“Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag ang mga sanga nito ay umuusbong at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayundin naman, kapag nakita ninyo ang lahat ng ito, malalaman ninyong malapit na ang pagdating ng Anak ng Tao, talagang malapit na. Tandaan ninyo, magaganap ang lahat ng ito bago mamatay ang mga taong nabubuhay ngayon. Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman.” “Ngunit walang nakakaalam ng araw at oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o maging ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. Ang pagdating ng Anak ng Tao ay tulad sa pagdating ng baha noong panahon ni Noe. Nang mga araw na iyon, bago bumaha, ang mga tao'y nagsisikain, nag-iinuman, at nagsisipag-asawa hanggang sa pumasok si Noe sa barko. Hindi nila namamalayan ang nangyayari hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat. Gayundin ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. Sa panahong iyon, may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. May dalawang babaing nagtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. Kaya't maging handa kayo dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang inyong Panginoon. Tandaan ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, siya'y maghahanda at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kaya't lagi kayong maging handa, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo nalalaman.” “Sino ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba't ang pinamamahala ng kanyang panginoon upang magpakain sa iba pang mga alipin sa takdang oras? Mapalad ang aliping iyon kapag dinatnan siyang tapat na naglilingkod sa pagbabalik ng kanyang panginoon! Sinasabi ko sa inyo, gagawin siyang tagapamahala ng kanyang panginoon sa lahat ng mga ari-arian nito. Ngunit kung masama ang aliping iyon, sasabihin niya sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pagbabalik ng aking panginoon.’ Kaya't sisimulan niyang bugbugin ang ibang mga alipin, at makikipagkainan at makikipag-inuman sa mga lasenggo. Babalik ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong higpit siyang paparusahan ng kanyang panginoon, at pagkatapos ay isasama sa mga mapagkunwari. Doo'y tatangis siya at magngangalit ang ngipin.”
Basahin Mateo 24
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mateo 24:32-51
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas