Nasalubong nila sa daan ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene na ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. Kanilang dinala si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang ibig sabihi'y “Pook ng Bungo.” Siya'y binibigyan nila ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ito ininom. Ipinako siya sa krus at saka pinaghati-hatian ang kanyang damit sa pamamagitan ng palabunutan. Ikasiyam ng umaga nang ipako siya sa krus. Isinulat sa itaas ng krus ang paratang laban sa kanya, “Ang Hari ng mga Judio.” May dalawang tulisang kasabay niyang ipinako sa krus, isa sa kanan at isa sa kaliwa. Ininsulto siya ng mga nagdaraan, pailing-iling nilang sinasabi, “O ano? Di ba ikaw ang gigiba sa Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Bumabâ ka sa krus at iligtas mo ngayon ang iyong sarili!” Kinukutya rin siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi mailigtas ang sarili! Makita lamang nating bumabâ sa krus ang Cristo na iyan na Hari daw ng Israel, maniniwala na tayo sa kanya!” Nilait din siya ng mga nakapakong kasama niya. Nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon. Nang ikatlo na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eloi, Eloi, lema sabachthani?” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias!” May tumakbo upang kumuha ng isang espongha; ito'y binasa ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus. “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang iligtas siya,” sabi niya. Sumigaw nang malakas si Jesus at pagkatapos ay nalagutan ng hininga. At napunit sa gitna ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nakatayo sa harap ng krus ang opisyal ng mga kawal. Nang makita kung paano namatay si Jesus, sinabi niya, “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!”
Basahin Marcos 15
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Marcos 15:21-39
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas