Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Nehemias 4:14-23

Nehemias 4:14-23 RTPV05

Binisita ko ang mga tao at sinabi ko sa mga pinuno at hukom at sa lahat ng naroon, “Huwag kayong matakot sa mga kaaway. Alalahanin nating dakila at kamangha-mangha si Yahweh. Ipagtanggol ninyo ang inyong mga kababayan, ang inyong mga anak, inyong mga asawa at mga tahanan.” Nabalitaan ng mga kaaway na alam natin ang kanilang mga balak, at napag-isip-isip nilang hinahadlangan sila ng Diyos. Kaya ang lahat ay nagpatuloy sa paggawa ng pader. Simula noon, kalahati na lamang ng aking mga tauhan ang gumagawa ng pader at ang kalahati naman ay nagbabantay. Ang mga bantay ay may dalang sibat, kalasag, pana at kasuotang bakal. Ang mga pinuno at mga pangunahing mamamayan ay nagbibigay ng kanilang lubusang tulong sa gumagawa ng pader. Hawak sa isang kamay ng mga nagpapasan ang kanilang dala, at sandata naman ang hawak sa kabilang kamay. Ang mga gumagawa sa pader ay may sariling espada na nakalagay sa kanyang baywang, at nasa tabi ko naman ang isang may hawak na trumpeta. Sinabi ko sa mga pinuno, sa mga hukom at sa mga taong-bayan, “Malaki ang ating gawain at malalayo ang ating pagitan habang tayo'y nagtatrabaho, kaya't tuwing maririnig ninyo ang tunog ng trumpeta, magtipun-tipon tayo sa kinatatayuan ko. Ipaglalaban tayo ng Diyos natin.” At nagpatuloy kami sa pagtatrabaho araw-araw. Ang kalahati ay may dalang sibat mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglabas ng mga bituin. Sinabi ko rin sa mga tao, “Lahat ng lalaki at mga alipin ay kailangang magpalipas ng gabi sa loob ng Jerusalem at maging handa sa anumang pagsalakay kung gabi at sa araw ay magtrabaho naman.” Kaya't ako, ang aking mga kasamahan, mga tauhan, at mga bantay ay laging nakahanda at laging may hawak na sandata.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Nehemias 4:14-23