Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Bilang 10

10
Ang Trumpetang Pilak
1Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2“Magpagawa ka ng dalawang trumpetang yari sa pinitpit na pilak. Gagamitin mo ang mga ito sa pagtawag ng pagpupulong ng taong-bayan o kung kailangan nang magpatuloy sa paglalakbay ang buong Israel. 3Kapag hinipan nang sabay, ang buong Israel ay magtitipun-tipon sa harap ng Toldang Tipanan. 4Kapag isa ang hinipan, ang mga pinuno ng bawat angkan ang haharap sa iyo. 5Pag-ihip ng unang hudyat, lalakad ang mga liping nagkampo sa gawing silangan. 6Sa ikalawang ihip, lalakad naman ang mga nakahimpil sa gawing timog. 7Kapag dapat tipunin ang kapulungan, hihipan mo nang matagal ang trumpeta. 8Ang iihip ng trumpeta ay ang mga anak ni Aaron. Susundin ninyo ang tuntuning ito habang panahon. 9Kapag nilulusob kayo ng inyong kaaway, hipan ninyo ang trumpeta bilang hudyat upang tulungan at iligtas kayo ng Diyos ninyong si Yahweh. 10Sa inyong mga pagdiriwang, tulad ng Pista ng Bagong Buwan at iba pang kapistahan, hihipan din ninyo ang trumpeta habang inihahain ang handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Sa gayon, aalalahanin ko kayo at tutulungan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”
Ang Unang Yugto ng Paglalakbay ng mga Israelita
11Nang ika-20 araw ng ikalawang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sila sa Egipto, ang ulap ay pumaitaas mula sa ibabaw ng tabernakulo. 12Dahil dito, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita hanggang ang ulap ay tumigil sa ilang ng Paran. 13Ito ang una nilang paglalakbay mula nang ibigay ni Yahweh kay Moises ang mga tuntunin ukol dito.
14Nauuna ang pangkat sa ilalim ng watawat ni Juda ayon sa kani-kanilang lipi at sa pamumuno ni Naason na anak ni Aminadab. 15Si Nathanael naman na anak ni Zuar ang pinuno ng lipi ni Isacar 16at si Eliab na anak ni Helon ang nangunguna sa lipi ni Zebulun.
17Kapag nakalas na at naihanda na sa pag-alis ang tabernakulo, susunod ang mga anak ni Gershon at ni Merari, na siyang nagpapasan ng binaklas na tabernakulo.
18Kasunod ang pangkat nina Ruben ayon sa kanya-kanyang angkan, at pinangungunahan ni Elizur na anak ni Sedeur. 19Ang lipi naman ni Simeon ay pinangungunahan ni Selumiel na anak ni Zurisadai 20at ni Eliasaf na anak ni Deuel naman sa lipi ni Gad.
21Kasunod ng pangkat nina Ruben ang mga Levita mula sa angkan ni Kohat, dala ang mga sagradong bagay. Pagdating nila sa susunod na pagkakampuhan, muli nilang itatayo ang tabernakulo.
22Kasunod naman ang pangkat ni Efraim ayon sa kani-kanilang angkan sa ilalim ng pamumuno ni Elisama na anak ni Amiud. 23Ang lipi ni Manases ay pinamumunuan ni Gamaliel na anak ni Pedazur, 24at ang lipi ni Benjamin ay pinangungunahan naman ni Abidan na anak ni Gideoni.
25Ang pangkat nina Dan ang kahuli-hulihan at siyang nagsisilbing tanod na nasa huling hanay. Sila'y pangkat-pangkat din ayon sa angkan at pinangungunahan ni Ahiezer na anak ni Amisadai. 26Ang pinuno ng lipi ni Asher ay si Pagiel na anak ni Ocran 27at ang pinuno naman ng lipi ni Neftali ay si Ahira na anak ni Enan. 28Ganito nga ang ayos ng buong Israel tuwing sila'y magpapatuloy sa paglalakbay.
29Kinausap ni Moises si Hobab na anak ni Ruel na Midianita, isang kamag-anak ng asawa ni Moises. Ang sabi niya, “Sumama ka sa amin patungo sa dakong ibinibigay sa amin ni Yahweh at bibigyan ka namin ng kasaganaang ipinangako niya sa amin.”
30“Hindi na ako sasama sa inyo sapagkat nais kong bumalik sa aking mga kamag-anak,” sagot niya.
31“Sumama ka na sa amin sapagkat kabisado mo ang pasikut-sikot sa ilang. Maituturo mo sa amin kung saan kami maaaring magkampo. 32Pagdating natin doon, babahaginan ka namin ng anumang pagpapalang ibibigay sa amin ni Yahweh,” sabi ni Moises.
33At mula sa Bundok ni Yahweh, naglakbay sila nang tatlong araw. Ang Kaban ng Tipan ay iniuna sa kanila nang tatlong araw para ihanap sila ng lugar na pagkakampuhan. 34Kung araw, nilililiman sila ng ulap ni Yahweh habang naglalakbay.
35Tuwing#Awit 68:1. ilalakad ang Kaban ng Tipan, ito ang sinasabi ni Moises:
“Magbangon ka, Yahweh, kaaway ay pangalatin.
Itaboy mo ang iyong mga kaaway
at magtatakbuhan sa takot ang lahat ng napopoot sa iyo.”
36At kapag inihihinto na nila sa paglalakbay ang Kaban ng Tipan, ito naman ang sinasabi niya:
“Manumbalik ka, Yahweh, sa libu-libong angkan ng Israel.”#36 Manumbalik…Israel: o kaya'y Manumbalik ka Yahweh, ikaw ay katumbas ng libu-libo para sa Israel.

Kasalukuyang Napili:

Mga Bilang 10: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya