Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinapanabikan, aking kagalakan at karangalan, magpakatatag kayo sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon. Nakikiusap ako kina Euodia at Sintique na sila'y magkasundo na bilang magkapatid sa Panginoon. Ipinapakiusap ko rin naman sa iyo, tapat kong kasama, na tulungan mo ang dalawang babaing ito. Sila man ay kasama kong nagpagal sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama si Clemente at ang iba pang kamanggagawa ko. Ang pangalan nila'y nakasulat sa aklat ng buhay. Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo! Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kabutihang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Bilang pagtatapos, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig at nakita sa akin. Sa gayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan. Labis akong nagagalak sa Panginoon sapagkat pagkaraan ng mahabang panahon, minsan pang ipinamalas ninyo ang inyong pagmamalasakit sa akin. Alam kong hindi ninyo ako nalilimutan, wala nga lamang kayong pagkakataong matulungan ako. Hindi ko sinasabi ito dahil sa kayo'y pinaghahanapan ko ng tulong. Natutunan ko nang masiyahan, maging anuman ang aking kalagayan. Naranasan ko na ang maghikahos; naranasan ko na rin ang managana; natutuhan ko na ang sikreto kung paano masiyahan sa anumang kalagayan sa buhay, ang mabusog o ang magutom, ang managana o ang maghirap. Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo.
Basahin Mga Taga-Filipos 4
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mga Taga-Filipos 4:1-13
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas