May isa namang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, ano pong kabutihan ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”
Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lang ang mabuti. Ngunit kung nais mong magkamit ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga Kautusan ng Diyos.”
“Alin sa mga iyon?” tanong niya.
Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; igalang mo ang iyong ama at ina; at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.”
Sinabi ng binata, “Tinutupad ko na po ang lahat ng iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?”
Sumagot si Jesus, “Kung ibig mong maging ganap, ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap ang pinagbilhan. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata sapagkat siya'y napakayaman.
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tandaan ninyo: napakahirap sa isang mayaman ang makapasok sa kaharian ng langit! Inuulit ko, mas madali pang makadaan sa butas ng karayom ang isang kamelyo, kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.”
Nagtaka ang mga alagad nang marinig ito kaya't naitanong nila, “Kung gayon, sino po ang maliligtas?” Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”
Nagsalita naman si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo. Ano po naman ang para sa amin?”
Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: kapag naghahari na ang Anak ng Tao sa kanyang trono ng kaluwalhatian sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay uupo din sa labindalawang trono upang mamuno sa labindalawang lipi ng Israel. Kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap siya ng sandaang ibayo at pagkakalooban siya ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming nauuna na magiging huli, at maraming nahuhuli na mauuna.”