Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 5:21-42

Mateo 5:21-42 RTPV05

“Narinig ninyo na iniutos ng Diyos sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit sinasabi ko naman sa inyo, ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman, ang humahamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Ulol ka!’ ay nanganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno. Kaya't kung mag-aalay ka ng handog sa dambana para sa Diyos at naalala mong may sama ng loob sa iyo ang iyong kapatid, iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Pagkatapos, magbalik ka at maghandog sa Diyos. “Kung may ibig magsakdal sa iyo, makipag-ayos ka agad sa kanya bago makarating sa hukuman ang inyong kaso. Kung hindi ay dadalhin ka niya sa hukom, at ibibigay ka nito sa tanod, at ikukulong ka naman sa bilangguan. Tandaan mo: hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang piso na dapat mong bayaran.” “Narinig ninyong sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumingin sa isang babae nang may mahalay na pagnanasa ay nangangalunya na sa babaing iyon sa kanyang puso. Kung ang kanang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno. Kung ang iyong kanang kamay naman ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno.” “Sinabi rin naman, ‘Kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, ito'y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, maliban kung ito ay nangangalunya, itinutulak niya ang kanyang asawa sa kasalanang pangangalunya, at sinumang makipag-asawa sa babaing pinalayas at hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.” “Narinig din ninyong iniutos ng Diyos sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang susumpa nang walang katotohanan; sa halip, tuparin mo ang iyong sinumpaang panata sa Panginoon.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag na kayong manunumpa kapag kayo'y nangangako. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito'y trono ng Diyos; o kaya'y, ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito'y kanyang tuntungan. Huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito'y lunsod ng dakilang Hari. Huwag mo ring ipanumpa ang iyong ulo, sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi, sapagkat ang anumang sumpang idaragdag dito ay buhat na sa Masama.” “Narinig ninyong sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong paghihigantihan ang masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa. Kung isakdal ka ninuman upang makuha ang iyong damit panloob, ibigay mo ito sa kanya pati ang iyong damit na pangbalabal. Kung pilitin ka ng manlulupig na pasanin ang kanyang dala ng isang milya, pasanin mo iyon ng dalawang milya. Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo at huwag mong tanggihan ang nanghihiram sa iyo.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mateo 5:21-42