Lumabas si Jesus sa Templo. Paalis na siya nang lumapit ang mga alagad at itinuro sa kanya ang mga gusali ng Templo. Sinabi niya sa kanila, “Nakikita ba ninyo ang mga gusaling iyan? Tandaan ninyo! Darating ang araw na wala riyang matitirang bato sa ibabaw ng kapwa bato. Lahat ay iguguho!”
Noon, si Jesus ay nasa Bundok ng mga Olibo. Habang siya'y nakaupo roon, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Kailan po ba mangyayari ang mga sinabi ninyo? Ano po ang magiging palatandaan ng inyong muling pagparito at ng katapusan ng mundo?”
Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Maraming paparito sa pangalan ko at magpapanggap na sila ang Cristo, at marami silang maililigaw. Makakarinig kayo ng mga labanan at makakabalita ng mga digmaan sa iba't ibang dako. Ngunit huwag kayong mababahala dahil talagang mangyayari ang mga iyon, bagama't hindi pa iyon ang katapusan ng mundo. Maglalaban-laban ang mga bansa at gayundin ang mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at lilindol sa maraming lugar. Ang lahat ng mga ito'y pasimula pa lamang ng mga paghihirap na tulad sa isang babaing nanganganak.
“Sa mga panahong iyon, kapopootan kayong lahat dahil sa inyong pagsunod sa akin. Isasakdal kayo upang pahirapan at patayin, at dahil dito'y marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Mapopoot sila at magtataksil sa isa't isa. Marami ang magpapanggap na propeta at ililigaw ang mga tao. Ang kasamaa'y lalaganap, kaya't manlalamig ang pag-ibig ng marami. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. Ipapangaral sa buong sanlibutan ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos upang ang lahat ng bansa ay makarinig nito. At kung maganap na ito, darating na ang katapusan.”
“Unawain ninyo itong mabuti: kapag nakita ninyong nagaganap na sa Dakong Banal ang kasuklam-suklam na kalapastanganang tinutukoy ni Propeta Daniel, ang mga nasa Judea ay dapat tumakas papunta sa kabundukan, ang nasa bubungan ay huwag nang mag-abala pang kumuha ng kahit ano sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi upang kumuha ng balabal. Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso! Ipanalangin ninyo na ang inyong pagtakas ay huwag mapataon sa taglamig o sa Araw ng Pamamahinga. Sapagkat sa panahong iyon, ang mga tao'y magdaranas ng matinding kapighatiang hindi pa nararanasan mula nang likhain ang sanlibutan hanggang sa ngayon, at hindi na mararanasan pa kahit kailan. Sa katunayan, kung hindi paiikliin ng Diyos ang panahong iyon, walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang ng Diyos, paiikliin ang panahong iyon.
“Kung may magsasabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. Sapagkat may lilitaw na mga huwad na mesiyas at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga kamangha-manghang himala at mga kababalaghan upang iligaw ang marami kahit na ang mga hinirang ng Diyos. Tandaan ninyo, ipinagpauna ko nang sabihin ito upang kayo'y makapaghanda.
“Kaya't kung sabihin nila sa inyo, ‘Naroon siya sa ilang,’ huwag kayong pumunta roon. Kung sabihin naman nilang, ‘Naroon siya sa silid,’ huwag kayong maniniwala. Sapagkat darating ang Anak ng Tao na parang kidlat na gumuguhit mula sa silangan hanggang sa kanluran.
“Kung saan may bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.”
“Pagkatapos ng kapighatian sa mga panahong iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. Pagkatapos, lilitaw sa langit ang tanda ng Anak ng Tao at mananangis ang lahat ng bansa. Makikita nila ang Anak ng Tao na nasa alapaap at dumarating na may dakilang kapangyarihan at kadakilaan. Sa hudyat ng malakas na tunog ng trumpeta, susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang mula sa lahat ng dako.”