Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 20:20-34

Mateo 20:20-34 RTPV05

Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedeo, kasama ang dalawa niyang anak na lalaki. Lumuhod siya sa harapan ni Jesus upang sabihin ang kanyang kahilingan. “Ano ang gusto mo?” tanong ni Jesus. Sumagot siya, “Kapag naghahari na po kayo, paupuin ninyo sa inyong tabi ang dalawa kong anak, isa sa kanan at isa sa kaliwa.” “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Jesus sa kanila. “Maiinuman ba ninyo ang kopa na malapit ko ng inuman?” “Opo,” tugon nila. At sinabi ni Jesus, “Daranasin nga ninyo ang hirap na titiisin ko. Ngunit wala sa akin ang pagpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga upuang iyo'y para sa pinaglalaanan ng aking Ama.” Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Dahil dito, pinalapit sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ang naghahari sa kanila, at ang mga dinadakila ang siyang nasusunod. Hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Kung nais ninyong maging dakila, dapat kayong maging lingkod sa iba, at kung sinuman sa inyo ang nagnanais maging una, siya ay dapat maging alipin ninyo. Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.” Pag-alis nila sa Jerico, si Jesus ay sinundan ng napakaraming tao. Doon ay may dalawang bulag na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig nilang dumaraan si Jesus, sila'y nagsisigaw, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!” Pinagsabihan sila ng mga tao at pinapatahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!” Tumigil si Jesus, tinawag sila at tinanong, “Ano ang gusto ninyong gawin ko para sa inyo?” Sumagot sila, “Panginoon, gusto po naming makakitang muli!” Nahabag si Jesus sa kanila at hinipo ang kanilang mga mata. Agad silang nakakita, at sila'y sumunod sa kanya.