahay.
15Ang taong tamad ay laging nakatihaya;
kaya't siya'y magugutom, walang panlagay sa sikmura.
16Ang tumutupad sa kautusan ay nag-iingat ng kanyang buhay,
at ang nagwawalang-bahala sa utos ay tiyak na mamamatay.
17Parang pagpapautang kay Yahweh ang pagtulong sa mahirap,
at pagdating ng panahon, si Yahweh ang magbabayad.
18Ituwid mo ang iyong anak habang may pagkakataon pa,
kung hindi'y ikaw na rin ang nagtulak sa pagkawasak niya.
19Di dapat pansinin ang taong mainit ang ulo,
mapayuhan mo mang minsan, patuloy ding manggugulo.
20Dinggin mo at sundin ang payo sa iyo,
at pagdating ng araw, pakikinabangan mo.
21Ang isang tao'y maraming iniisip, maraming binabalak,
ngunit ang kalooban din ni Yahweh ang siyang mananaig.
22Kaibig-ibig sa isang tao ang kanyang katapatan,
higit na mainam ang mahirap kaysa isang bulaan.
23Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagbibigay ng buhay,
ang gumawa nito'y makakaranas ng kapayapaan, at ligtas sa kapahamakan.
24Ang kamay ng batugan ay nadidikit sa pinggan,
hindi halos makasubo dahil sa katamaran.
25Parusahan mo ang mapanuya, matututo pati mangmang,
pagsabihan mo ang may unawa, lalawak ang kanyang kaalaman.
26Ang anak na suwail sa magulang
ay anak na masama at walang kahihiyan.
27Ang anak na ayaw makinig sa pangaral
ay tumatalikod sa turo ng kaalaman.
28Ang saksing sinungaling ay sumisira sa takbo ng katarungan,
ang bibig ng liko ay nagbubunga ng kasamaan.
29May hatol na nakalaan para sa mga mapanuya,
at sa mga mangmang ay may hagupit na nakahanda.
Kasalukuyang Napili:
Mga Kawikaan 19: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society