Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Marcos 11:12-33

Marcos 11:12-33 RTPV05

Kinabukasan, nang pabalik na sila mula sa Bethania, si Jesus ay nakaramdam ng gutom. Nakita niya sa di-kalayuan ang isang malagong puno ng igos. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Dahil hindi pa panahon ng igos noon, wala siyang nakita kundi mga dahon lamang. Kaya't sinabi niya sa puno ng igos, “Wala nang makakakain pa ng iyong bunga.” Ang sinabi niyang iyon ay narinig ng kanyang mga alagad. Pagdating nila sa Jerusalem, si Jesus ay pumasok sa Templo. Ipinagtabuyan niya ang mga nagbebenta at namimili roon, at ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. Pinagbawalan din niyang tumawid sa patyo ng Templo ang mga may dalang paninda at tinuruan niya ang mga tao nang ganito, “Hindi ba't nasusulat, ‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa?’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw!” Narinig ito ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Buhat noo'y humanap na sila ng paraan upang maipapatay si Jesus. Subalit natatakot sila sa kanya dahil humahanga ang lahat sa kanyang mga turo. Pagsapit ng gabi, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay muling lumabas ng lunsod. Kinaumagahan, pagdaan nila'y nakita nilang natuyo ang puno ng igos hanggang sa mga ugat nito. Naalala ni Pedro ang nangyari dito kaya't kanyang sinabi kay Jesus, “Guro, tingnan ninyo! Patay na ang puno ng igos na isinumpa ninyo.” Sumagot si Jesus, “Manalig kayo sa Diyos. Tandaan ninyo ito: kung kayo'y nananampalataya sa Diyos at hindi kayo nag-aalinlangan, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan at tumalon ka sa dagat,’ at ito nga ay mangyayari. Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, maniwala kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo iyon. Kapag kayo'y tumayo upang manalangin, patawarin muna ninyo ang nagkasala sa inyo upang ang inyong mga kasalanan ay patawarin din ng inyong Ama na nasa langit.” Muli silang pumasok sa Jerusalem. Habang si Jesus ay naglalakad sa patyo ng Templo, nilapitan siya ng mga punong pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng bayan. Siya'y tinanong nila, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?” Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko kayo. Sagutin ninyo ito at sasabihin ko sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. Sabihin ninyo sa akin; kanino nagmula ang karapatan ni Juan na magbautismo, sa Diyos ba o sa mga tao?” At sila'y nag-usap-usap, “Kung sasabihin nating mula sa Diyos, itatanong naman niya sa atin kung bakit hindi natin pinaniwalaan si Juan. Ngunit kung sasabihin naman nating mula sa tao, baka kung ano naman ang gawin sa atin ng mga tao.” Nangangamba sila sapagkat naniniwala ang marami na si Juan ay isang tunay na propeta. Kaya't ganito ang kanilang isinagot: “Hindi namin alam!” Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gawin ang mga ito.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Marcos 11:12-33