“Kaya, pag-aralan ninyo mula sa puno ng igos ang kanyang talinghaga: kapag malambot na ang sanga nito at umuusbong na ang mga dahon, alam ninyong malapit na ang tag-araw.
Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, alam ninyong siya'y malapit na, nasa mga pintuan na.
Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.
Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.
“Subalit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, ni ang Anak kundi ang Ama lamang.
Kung paano sa mga araw ni Noe, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao.
Sapagkat kung paano sa mga araw na iyon bago bumaha, sila'y kumakain at umiinom, at nag-aasawa at pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko,
at hindi nila nalalaman hanggang sa dumating ang baha, at tinangay silang lahat, ay gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao.
Kaya, may dalawang taong pupunta sa bukid, ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.
May dalawang babaing magtatrabaho sa isang gilingan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.
Magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw darating ang inyong Panginoon.
Ngunit unawain ninyo ito, na kung nalalaman ng puno ng sambahayan kung anong bahagi ng gabi darating ang magnanakaw, magpupuyat sana siya at hindi niya hahayaang pasukin ang kanyang bahay.
Kaya, maging handa rin naman kayo, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.
“Sino nga ba ang tapat at matalinong alipin na inatasan ng kanyang panginoon na pangasiwaan ang kanyang sambahayan, upang magbigay sa kanila ng pagkain sa tamang panahon?
Mapalad ang alipin na kung dumating ang kanyang panginoon ay maratnan siyang gayon ang kanyang ginagawa.
Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ipagkakatiwala niya sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian.
Ngunit kung ang masamang aliping iyon ay magsabi sa kanyang puso, ‘Magtatagal ang aking panginoon,’
at pinasimulan niyang bugbugin ang mga kapwa niya alipin, at nakisalo at nakipag-inuman sa mga lasing,
darating ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan, at sa oras na hindi niya nalalaman,
at siya'y pagpuputul-putulin at ilalagay na kasama ng mga mapagkunwari, kung saan ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.