Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 26:47-68

Mateo 26:47-68 RTPV05

Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas, na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may dalang mga tabak at pamalo; isinugo sila ng mga punong pari at mga pinuno ng bayan. Bago pa sila dumating doon, sinabi na ng taksil sa kanyang mga kasama, “Kung sinong hahalikan ko, siya ang dakpin ninyo.” Nilapitan niya agad si Jesus at binati, “Magandang gabi po, Guro,” saka hinalikan. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo.” At siya'y nilapitan nila at dinakip. Bumunot ng tabak ang isa sa mga kasama ni Jesus at tinaga ang utusan ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan! Ang nabubuhay sa tabak ay sa tabak mamamatay. Hindi mo ba alam na kung hihingi ako ng tulong sa aking Ama ay papadalhan agad niya ako ng labindalawang batalyon ng mga anghel? Ngunit paanong matutupad ang mga Kasulatan na nagsasabing ito'y dapat mangyari?” Binalingan niya ang mga tao at sinabi, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may mga tabak at pamalo upang ako'y dakpin? Araw-araw, nakaupo akong nagtuturo sa Templo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Ngunit nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinulat ng mga propeta.” Tumakas ang mga alagad at iniwan siyang mag-isa. Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kanya sa bahay ni Caifas, ang pinakapunong pari; doon nagkakatipon ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga pinuno ng bayan. Sumunod si Pedro, ngunit hindi gaanong lumalapit. Pagdating sa tahanan ng pinakapunong pari, pumasok siya sa bakuran at naupo sa patyo kasama ng mga bantay. Nais niyang makita kung ano ang mangyayari. Samantala, ang mga punong pari at ang buong Sanedrin ay naghahanap ng sasaksi laban kay Jesus upang ito'y maipapatay. Kahit na maraming humarap at sumaksi ng kasinungalingan tungkol sa kanya, wala silang matagpuang makakapagpatotoong si Jesus ay dapat mamatay. Sa wakas, may dalawang humarap at nagsabi, “Sinabi ng taong ito na kaya daw niyang gibain ang Templo ng Diyos at muli itong itayo sa loob ng tatlong araw.” Tumayo ang pinakapunong pari at sinabi kay Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang na ito laban sa iyo?” Ngunit hindi umimik si Jesus. Kaya't sinabi sa kanya ng pinakapunong pari, “Iniuutos ko sa iyo sa ngalan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.” Sumagot si Jesus, “Kayo na ang nagsabi. At sinasabi ko pa sa inyo, di na magtatagal at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos at dumarating na nasa alapaap!” Pagkarinig nito, pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang damit at sinabi, “Nilapastangan niya ang Diyos! Hindi na natin kailangan ng mga saksi. Narinig ninyo ngayon ang kanyang paglapastangan sa Diyos! Ano ang pasya ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay!” Dinuraan nila si Jesus sa mukha at pinagsusuntok. Pinagsasampal naman siya ng iba, at kinutya, “Hoy, Cristo, hulaan mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mateo 26:47-68