Nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon. Nang ikatlo na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eloi, Eloi, lema sabachthani?” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias!” May tumakbo upang kumuha ng isang espongha; ito'y binasa ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus. “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang iligtas siya,” sabi niya. Sumigaw nang malakas si Jesus at pagkatapos ay nalagutan ng hininga. At napunit sa gitna ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nakatayo sa harap ng krus ang opisyal ng mga kawal. Nang makita kung paano namatay si Jesus, sinabi niya, “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!” Naroon din ang ilang babaing nakatanaw mula sa malayo. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Salome, at si Maria na ina ng nakababatang si Santiago at ni Jose. Mula pa sa Galilea ay sumusunod na sila at naglilingkod kay Jesus. Naroon din ang iba pang mga babaing kasama ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. Nang dumidilim na, dumating si Jose na taga-Arimatea, isang iginagalang na kasapi ng Sanedrin. Siya rin ay naghihintay na maghari ang Diyos. Dahil iyon ay Araw ng Paghahanda, o bisperas ng Araw ng Pamamahinga, naglakas-loob siyang lumapit kay Pilato upang hingin ang bangkay ni Jesus. Nagtaka si Pilato nang marinig niyang patay na si Jesus kaya't ipinatawag niya ang opisyal at tinanong kung ito'y totoo. Nang malaman niya sa kapitan na talagang patay na si Jesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay. Ibinabâ mula sa krus ang bangkay ni Jesus at binalot sa telang lino na binili ni Jose. Pagkatapos, ang bangkay ay inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, at iginulong ni Jose ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan. Nagmamasid naman sina Maria Magdalena at Maria na ina ni Jose, at nakita nila kung saan inilibing si Jesus.
Basahin Marcos 15
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng Bersyon: Marcos 15:33-47
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas