“Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang taong maglalakbay. Kaya't tinawag niya ang kanyang mga tauhan at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ng salaping ginto ang bawat isa ayon sa kanilang kakayahan. Binigyan niya ang isa ng limanlibong salaping ginto, ang isa nama'y dalawang libong salaping ginto, at ang isa pa ay isanlibong salaping ginto. Pagkatapos nito, siya'y umalis. Kumilos agad ang tumanggap ng limanlibong salaping ginto at ipinangalakal iyon. Kumita siya ng limanlibong salaping ginto. Gayundin naman, ang tumanggap ng dalawang libong salaping ginto ay kumita pa ng dalawang libong salaping ginto. Ngunit ang tumanggap ng isanlibong salaping ginto ay humukay sa lupa at itinago ang salaping ginto ng kanyang panginoon.
“Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga tauhang iyon at sila'y pinag-ulat. Lumapit ang tumanggap ng limanlibong salaping ginto at sinabi, ‘Panginoon, ito po ang limanlibong salaping ginto na iniwan ninyo sa akin. Heto naman po ang limanlibong salaping ginto na tinubo nito.’ “Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Halika, makihati ka sa aking kagalakan. Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya gagawin kitang tagapamahala ng malaking halaga.’
“Lumapit din ang tumanggap ng dalawang libong salaping ginto at ang sabi, ‘Panginoon, ito po ang iniwan ninyo sa aking dalawang libong salaping ginto. Heto naman po ang dalawang libong salaping ginto na tinubo nito.’
“Sinabi ng kanyang panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya't pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!’
“Lumapit naman ang tumanggap ng isanlibong salaping ginto at sinabi, ‘Alam ko pong kayo'y mahigpit at pinipitas ninyo ang bunga ng hindi ninyo itinanim at inaani ninyo ang hindi ninyo inihasik. Natakot po ako, kaya't ibinaon ko sa lupa ang inyong salaping ginto. Heto na po ang salaping iniwanan ninyo sa akin.’
“Sumagot ang kanyang panginoon, ‘Masama at tamad na lingkod! Alam mo palang pinipitas ko ang bunga ng hindi ko tanim at inaani ang hindi ko inihasik, bakit hindi mo na lamang inilagay sa bangko ang aking salapi! Kahit paano'y may tinubo sana ito! Kunin ninyo sa kanya ang isanlibong salaping ginto at ibigay sa may sampung libong salaping ginto. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang walang silbing taong iyan! Doo'y mananangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin.’”
“Pagdating ng Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. Titipunin naman sa harapan niya ang lahat ng tao at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. Inilalagay nito sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa naman ang mga kambing. Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. Sapagkat ako'y inyong pinakain noong ako'y nagugutom; ako'y inyong pinainom noong ako'y nauuhaw. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. Ako'y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.’
“Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y walang maisuot at aming dinamitan? At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo'y aming dinalaw?’
“Sasabihin ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa isa sa mga alagad ko, siya man ang pinakahamak, ako ang inyong tinulungan.’
“Sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa harapan ko! Isinumpa kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat hindi ninyo ako pinakain noong ako'y nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako'y nauuhaw. Hindi ninyo ako pinatuloy noong ako'y isang dayuhan. Hindi ninyo ako dinamitan noong ako'y walang maisuot. Hindi ninyo ako dinalaw noong ako'y may sakit at noong ako'y nasa bilangguan.’
“At sasagot din sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, walang matuluyan, walang maisuot, may sakit, o nasa bilangguan, na hindi namin kayo tinulungan?’
“At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”