Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Marcos 7:14-37

Marcos 7:14-37 RTPV05

Muling pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat at unawain ang aking sasabihin! Walang pagkain na pumapasok sa bibig ang nagpaparumi sa tao, kundi ang lumalabas dito.” Iniwan ni Jesus ang mga tao, at nang makapasok na siya sa bahay, siya'y tinanong ng kanyang mga alagad tungkol sa talinhaga. “Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin ninyo ako maunawaan?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi ang anumang mula sa labas ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya, sapagkat hindi naman iyon pumapasok sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi.” Sa ganitong paraan ay ipinahayag ni Jesus na ang lahat ng pagkain ay maaaring kainin. At sinabi rin niya, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos. Sapagkat sa loob, sa puso ng tao, nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya upang makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, gumawa ng kasamaan tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamayabang, at kahangalan. Ang lahat ng ito ay nanggagaling sa puso at ang mga ito ang siyang nagpaparumi sa kanya.” Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lunsod ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay doon at ayaw niyang malaman ninuman na naroon siya. Subalit hindi ganoon ang nangyari. Ang pagdating niya'y nabalitaan ng isang inang may anak na babaing sinasapian ng masamang espiritu. Pumunta agad kay Jesus ang ina at nagpatirapa sa kanyang harapan. Ang babaing ito'y isang Griego na Sirofenicia. Nakiusap ito kay Jesus na palayasin ang demonyong sumapi sa kanyang anak. Ngunit sinabi ni Jesus, “Kailangang ang mga anak muna ang pakainin. Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga aso.” Tugon ng babae, “Tunay nga po, Panginoon, ngunit kinakain din ng mga asong nasa ilalim ng mesa ang tira ng mga anak.” Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.” Umuwi ang babae at naratnan niya sa higaan ang bata. Iniwan na nga ito ng demonyo. Pagbalik ni Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon at nagtuloy sa Lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. Dinala ng mga tao sa kanya ang isang lalaking bingi at pipi, at nakiusap sila sa kanya na ipatong niya rito ang kanyang kamay. Inilayo muna ni Jesus sa karamihan ang lalaki, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura si Jesus at ipinahid ito sa dila ng pipi. Tumingala si Jesus sa langit at nagbuntong-hininga. Pagkatapos, inutos niya sa tainga ng lalaki, “Effata,” na ang ibig sabihi'y, “Bumukas ka!” Noon di'y nakarinig ang lalaki at nakapagsalita na nang maayos. Sinabi ni Jesus sa mga tao na huwag ipamalita ito, ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nila itong ipinamamalita. Buong paghangang sinasabi nila, “Ang lahat ng kanyang ginagawa ay napakabuti! Pinapagaling pa niya ang mga bingi at pipi!”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Marcos 7:14-37