Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Marcos 14:32-52

Marcos 14:32-52 RTPV05

Dumating sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Maupo muna kayo rito habang ako'y nananalangin.” At isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban. Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko'y labis na nalulungkot at halos ako'y mamatay na! Maghintay kayo rito at magbantay.” Lumayo siya nang kaunti, at pagkatapos ay nagpatirapa upang manalangin na kung maaari'y huwag nang sumapit sa kanya ang oras ng paghihirap. Nanalangin siya, “Ama ko, Ama ko! Magagawa mo ang lahat ng bagay. Alisin mo sa akin ang paghihirap na ito, ngunit hindi ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang masunod.” Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Natutulog ka ba, Simon? Hindi ka ba makapagbantay kahit isang oras man lamang? Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.” Muling lumayo si Jesus upang manalangin at inulit niya ang kanyang kahilingan. Nagbalik siyang muli sa kanyang mga alagad, at sila'y naratnan niyang natutulog dahil sila'y antok na antok. At hindi nila malaman kung ano ang kanilang isasagot sa kanya. Sa ikatlo niyang pagbabalik ay sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at namamahinga? Tama na, sapagkat dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao'y ibigay sa kamay ng mga makasalanan. Magsitayo kayo! Narito na ang magtataksil sa akin.” Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may mga dalang tabak at pamalo. Sila'y isinugo ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng bayan. Bago pa man dumating, ibinigay ni Judas ang isang hudyat, “Kung sino ang hahalikan ko, iyon ang inyong hinahanap. Dakpin ninyo siya at huwag pabayaang makatakas.” Pagdating ni Judas, agad siyang lumapit kay Jesus. “Guro!” ang bati niya, at ito'y kanyang hinalikan. Agad ngang sinunggaban at dinakip ng mga tao si Jesus. Nagbunot ng tabak ang isa sa mga alagad at tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon. Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may dalang tabak at pamalo upang ako'y dakpin? Araw-araw akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit kailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan!” Tumakas ang lahat ng mga alagad at iniwan siya. Sinundan si Jesus ng isang binatang walang damit maliban sa balabal niyang lino. Sinunggaban ito ng mga tao ngunit iniwan niya ang kanyang balabal at tumakas na hubad.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Marcos 14:32-52