Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 22:23-33

MATEO 22:23-33 ABTAG01

Nang araw ding iyon ay lumapit kay Jesus ang mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay na muli; at kanilang tinanong siya, na sinasabi, “Guro, sinabi ni Moises, ‘Kung mamatay ang isang tao na walang anak, pakakasalan ng kanyang kapatid na lalaki ang asawa niya, at magkakaroon ng mga anak para sa kanyang kapatid na lalaki.’ Ngayon, mayroon sa aming pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at siya'y namatay. Sapagkat hindi siya nagkaroon ng anak ay iniwan niya ang kanyang asawa sa kanyang kapatid na lalaki. Gayundin naman ang nangyari sa ikalawa at sa ikatlo, hanggang sa ikapito. At kahuli-hulihan sa lahat ay namatay ang babae. Kaya sa muling pagkabuhay, alin sa pito ang magiging asawa ng babae? Yamang siya'y napangasawa nilang lahat.” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Nagkakamali kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang mga kasulatan, o ang kapangyarihan ng Diyos. Sapagkat sa muling pagkabuhay ay hindi sila nag-aasawa o pinag-aasawa pa kundi sila'y tulad sa mga anghel sa langit. At tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa ang sinabi sa inyo ng Diyos, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob’? Siya ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy.” Nang marinig ito ng napakaraming tao, namangha sila sa kanyang aral.