Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 20:24-34

Mateo 20:24-34 RTPV05

Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Dahil dito, pinalapit sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ang naghahari sa kanila, at ang mga dinadakila ang siyang nasusunod. Hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Kung nais ninyong maging dakila, dapat kayong maging lingkod sa iba, at kung sinuman sa inyo ang nagnanais maging una, siya ay dapat maging alipin ninyo. Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.” Pag-alis nila sa Jerico, si Jesus ay sinundan ng napakaraming tao. Doon ay may dalawang bulag na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig nilang dumaraan si Jesus, sila'y nagsisigaw, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!” Pinagsabihan sila ng mga tao at pinapatahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!” Tumigil si Jesus, tinawag sila at tinanong, “Ano ang gusto ninyong gawin ko para sa inyo?” Sumagot sila, “Panginoon, gusto po naming makakitang muli!” Nahabag si Jesus sa kanila at hinipo ang kanilang mga mata. Agad silang nakakita, at sila'y sumunod sa kanya.