Iniharap si Jesus sa gobernador at siya'y tinanong nito, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?”
Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang may sabi.” Ngunit nang paratangan siya ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan, hindi siya umimik.
Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, “Hindi mo ba narinig ang paratang nila laban sa iyo?” Ngunit hindi pa rin siya umimik kaya't labis na nagtaka ang gobernador.
Nakaugalian na ng gobernador na tuwing Paskwa ay magpalaya ng isang bilanggo na hinihiling ng taong-bayan. Si Jesus Barabbas ay isang kilalang bilanggo noon. Nang magkatipon ang mga tao ay tinanong sila ni Pilato, “Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Jesus Barabbas, o si Jesus na tinatawag na ‘Cristo’?” Alam ni Pilato na naiinggit lamang sila kaya nila isinakdal si Jesus.
Bukod dito, nang si Pilato ay nakaupo sa hukuman, nagpasabi ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa taong iyan. Wala siyang kasalanan. Ngayon ay pinapahirapan ako ng aking panaginip tungkol sa kanya.”
Ang mga tao nama'y sinulsulan ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan na hilingin kay Pilato na si Barabbas ang palayain at si Jesus ay ipapatay. Muli silang tinanong ng gobernador, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko?”
“Si Barabbas!” sigaw ng mga tao.
Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Jesus, na tinatawag na Cristo?”
At sumagot ang lahat, “Ipako siya sa krus!”
“Bakit? Ano ang nagawa niyang masama?” tanong ni Pilato.
Ngunit lalo pang lumakas ang kanilang sigawan, “Ipako siya sa krus!”
Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pa'y magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa dugo ng taong ito. Ito'y pananagutan ninyo!” sabi niya.
Sumagot naman ang mga tao, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang dugo niya.”
Pinalaya nga ni Pilato si Barabbas at ipinahagupit naman si Jesus. Pagkatapos, ibinigay siya sa kanila upang ipako sa krus.
Si Jesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa palasyo ng gobernador, at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. Siya'y hinubaran nila at sinuotan ng isang balabal na matingkad na pula. Kumuha sila ng sangang matinik, ginawa itong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, pinahawak sa kanyang kanang kamay ang isang tangkay ng tambo. Siya'y ininsulto nila, niluhud-luhuran at kinutya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Siya'y pinagduduraan pa nila. Kinuha nila ang tambo at ito'y inihampas sa kanyang ulo. Matapos kutyain, hinubad nila ang balabal at muling sinuotan ng sarili niyang damit. Pagkatapos, inilabas siya upang ipako sa krus.
Paglabas ng lunsod, nakita ng mga sundalo si Simon na taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. Dumating sila sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang kahulugan ay “Pook ng Bungo.” Binigyan nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman niya iyon ay hindi niya ininom.
Nang maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian ng mga kawal ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan, at pagkatapos, naupo sila upang siya'y bantayan. Isinulat nila sa kanyang ulunan ang paratang laban sa kanya, “Ito'y si Jesus na Hari ng mga Judio.” At may dalawang magnanakaw na ipinako rin sa krus, isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa.
Ininsulto rin siya ng mga nagdaraan. Pailing-iling nilang sinasabi, “Di ba't ikaw ang gigiba ng Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumabâ ka sa krus!”
Kinutya naman siya ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. Sinasabi nila, “Iniligtas niya ang iba ngunit ang sarili ay hindi mailigtas! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumabâ lang siya ngayon sa krus ay maniniwala na kami sa kanya! Nananalig siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Tingnan natin kung ililigtas siya ng Diyos!”
Nilait din siya ng mga magnanakaw na ipinakong kasama niya.