Nang araw ding iyon, may lumapit kay Jesus na ilang Saduseo. Ang mga ito ay hindi naniniwalang muling mabubuhay ang mga patay. Sinabi nila, “Guro, itinuro po ni Moises na kung mamatay na walang anak ang isang lalaki, ang kanyang kapatid ay dapat pakasal sa nabiyuda upang magkaanak sila para sa namatay. Noon po'y may pitong magkakapatid na lalaki rito sa amin. Nag-asawa ang panganay at namatay siyang walang anak, kaya't ang kanyang asawa ay pinakasalan ng kanyang kapatid. Gayundin po ang nangyari sa pangalawa, sa pangatlo, hanggang sa pampito. Pagkamatay nilang lahat, namatay naman ang babae. Ngayon, sino po sa pito ang magiging asawa niya sa muling pagkabuhay, yamang siya'y napangasawa nilang lahat?” Sumagot si Jesus, “Maling-mali ang iniisip ninyo, palibhasa'y hindi ninyo nauunawaan ang mga Kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. Sa muling pagkabuhay, ang mga tao'y hindi na mag-aasawa; sila ay magiging tulad ng mga anghel sa langit. Tungkol naman sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi pa ba ninyo nababasa sa Kasulatan ang sinabi sa inyo ng Diyos? Sabi niya, ‘Ako nga ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy.” Nang marinig ito ng mga tao, namangha sila sa kanyang katuruan.
Basahin Mateo 22
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mateo 22:23-33
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas